Nakatayo si Cassandra sa gitna ng kanyang Opisina. Isa-isa niyang pinagmamasdan ang mga gamit niya doon. Mga gamit na naging saksi ng kanyang tagumpay, pagsisikap at mataas na pangarap.
Malapit na siyang matapos sa pag-iimis na ginagawa. Karamihan sa mga pagmamay-ari niyang Palamuti, Paintings at Figurines ay nailagay na niya sa magkakaibang kahon. Unti na lang at magmimistula nang abandonado ang Opisinang ito.
Pumikit siya. Pilit niyang ninamnam ang pagkakataong ito. Alam niya na may mga bagay talagang kailangang tanggapin kahit mahirap sa kalooban.
Lumapit siya sa kanyang mesa. Hinipo niya ang makintab nitong ibabaw. Hinding-hindi niya malilimutan ang unang araw na naangkin niya ito. Ang otoridad na binibigay sa kanya ng mesang ito ay walang kaparis. Hindi siya nagtataka kung bakit naglaway si Roxanne sa posisyon niya.
“Ma’am.....nakarating na po iyong Van na ipinatawag niyo sa akin sa kapatid niyong si Sir Johnny. Nasa....labas na po.” Ang humihikbing update ni Thess pagkapasok nito.
Tinitigan niya ang kanyang sekretarya. Naantig ang kanyang puso sa kanyang nakikita.
Tumatangis si Thess habang maingat na pinapahid sa mukha ang tangan nitong puting panyo.
“Bakit ka umiiyak?” Malumanay niyang tanong.
“Ma’am.....ayoko kayong umalis. Wala naman po kayong kasalanan pero kayo ang sinisisi nila. Wala po akong ibang gustong maging Boss kundi kayo lang.”
Parang nilulukot ang kanyang dibdib sa kanyang narinig. Sa kabila ng lahat, may natitira pa palang tao dito sa Kumpanya na gusto siya. Na nalulungkot sa kanyang pag-alis.
Kahit naluluha, pinilit niya ang kanyang sarili na ngumiti. Malaki ang pasasalamat niya kay Thess dahil hindi siya nito iniwan. Naging loyal ito kahit na hindi naging maganda ang turing niya dito noon.
“Thess...may mga bagay na....na hindi natin makokontrol.” Saglit siyang tumigil nang maalala ang payo sa kanya ni Mang Nestor. “Ganito siguro talaga ang dapat mangyari. Marami na akong isinakripisyo para sa trabahong ito at sa mahabang panahon, ito ang naging buhay ko. Ito na ang panahon para kumawala ako dito. Para hanapin ang totoong magpapaligaya sa’kin.”
“Pero Ma’am....magaling kayo. Kayo ang nagpa-number one sa FBC. Paano niyo ito magagawang iwan?”
Hindi siya nakapagsalita. Ang tanong na iyon ay kay hirap sagutin ngunit alam niya na naghihintay ang kanyang sekretarya ng kanyang tugon. Tumingin siya sa bintana at inaliw ang kanyang mga mata sa matataas na buiding sa paligid.
“Tulad mo Thess, empleyado lang ako dito. Darating din ang panahon na kailangan ko itong iwan. Kahit ano pa ang nagawa ko para sa FBC, may papalit at papalit pa rin sa akin na mas magaling, mas maabilidad at mas matalino. Tapos na ang papel ko dito. Hindi na nila ako kailangan kaya dapat ko iyong tanggapin. Masakit lang na sa ganitong paraan ko iiwan ang aking Opisina. Hindi ganito ang pinlano ko noon.”
Saglit siyang tumigil upang pakawalan ang mahihinang tawa. Bahagya siyang yumuko sabay kamot sa sentido.
“Sa totoo lang, ine-expect ko na fifty years old akong magre-retire. Mukhang napaaga ata. Minsan talaga, gugulatin ka na lang ng buhay. Kahit hindi mo gustuhin, nangyayari.”
BINABASA MO ANG
Cassandra's Second Chance
RomanceMeet Cassandra feira. Mayaman, maganda, sexy, matalino, sofistikada, at may sinasabi sa lipunan. Ang tawag sa kanya ng mga katrabaho niya ay BITCHERA. Bitch na etchosera. Ngunit lingid sa kaalaman ng lahat, puno ng kalungkutan at kasawian ang kanya...