String 3 : Strangers to each other

2K 135 26
                                    

***

HUMINGA nang malalim si Harvey. Ngayon lang siya nakatagpo ng babaeng ganito, kung anuman ito. Kung damit lang ang basehan, mukhang hindi ito hikahos. Branded, maging ang suot nitong combat boots. Hindi rin naman mukhang takas sa mental. Isa pa, walang malapit na mental institution sa subdivision nila.

"Ano? May sasabihin ka?" untag nito.

Inulit niya sa sarili ang tanong. May sasabihin ba siya? May uusisain? Pagod na siya sa buong araw na aktibidad kaya naman mabagal na ang isip niya sa pagproseso ng mga dapat at maaaring isipin.

"Paano ka nakaakyat dito sa second floor?"

"Sa puno ng mangga sa tagiliran n'yo."

"Sino'ng tinatakbuhan mo?"

Umupo ito sa kama niya. "May kalbong humahabol sa 'kin kanina. Wala na ngayon." Kinuha nito ang penguin stuffed toy niya at tinusok-tusok ang nguso niyon.

"Ah. Buti naman nakaligtas ka," wala sa loob na sabi niya. Naupo siya at magko-concentrate na sana sa computer pero... Ano 'yon? Wala ba ito kahit thank you sa pagliligtas niya? "Teka muna pala—"

"Thank you," malamig pa sa ilong ng pusa na sabi nito. "Now, shut up muna. May iniisip ako."

Napangiwi siya rito. "Nag-thank you 'tapos may shut up..." bulong niya.

Hawak nito si Penguin nang panliitan siya ng maliliit na ngang mga mata. "Alam mo, ang laki mong tao pero lagi kang nakatunganga 'tapos bumubulong-bulong ka diyan. Hindi ka naman bubuyog. Kung may sasabihin ka, sabihin mo nang deretso," sabi nito.

Dahil 'yon pagod na siya buong araw. At bakit ba nagsusungit ito? "Wala naman akong sinasabing masama, ah."

"Siguruhin mo. Baka akala mo, porke babae ako, puwede mo 'kong kayan-kayanan. Ngayon pa lang, binabalaan na kita: kung may iniisip kang masama sa 'kin, think a hundred times. Ano..." Mukhang naghanap ito ng sasabihin. "Malakas akong sumigaw."

Ngumiwi siya. Malakas din siyang sumigaw, ano. At hindi ba at siya ang kinakayan-kayanan nito? Sa sarili niyang kuwarto? "Ano ba'ng pangalan mo?"

Sandali itong nag-isip. Lalo tuloy siyang nawirduhan. Hindi naman siguro nito nakalilimutan ang sarili nitong pangalan.

"Charley," sagot nito.

Tumango siya.

"Ikaw?" anito.

"Harvey."

Ito naman ang tumango.

"Wala ka nang itatanong, Harvey? Para makatulog na 'ko."

"Wala na." Inaantok naman na pala. Baka masungit ito dahil inaantok. Pumihit siya pabalik sa monitor.

Hindi nakita ni Harvey kung paanong nagtanggal ng boots si Charley at komportableng humiga sa kama niya. Ibinakod nito ang unan at itinabi sa sarili ang mga stuffed toys.

"Pakipatay naman 'yong ilaw. Ang sakit sa mata, eh. Hindi ako makatulog," sabi nito.

Nakatuon ang mga mata niya sa bukas na pdf file ng lesson nila. "Sandali lang. Nagbabasa ako."

"Patayin mo muna. Saka mo balikan 'yang binabasa mo."

May inis sa boses nito kaya tumayo na siya para matapos na. Maingay ang pagbubuga niya ng hangin. Kung makapang-istorbo ito, parang siya ang nakikituloy. Pipindutin na niya ang switch ng ilaw nang mapasulyap dito. Tuwid na tuwid ito sa kama niya. Yakap-yakap ang penguin. Wala namang mali roon maliban sa... kanya nga pala ang kuwarto. Bahay niya nga pala ito. At hindi niya naman talaga kilala ang babae.

(S&BS 1) String-knitted Hearts [Published by Psicom ICONS]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon