***
INIHILAMOS ni Harvey ang palad sa mukha. Nagmo-morph sa paningin niya ang ginisang gulay at ang pritong isdang nakahain. Lumalaki ang ulo ng isda at parang kumikindat. Maya-maya siguro ay magsasalita na rin.
"Bro, okay ka lang?" tanong ni JM.
Nasa school canteen sila. Magkaharap sa mesa para kumain sana ng lunch. Pero hindi makasubo si Harvey dahil sa antok. Matataba ang eyebags niya. Pinasisingkit ang mga mata niya kaya malabo ang mukha ng kaibigan.
"Bro, paano ba magligaw ng pusa?" tanong niya.
Nangunot ang noo nito bago magtanong. "Bakit? May pusa ka?"
"May pusang pumasok sa kuwarto ko noong isang linggo," tukoy niya sa pusang malakas ngumiyaw at itatago natin sa pangalang Charley. "Dahil sa kanya, hindi ako makatulog nang maayos."
Lalong lumalim ang kunot ng noo ni JM. Ang alam nito ay bawal siyang mag-alaga ng kahit na anong hayop. "Totoo? Pumayag si Tita Diana na mag-alaga ka ng pusa? Sa kuwarto mo pa?"
Umiling-iling siya. Naiiyak sa antok. "Ibang pusa 'to, bro. Bossy. Terorista. Pakialamera. Malakas kumain. Malakas ang toyo at malakas ang trip."
Nagbuga ito ng hangin. Nangutsara pero bago sumubo ay nagsalita muna. "Mahirap magligaw ng pusa, bro. Matibay sa homing ang mga 'yon. Kahit iligaw, nakakabalik."
Na ibig sabihin, mananatili ang teroristang pusa sa kuwarto niya?
"I'll be damned," laglag-balikat na sabi ni Harvey.
Charley Invasion 1 : Six nights ago mula nang maawa siya sa pusa.
Pagbalik ni Harvey sa kuwarto ay nakadapa at tulog na tulog na si Charley sa kama niya. Gaya nang nakaraang gabi ay napalilibutan ito ng mga unan na mistulang barricade. Naka-prop paharap sa puwesto niya ang mga animal stuffed toys. Tila bantay sa kung anuman ang gagawin niya. Sa tagiliran ng kama ay nakababa ang dalawang malalaking unan at si Pong. Iyon lang ang puwede niyang gamitin mula sa buong kama.
Sa carpet na uli siya natulog. Kumuha siya ng dalawang comforter sa closet niya—ang isa ay isinapin niya at ang isa pa ay ikinumot naman.
Nang magising siya kinaumagahan ay wala na uli si Charley sa kuwarto niya. Maayos ang kama. Hawak ni Penguin ang note na nagsasabing uuwi roon ng alas-sais ng gabi ang babae. Signed by Charley.
Pagsapit ng ala-sais. . .
Mabilis na sumuot si Charley sa bintana. Dilaw ang maluwag na pang-itaas, chocolate brown ang pantalon, at abot-binti ang boots. Walang-imik siyang nakatingin habang nakaupo sa harap ng computer.
"Are we ready to talk about the rules?" anito.
"Damn ready," sagot niya.
Umupo si Charley sa tagiliran ng kama. Umupo rin siya.
"Ang una nating dapat linawin ay kung sino ang matutulog sa kama," simula ni Harvey. Kailangan niyang bawiin agad ang kama. Kasi kung hindi, pakiramdam niya ay magiging teritoryo ito ng terorista.
"That's common sense," sagot nito. "Siyempre, dapat ako."
"At bakit po?"
"Ako ang babae."
"Ako ang may-ari."
"Doesn't matter," magkasabay nilang nasabi.
Nagsukatan sila ng tingin pagkatapos.
"Eh kung gawin nating by schedule?" aniya.
"Eh kung mag-bato-bato pick tayo?" hamon nito.
Tiwala si Harvey sa bato-bato pick skills niya. Iyon lang ang larong nalalaro niya na proud ang Mama niya. Wala kasing violence do'n. Walang sakitan. Ang science ng laro ay ang pagkilatis sa iniisip ng katapat. Kapag hindi masyadong magkakilala ang naglalaro, siguradong bato ang pipiliin ng kalaban. Maiilang kasi ito kaya normal na nakatiklop ang palad kapag bumato. Kaya naman sigurado siyang kaya niyang talunin si Charley. Mababawi niya ang kama niya!

BINABASA MO ANG
(S&BS 1) String-knitted Hearts [Published by Psicom ICONS]
RomanceAng buhay ni Harvey, tahimik at bahagyang hindi makatotohanan. Seven years old lang kasi siya sa paningin ng Mama niya kaya araw-araw ay may bimpo siya sa likod, may baon siyang juice jug at animal-shaped cookies, at bago matulog ay umiinom ng malak...