Chapter 31: One Night Only

861 9 0
                                    

Walang ganang kumatok sa pamilyar at binubukbok na pintuan si Cassandra. Nakasukbit sa kanyang kanang braso ang pinakamamahal na Hermes bag habang sa kaliwa naman ay tangan niya ang isang puting supot na may lamang alak.

            “Saglit lang.” Mahinang sabi ng tao mula sa loob.

            Naghintay siya. Ang kanyang isip ay nakalutang at ang puso niya’y manhid sa sobrang kirot na nararamdaman.

            Mula nang malaman niya ang kawalanghiyaan ni Roxanne, dito niya naisipang pumunta. Sa lugar kung saan makikita ang tunay niyang kaibigan.

            Pumikit siya’t bumuntong hininga nang makadama ng inis sa matagal na pagbubukas ng pinto.

            Tinaas niya ang kanyang kanang kamay upang kumatok muli pero bigla itong bumukas.

            “Oh, Cassy!” Gulat ngunit naliligayahang sabi ni Charlie.

            Hindi siya ngumiti o gumanti man lang ng bati. Muli siyang bumuntong hininga sabay tabig sa kaibigan. Dire-diretso siyang pumasok sa loob ng walang paalam.

            Napahinto siya nang matantong hindi lang pala si Charlie ang naroon. Nakatitig sa kanya ang buong tropa na nakaupo sa may sala.

            “Hi...Cassy.” Ang naiilang ngunit nakangiting bati ni Baste.

            Hindi niya alam kung tutugon ba siya o iisnabin ito. Hindi sila close at alam niyang mababastusan ito kung magwawalang kibo lang siya.

            “Hi.” Tipid at walang gana niyang tugon.

            “Bakit ka naparito? Dapat tinext mo man lang ako para nasundo kita sa labasan.” Sabi ni Charlie habang sinasara ang pinto. Naglakad ito patungo sa kanyang pwesto’t hinarap siya. “Anong atin?”

            Hindi siya sumagot hindi dahil sa ayaw niya, kundi dahil naiilang siya sa tropa nitong naroon.

            “Musta ka na? No time no see.” Ani Niccolo sabay tayo’t lapag ng hawak na plato sa kalapit na mesa.

            “Ma-mabuti naman.” Aniya sabay tingin sa paligid.

            “Okay ka lang ba?” Mahinang tanong ni Charlie.

            Tumingin siya dito. Ang mga mata nito’y seryoso’t nag-aalala.

            Binaba niya ang kanyang tingin at pagkatapos ay umiling.

            “Anong nangyari?” Muli nitong tanong.

            Napatingin siya sa paligid, ang mga katropa nito’y nakapako ang tingin sa kanya.

            Sasabihin ba niya ang rason o kailangan munang paalisin ang mga kaibigan ni Charlie para makapag-usap sila ng sarilinan?

            “Ah... tropa, maya na lang tayo manood ng NBA. May...pag-uusapan lang kami ni Cassy saglit.” Ang mahinahong sabi ni Charlie dahilan para magtinginan ang mga kaibigan nito.

            Nakadama si Cassandra ng hiya kaya minuwestra niya ang kanyang kamay kay Charlie upang ito’y pigilan.

            “Okay lang...hindi na nila kailangang umalis. Dito na lang kayo. Samahan niyo ako.”

Cassandra's Second ChanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon