String 5 : Trust and Distrust

1.6K 139 13
                                    

***

HINIHINGAL na isinara ni Harvey ang pinto. At kahit may Never lock the door rule sila sa bahay ay wala sa loob niyang pinindot ang lock.

"Why are you here? Again?" tanong niya sa babae.

Pagod na siya sa eskuwela. Pinaglalamayan na ang kahihiyan niya. At hindi niya 'ata kayang makipagkulitan pa sa isang terorista nang hindi pa nagdi-dinner man lang.

Ngumuso si Charley sa pagkakaupo nito. Ngumuso sa kanya. "Why not? I thought we're friends."

Napakamot siya sa ulo. Ang huling alaala niya kagabi ay ang pagsusungit nito at ang pag-angkin nito sa kama niya. Hindi siya sigurado kung kailan at paanong tumubo ang friendship doon.

"Kulang na lang bugahan mo 'ko ng apoy kagabi. Paano tayo naging magkaibigan no'n?"

Napaisip ito. "Well, if we're not friends yet, we're getting there. Isn't it great?"

"No dahil hindi ko maintindihan. Explain your situation."

Sa halip na magmadali sa paglalatag ng rason sa kanya ay hinawi lang nito ang buhok na tumakip nang bahagya sa pisngi nito at isinuksok sa likod ng tainga. Hindi nakaligtas sa paningin niya ang mga gasgas at kalmot sa kaliwang braso nito at sa pisngi. Malalalim ang ibang galos.

Saan na naman kaya ito galing?

"You don't need to understand and I don't have to explain."

"Anong I don't need to understand? Kagabi, emergency situation 'yon dahil may humahabol sa 'yo. Mag-isa ka lang at alanganing oras na. Ngayon, may kasama kang malalaking bags. Ano'ng ibig sabihin niyan?" tanong niyang itinuro ang mga bag sa paanan ng kama.

"Since mabuti kang tao, naisip ko na dito muna ako makikituloy. Camp-out."

Maliwanag pa sa paliwanag ang ngiti nito. Pumintig-pintig naman ang ugat niya sa ulo.

"This is my room. Hindi ito camping ground. Hindi ka puwedeng basta-basta na lang pumunta sa bahay ng may bahay at makituloy. Paano kung masama akong tao? Paano kung masama kang tao?"

Dumilim ang mukha nito. Lumiit ang singkit na mata tanda ng pagnipis ng pasensiya. "Ayaw mo ba na pinakikiusapan ka?" anito. "Gusto mo 'yong takutan?"

"Nakikiusap ka na niyan?" nangungunsuming tanong niya.

"Do we have to do this again?" tanong nitong tumayo at namaywang.

Huminga siya nang malalim. Akala 'ata ng babaeng ito ay puwede siyang iterorista uli. No way! Naawa siya kagabi dahil nangangailangan ito ng tulong. Pinabayaan niya sa gusto nito dahil pagod siya. Iba ngayon na may dala na itong malaking bag. Kahit pa kaanak ito ni Hitler ay hindi siya dapat na matinag basta-basta.

"Alam mo na wala akong bahay pero ayaw mo akong patuluyin? Masama kang tao."

Nagbuntonghininga siya.

"At wala akong ibang mapupuntahan pero"—nangilid ang luha sa mga mata nito bago tumingin sa kanya—"pababayaan mo ako sa kalye? You, heartless brute! Hindi ka marunong tumulong sa nangangailangan!"

Tumungo ito at tinakpan ng palad ang mukha. Nakita na naman niya ang kalmot at gasgas nito sa braso.

Natigilan siya. Inaasahan niya ang pananakot nito, hindi ang pag-iyak.

"Hindi naman sa gano'n... kaya lang..." Napakamot siya sa ulo. Paano niya ba ipaliliwanag dito ang tungkol sa bahay nila? "Complicated kasi ang situation ko. Paano kapag may nakaalam na may pinatitira akong babae rito? Paano kung malaman ng Mama ko o—"

Inangat nito ang mukhang walang bakas ng luha.

"'Yon lang ba'ng problema? Madali lang 'yan. Kailangan lang nating mag-ingat na walang makaalam. Hindi naman ako sa front door dadaan kaya kailangan mo lang buksan lagi ang bintana mo. At gabi lang din ako uuwi rito. Our secret will be safe."

Napatunganga na naman siya. Pinaglalaruan ba siya ng babaeng ito? Nahihilo na siya sa bilis nitong magbago ng mukha.

"Hindi naman 'yon gano'n kadali, Charley."

Naningkit ang mga mata nito. "Sige, gawin nating madali para sa 'yo na mag-decide. Sabihin na lang nating ganito: Kung hindi ka talaga papayag na tumuloy ako rito, kung hindi talaga kita makukumbinsi, ipapadala ko sa super crush mong si Nadine ang mga paparazzi photos mo sa kanya."

"Ha?"

Mula sa pagkakatayo ay lumipat ito sa kama niya at doon naupo.

"Nakita ko sa digital camera mo na kinunan mo 'ko ng litrato habang tulog ako. I can understand that. 'Tapos, na-discover ko na may drawers rin pala 'tong kama natin. And guess what I found no'ng binuksan ko 'yong drawer mo?"

Ngumiti ito nang nakaaasar. Napalunok naman siya.

"May mga picture do'n ni Nadine."

Ibinaba niya ang bag at umupo sa upuan sa computer kahit na ang gusto niyang gawin ay tumakbo sa tabi ng kama niya at i-check sa drawer ang mga pictures na tinutukoy nito.

"At paano mo nasabing si Nadine ang babaeng nasa picture?" aniya.

Kinuha nito si Penguin at inilagay sa kandungan nito. "Sa notebook mong hardbound at kulay itim, may isang mahabang listahan ng mga kalokohan na may pamagat na How to make Nadine my girlfriend. Obviously, that Nadine is someone you like. 'Tapos sa drawer nitong kama, may sandamakmak na picture ng babae. I supposed na si Nadine 'yon. Kinuha ko ang pictures para sa insurance ko."

"Insurance mo?"

"Nagpunta rin ako sa school mo kanina at ipinagtanong ko kung sino 'yong babae sa picture. Nakakuha ako ng buong pangalan: Nadine Yu. BS Interior Designing, fourth year. Nakatira sa Sapphire Street—"

"Kinuha mo ang pictures at nalaman mo pati address?" Malaki ang mga mata niya. Butil-butil ang pawis sa noo. Kriminal ba ito? "What are you planning?"

"Gaya ng sabi ko, insurance lang. Wala akong gagawin. Wala—kung mabait ka sa 'kin," anitong ginamit na panturo sa kanya ang kamay ni Penguin. "Kung hindi ka mabait... well... puwede ko 'yong ipadala sa bahay niya at samahan ko ng love letter galing sa 'yo."

"Is this blackmail?" tanong niya.

Satisfied itong ngumiti. "No. This is persuasion."

"Walang maniniwala sa 'yo na ako ang kumuha ng mga pictures niya."

Tumawa nang mahina si Charley. "Wala nga. Pero may picture ka sa kanya na isinama mo ang sarili mo. Self-photo. Self-incriminating evidence. Ano na lang ang iisipin ni Nadine 'pag nalaman niyang kinuhaan mo siya ng picture nang hindi niya alam? Hindi lang iisa o dalawa. Hindi mabilang na pictures."

"Pictures 'yon sa tuwing may activities o events sa school. Wala ro'ng private photos!"

"Kahit na."

"Blackmailer."

"Stalker."

"Terorista!"

"Pervert!"

Nabuwal ang upuan sa biglaang pagtayo ni Harvey. Pumitik sa hindi mabilang na bilis ang puso niya. Kung tutuusin, puwede niyang tirisin ang babae dahil mas malaki siya rito. Gusto niya itong hamuning magsuntukan na lang kaysa ganitong stress na stress siya.

Hinamig niya ang sarili. "Hindi ako naniniwalang kinuha mo ang mga pictures. Wala kang bahay. Saan mo 'yon itatago? Diyan sa bags mo?"

"I have other means," kumpiyansang sagot nito. "Kung gusto mo, i-check mo sa drawer mo. Wala ka nang makikita kahit na isa."

Iyon ang hinihintay niya.

"Talaga!" Mabilis siyang lumapit sa paanan ng kama at hinatak ang hidden drawer do'n. Wala. Wala na ngang laman! Pati ang—

"Kinuha ko rin 'yong mga adult magazines mo, pervert."

Malaki ang mata niyang tumingin dito. "What?"

"Ipapadala ko naman 'yon sa Mommy mo. From Harvey, with love."

Napasabunot siya sa buhok.  #

(S&BS 1) String-knitted Hearts [Published by Psicom ICONS]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon