***
7:30 ng umaga.
Mula sa sinakyang taxi ay bumaba sina Harvey at Charley sa bukana ng residential area na malapit sa Eastwood. Sa kantong binabaan ay tanaw ni Harvey ang condominium building na tinititigan ni Charley nang nagdaang gabi.
Doon pala ang punta nila.
Hindi siya makapaniwala na nagawa ng babaeng pagsamantalahan ang pag-aagaw-tulog niya. Hindi man lang siya nakapagtanong kung bakit kailangan niyang sumama sa kung anumang krimen ang gagawin nito.
Sabado ngayon na ang ibig sabihin ay lazy day niya. Ito ang araw na magkukulong lang siya sa kuwarto (maliban kung ipatawag ng Mama niya) at magninilay-nilay sa hiwaga ng buhay. Pagtitikahan niya ang mga kasalanan niya sa nagdaang linggo para ikumpisal sa pari kinabukasan—mga kasalanan gaya ng pagbabalak ng masasamang paraan para isabotahe ang leader ng mobster sa eskuwela, o pananalangin na magka-amnesia si Lala sa pamamalengke at hindi na makauwi, o paghiling na magsara na ang manufacturer ng animal-shaped chicken nuggets na lagi niyang baon. Ito rin ang araw na nakapapahinga siya sa quota ng kahihiyan na tinitiis niya sa eskuwela.
Pero kaysa celebration ng lazy day niya, heto at kasama niya si Charley sa kung anumang bagong trip nito.
Pinilit siya nitong magsuot lang ng walking shorts, black shirt, at rubber shoes. May suot siyang ranger's hat para sa init ng araw. Nakasukbit sa baywang ng maangas niyang porma ang bright pink na walkie-talkie.
Pinagdala rin siya ni Charley ng backpack na nilagyan nito ng folder, notepad, ballpen, taser gun, swiss knife, digital camera, binoculars, master keys, bote ng tubig, at balisong-Batangas.
Walang dala si Charley kundi ang kakulitan nito.
Now what?
Kinuha nito ang binoculars sa bag at ikinuwintas bago humarap sa malaking condo building. Sumilip ito sa binoculars. Bumitiw. Kumunot ang noo sa sandaling pag-iisip. Pagkatapos ay ang folder naman na nasa bag ang kinuha. Binuksan nito ang folder at iniabot sa kanya ang isang papel.
"Basahin mo. This is our mission, Alpha 2."
Kumunot ang noo niya. Nagugutom siya. Kamamadali nila ay ni hindi siya nakapag-almusal. Nang magpaalam sa Mama niya, ang sabi niya ay may cab scout activity sa eskuwelahan. Hindi man lang ba nakaiisip ng pagkain si Charley?
Tiningnan ni Harvey ang nakasulat sa papel. May picture ng isang lalaki roon at ilang detalye.
"Donald Roxas?"
Tumango si Charley. Hawak uli nito ang binoculars at nagmamanman sa building.
Luminga-linga siya sa dumadaang mga tao. Malapit sila sa business center kaya karamihan ay naka-power suit at nagmamadali sa paglalakad. Pero marami-rami rin ang napapatigil at napapalingon sa kanila.
Hindi kaya ilegal ang ginagawa nila?
"Sino 'to?" aniya.
Salubong ang kilay ni Charley nang humarap sa kanya. "Donald Roxas. 44 years old. Co-owner ng AC Real Estate at Adelyer Constructions. Married to Evangeline Roxas. Walang anak. Hobbies are—"
"I know. I can read everything here."
"Eh, bakit nagtatanong ka pa?"
"I mean, sino siya? Bakit mo siya sinusundan?"
"Bakit natin siya sinusundan," pagtatama nito.
"Okay. Bakit natin siya sinusundan?"
Tumikom ang bibig nito sa itinatagong sagot.

BINABASA MO ANG
(S&BS 1) String-knitted Hearts [Published by Psicom ICONS]
RomanceAng buhay ni Harvey, tahimik at bahagyang hindi makatotohanan. Seven years old lang kasi siya sa paningin ng Mama niya kaya araw-araw ay may bimpo siya sa likod, may baon siyang juice jug at animal-shaped cookies, at bago matulog ay umiinom ng malak...