Chapter 45: Fight For The One You Love

740 12 0
                                    

Buong araw na hindi lumabas ng kwarto si Cassandra. Wala siyang ganang gawin ang kung ano. Pilit siyang tinanong ng kanyang Magulang at mga Kapatid sa kung anong nangyari sa pagsuyo niya kay Charlie pero wala siyang kinuwento. Masyadong masakit para pag-usapan pa.

            Tumagilid siya ng higa paharap sa bintana. Mataas na ang sikat ng araw pero kay ganda ng mga puting ulap na mukhang bulak sa Langit.

            Kinapa niya ang excess pillow sa kanyang tabi, niyakap niya iyon ng mahigpit.

            Nami-miss na niya si Charlie. Gusto niya itong makita, makausap at mahagkan. Ito lamang ang nagpapakumpleto sa araw niya at hindi niya matiis na hindi ito makita pero ano nga bang magagawa niya kung pinagtatabuyan na siya nito?

            Napapikit siya nang maalala ang huling sinabi nito sa kanya.

May mga bagay na hindi na maaaring ipilit. May mga pagkakataon na kailangan mo na lang itapon. Marami nang nangyari sa ating dalawa Cassandra at ayoko na. Ayoko nang masaktan pa. Kung gusto mong magsimulang uli, gawin mo iyon ng wala ako. Kalimutan na natin ang isa’t isa. Mali na nagkakilala pa tayo. Patayin mo na ako sa alaala mo.

            Tinutusok ang puso niya sa tuwing naririnig niya iyon sa kanyang tenga paulit-ulit. Hindi pa rin niya matanggap na nagkaganun silang dalawa.

            Sa ganitong pagkakataon, desperado na siyang makakita ng isang time machine. Kahit imposible, nangangarap siyang totoo na lamang ang makinang iyon dahil kung meron nga talagang time machine, mababago na niya ang kanyang mga pagkakamali. Baka maging sila na ni Charlie nang walang kumplikasyon.

            Tumihaya siya ng higa at bumuntong hiningang tinitigan ang kisame.

            Ang hirap talagang magsisi sa mga pagkakamali. Parang nilalamon siya ng kanyang konsensya. Hindi siya nito pinapatulog, hindi rin tinatantanan.

            Bakit ganun ang pag-ibig? Ang sarap-sarap kapag naramdaman pero kay sakit naman kapag iniwan na. Nakakabaliw. Nakakapanghina.

            Napatingin siya sa side table ng tumunog ang kanyang Cellphone na nakapatong doon.

            Dumapa siya at pahirapan niyang inabot iyon. Tinitigan niya kung sinong nakarehistro’t napakunot ang kanyang noo.

            “Sino ‘to?” Aniya habang binabasa ng paulit-ulit ang unknown number.

            Naengotan siya sa kanyang sarili. Paano nga naman niya malalaman kung sinong natawag kung hindi iyon sasagutin?

            Agad niyang pinindot ang answering button at mabilis iyong tinapat sa kanyang tenga.

            “Hello? Who’s this? How did you..-”

            “Cassy! Si Baste ito!”

            Natigilan siya nang mabigla sa boses na narinig. Tama ba ang rumehistro sa kanyang tenga? Si Baste, tinatawagan siya?

            “Baste? Is it really you?”

            “Ha? Huwag mo akong inglesin. Hindi kita maintindihan.”

            No further questions. Si Baste nga ito.

            “Bakit ka napatawag? May problema ba...kay Charlie?”

            Narinig niya ang pekeng tawa nito sa kabilang linya. Batid niyang hindi tungkol sa binata ang pakay nito.

Cassandra's Second ChanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon