***
NAGMULAT si Charley na katabi si Penguin, sa ilalim ng sarili niyang kumot, sa sarili niyang silid. Napakunot-noo siya. Paano nangyari iyon? Sigurado siyang kagabi ay—
Napaisip siya. Pilit inalala ang nangyari nang nagdaang gabi sa kabila ng kapal ng antok na nakabalot pa sa kanya.
Alas-onse na sila nakauwi ni Harvey. Bagsak ang balikat at maga ang nguso nito nang pumasok sa sarili nitong silid. Pumasok din siya sa kuwarto niya pero hindi siya mapalagay. Hindi mawala sa isip niya ang kondisyon nito sa buong panahon na nagpatay sila ng oras. Mangiyak-ngiyak ito. Malayo ang tingin, wala namang tinatanaw. Paminsan-minsan ay napapatunganga sa kanya bago magpakawala ng mahabang buntonghininga.
Lumipas ang tatlumpung minuto na biling-baligtad lang siya sa kama. Lahat ng tanong niya sa sarili ay may Harvey sa dulo: Ano'ng ginagawa ni Harvey? Okay ba si Harvey? Umiiyak kaya si Harvey?
Napapraning siya at wala silang makuhang sagot ni Penguin kahit na ano'ng brainstorming ang gawin nila. Hindi rin naman siya puwedeng basta na lang kumatok at mag-invade sa kuwarto ng sanggol nang hindi mapagkakamalang si Lala (na mang-aakit dito) o Princess Diana (na magpapainom ng gatas nito) o guidance councilor (na magtatanong sa mga problema nito) o worst ay love adviser (na magbibigay ng mga gintong aral tungkol sa pag-ibig). Gusto lang niyang malamang okay ito nang hindi nila pinagdududahan kung bumabait na ba siya rito. Ano'ng puwede niyang gawin kung isa lang siyang naliligaw na alien?
Timing naman din dahil umilaw ang bumbilya ng kahenyuhan at pagka-alien niya. Naka-pajama na siya, oras na ng pagtulog, at ang kailangan niya lang gawin ay i-check si Harvey. Puwede na ring makitulog siya sa kuwarto nito dahil ilang gabi na siyang sleep deprived. Eureka!
Kaya iyon nga at naglakad siya nang nakapikit papunta sa kuwarto ni Harvey. Wala namang sumisita sa mga sleepwalker. At kahit tanungin siya nito, puwede siyang hindi sumagot dahil tulog kuno siya. Iwas-imbestigasyon.
Marahan niyang pinihit ang doorknob sa kuwarto nito at mala-zombie na pumasok. Binuksan niya nang kaunti ang mga mata para mag-survey.
'Oops. . . Walang sanggol sa kama.'
Lilinga sana siya para hanapin ito nang, "Hey, Teroristang Alien! Ano'ng ginagawa mo rito sa kuwarto ko?"
Mula sa banyo ang boses ni Harvey. Doon din galing ang liwanag na tumatanglaw sa silid. Niliitan niya pa ang mga mata para convincing ang arte niya. Pinigilan din niyang ngumiti dahil walang bigat sa timbre ng boses ng lalaki.
Nang tawagin uli siya nito, patagilid na siyang humiga sa kama kasama si Penguin. Sinadya niyang humarap sa banyo para makita ito. Sumilip siya pero agad ding napapikit. Naka-boxer shorts lang ang sanggol! Hindi ba ito mapupulmonya?
Noon lang niya ito nakita na walang lampin, este, na iyon lang ang suot, kaya dapat ay hindi siya tumingin. Pero curious siya sa baby fats nito kaya't binuksan niya uli nang kaunti ang isang mata at sinipat ang katawan nito. Blue ang suot nitong boxer shorts. Walang pang-itaas na damit. Bumaba ang mga mata niya sa sikmura nito at. . .
'Jeez! Walang baby fats!'
Flat ang tiyan ng lalaki. Malapad ang dibdib. Firm maging ang kalamnan sa tagiliran. At mula sa garter ng boxer shorts nito ay may maninipis na balahibo na papunta sa. . . pineapple na bahay ni Spongebob na nakadisenyo sa boxers.
Nang humakbang palapit ang lalaki, inayos niya ang pagpikit. Huminto ito sa gilid ng kama. Sinusuri siguro siya. Base sa init ng katawan nitong nararamdaman na niya, malapit na malapit ito sa mukha niya. Pinigilan niyang mapalunok at sa halip ay malalim na huminga. Gumawa siya ng mahinang hilik.
BINABASA MO ANG
(S&BS 1) String-knitted Hearts [Published by Psicom ICONS]
RomanceAng buhay ni Harvey, tahimik at bahagyang hindi makatotohanan. Seven years old lang kasi siya sa paningin ng Mama niya kaya araw-araw ay may bimpo siya sa likod, may baon siyang juice jug at animal-shaped cookies, at bago matulog ay umiinom ng malak...