***
TSS. . . Tss. . .
"Alpha 3, this is Alpha 1. Ano na'ng sitwasyon diyan sa puwesto mo? Over."
Sinilip ni Charley ang tinatawag na si Alpha 3 na may kalayuan din sa kanya. Nasa entrance ito ng jellyfish attraction sa Ocean Park. Nakita niyang nagkakamot ito sa ulo.
"Charley, okay ka lang? Wala pang sitwasyon dahil kapapasok pa lang nila sa loob two minutes ago," kaswal na sabi ni Alpha 3 sa walkie-talkie.
Today, si Charley ay si Alpha 1. Si Alpha 3 ay ang bagong recruit na ranger—si Jose Mari o JM. Ang misyon nila ay siguruhing safe at successful na makapagde-date sina Nadine at Harvey.
"Tsk. Two minutes ago pa lang ba? Parang ang tagal na sa pakiramdam ko eh. Saka, ano namang interesante sa mga jellyfish?" tanong plus reklamo plus pakikialam niya.
Sa Manila Ocean Park napiling dalhin ni Harvey si Nadine. Sa gitna ng sangkahayupan balak sabihin ng sanggol ang feelings at mabuting intensyon nito sa first love.
"Bakit kasi affected na affected ka?" may himig pagtatawa si JM.
"Hoy, Alpha 3, tumatawa ka ba?" mainit ang ulong tanong niya.
"Ako? Tatawa? Bakit naman? Dahil lang ba pakiramdam ko ay affected ka sa date nina Harvey at Nadine? Why naman? Wala naman akong basehan bukod sa init ng ulo mo," saka ito bumungisngis.
Pinagtatawanan nga siya! Naningkit ang mga mata ni Charley kahit na hindi iyon makikita ng kausap. "Hoy, Alpha 3! Una, hindi po ako affected! Nakakabagot lang magbantay sa sanggol."
Naniniwala siyang hindi siya apektado sa date. Tatlo silang magkakasama nina JM kanina sa taxi. Kabado si Harvey na panay usal sa greetings at speech nito. Pero nang makarating sa mall na tagpuan, nakita niya ang pagbabago ng sanggol. Nawala ang lahat ng bakas ng pamumutla at nag-give way sa pamumula at sigla nito nang dumating si Nadine.
Pink na floral dress ang suot ng babae. Nakalugay ang hanggang balikat na buhok. Babahagya ang make-up. Nang ngumiti ito kay Harvey, kahit siya, kinilig. Kilig na napalitan ng init ng ulo dahil namula si Harvey sa siguradong kilig.
"Hi!" nahihiyang sabi ni Nadine. Hindi siya sigurado kung maganda lang ang pagkaka-blush on nito sa pisngi o sadyang namumula rin.
"Hi. . ." sabi rin ni Harvey na half-fan boy at half-hangin ang boses.
Muntik na siyang sumigaw ng 'Cut!' dahil hindi niya gusto ang vibe ng opening scene. Pakiramdam niya ay may magkaka-girlfriend sa ending.
Matapos ang walang kalatoy-latoy na 'Hi' ng dalawa sa isa't isa, itinulak ni JM si Harvey palapit sa babae. Nagpaalam naman sila ni JM na kunwari ay may mga sariling lakad. Nang mawala na sila kunwari, saka pa lang nagyayaan ang dalawa na manood ng sine.
Nanood ng sine sina Nadine at Harvey. 'Yong love story siyempre. Dahil do'n ay dalawang oras at kalahati silang tumambay ni JM sa snack bar sa labas ng cinema.
Sa buong dalawang oras at kalahati ay nakakain si Charley ng tig-isang tumbler ng cheese at buttered popcorn, ngumata ng malaking serving ng nachos, nangilo sa lamig ng buko salad, tumungga ng mahigit isang litrong Gatorade at nag-exercise sa pagpapabalik-balik sa banyo.
Nang lumabas sa sinehan ang dalawa at sumakay ng taxi, sila naman ni JM ay parang mga secret agent na sumakay din ng taxi at pinasundan ang mga ito. At dito nga sila sa Manila Ocean Park napadpad.
Sa lahat ng nangyari, may ebidensiya ba na affected siya? Para kay Charley, wala.
"Kung nabo-bored ka, bakit kasi hindi tayo tumingin-tingin din ng mga jellyfish sa loob? Mag-enjoy naman tayo. Bored na rin ako," sabi ni Alpha 3.
BINABASA MO ANG
(S&BS 1) String-knitted Hearts [Published by Psicom ICONS]
RomanceAng buhay ni Harvey, tahimik at bahagyang hindi makatotohanan. Seven years old lang kasi siya sa paningin ng Mama niya kaya araw-araw ay may bimpo siya sa likod, may baon siyang juice jug at animal-shaped cookies, at bago matulog ay umiinom ng malak...