***
MASIGLANG kumain ng hapunan si Princess Diana at ang little fairy na si Charley. Kasalo nila sa mahabang dining table sina Harvey at Prince Charles. Magkasundong nagkuwentuhan ang dalawang babae sa pelikulang pinanood at sa mga pinamiling bagong damit. Mukha na ring kambal ang mga ito dahil sa magkatulad na kulay ng buhok at outfit.
Matapos kumain ay nag-request ng song number mula sa fairy ang Mama ni Harvey. Kay liwanag ng mukha ng Mama niya! Ang ngiti, dadaigin ang karisma ni Mona Lisa. Kaya hindi niya malaman kung paano sisigaw ng emergency, huwag lang matuloy ang concert ng terorista.
"Ahem. . . ahem. . ." Exaggerated ang paglilinis kuno ng lalamunan ni Charley.
Masama ang tingin niya rito. Ipinapahiwatig ang delubyong darating kung babasagin nito ang eardrums ng Mama niya.
Nakaupo sa high stool sa gitna ng living room si Charley. May hawak itong gitara na bagong bili. Courtesy of Princess Diana, with love. Sinimulan nitong kalabitin ang gitara. Alam niya ang intro ng kantang iyon kaya nakikiramdam na siya. Naghahandang takpan ng hintuturo ang tainga ng Mama niya para hindi ito ma-disappoint sa fairy.
"'Pag automatic na ang luha
tuwing maghahatinggabi. . ."Napatanga siya kay Charley. Mabagal ang tempo ng rendition nito. Daig ang pulot-pukyutan sa tamis ng singing voice. Malayong-malayo sa ngiyaw ng pusang inipit na ipinaririnig sa kanya. Nawala sa isip niya ang manita.
Nang tumingin sa kanya si Charley, kinilig 'ata siya. May maliit na damdamin sa puso niya na nagsimulang pumintig. Damdamin na ilang taon na rin na may pangalang Nadine. Sa bawat kalabit nito sa gitara kasabay ang lambing ng boses, sa mga mata nitong ikinukulong ang sa kanya, lumalaki at tumalon-talon ang damdaming iyon.
"Ika'y magtiwala sapagkat ngayong gabi
ako ang mahiwagang. . . elesi. . ."Kaunti na lang. . . bibigay na ang puso niya. Ayaw niyang payagan iyon. Hindi ba at si Nadine lang ang dapat na nakaaantig sa kanya? Gusto niyang iiwas ang tingin. Pero sadyang nakapako ang mata niya kay Charley. Kaunti na lang at—
"Wait a minute, little fairy!"
Ang Mama niya iyon. Napatigil ang fairy sa pagkanta at tumingin sa prinsesa. May magkahalong panghihinayang at relief naman siyang naramdaman. Panghihinayang dahil naputol ang malagkit na titigan nila ni Charley habang hinaharana siya nito. At relief dahil natigil ang pag-take over ng babae sa puso niya.
"What is it, Your Majesty?" usisa ni Charley sa Mama niya.
"That is a human song. I want to hear songs from fairyland. Can you sing me one?"
Nakita niyang nablangko ang mukha ni Charley. Sasaluhin na sana niya ito mula sa pagkabigla at gagawan ito ng alibi pero. . .
"As you wish, Your Majesty."
Isang malaking Eh? ang nasa mukha niya. Ano'ng kakantahin nito? Butsikik para hindi tunog tao? Sasamahan ng malamyos at makapanindig-balahibong plucking sa gitara para maging love song? Kinikilabutan na siya maisip niya pa lang.
Nagsimulang kumalabit si Charley sa gitara habang inihahanda naman niya ang sarili sa kilabot.
"Baram gyeoli changeul heundeulgo
(The wind stirs this window)"May question mark sa mukha niya. Gano'n din ang Papa niya. Korean ang kanta pero hindi iyon napapansin ng Mama niya na nakangiti at mukhang nawiwili sa lamyos ng boses ng fairy.
Bumalik ang pananakop ni Charley sa puso niya. Habang kumakanta ay lumalamlam din ang mga mata nito at nagkakaroon uli ng bakas ng luha. May munting kurot sa puso siyang naramdaman. Gusto niyang lumapit dito at pigilan ang pagtulo ng luha nito.
BINABASA MO ANG
(S&BS 1) String-knitted Hearts [Published by Psicom ICONS]
RomanceAng buhay ni Harvey, tahimik at bahagyang hindi makatotohanan. Seven years old lang kasi siya sa paningin ng Mama niya kaya araw-araw ay may bimpo siya sa likod, may baon siyang juice jug at animal-shaped cookies, at bago matulog ay umiinom ng malak...