KABANATA 11

398 35 3
                                    

( Kabanata 11 )


Makalipas ang tatlong araw ay ganoon nga ang nangyari. Nagsanay ang batang si Myrlia, si Miracle ay palagi syang sinusubaybayan. Hindi parin maialis ang kaba sa isip at puso ni Miracle sa maaaring kahantungan ng kapatid, lalo pa't batid nyang mababaw ang luha nito, madali lamang itong umiyak. Iyon ang ikinakatakot nya.

"Ate habulin mo ako!" sigaw ni Myrlia kay Miracle.

"Myrlia, hinihingal ka na."

"Sige na ate, habulin mo na ako!"

"Sige pero pag nahuli kita magpapahinga na tayo ha?"

Iyon lang at agad na hinabol ni Miracle ang kapatid. Nagtatawanan silang naghabulan sa kahit saang parte ng kampo. Lahat ng mga paslit at bata na naroon ay nagtatawanan rin habang nakatingin sa magkapatid na mabilis na nagtatakbuhan sa buong lugar.

"Ang bilis tumakbo ni Ate Miracle!" sigaw ng isang batang babae.

"Mas mabilis si Myrlia!" sigaw rin ng isa pa.

Nagmukha tuloy silang nasa isang karera at lahat nf nanonood ay may pusta sa kanilang dalawa. Sa 'di kalayuan ay naroon rin sina Samuel, Elizabeth at Isaiah na pinapanood ang nakababatang kaibigan at ang kapatid nito. Agad silang nahagip ng paningin ni Miracle dahilan para matawa rin sila sa ginagawa ng magkapatid.

"Mukhang hindi ka nasanay sa pagtakbo, ate!" pang-aasar ni Myrlia sa kapatid.

"Nagkakamali ka kung ganon." agad na hinuli ni Miracle ang kapatid gamit ang mga bisig nya.

Agad na napasigaw si Myrlia dahil sa pagkatalo saka natawa rin sa huli. Hinihingal silang naupo sa ilalim ng puno kung saan naroon sila Elizabeth, Samuel at Isaiah.

"Ang saya nyo ah." bungad ni Elizabeth sa magkapatid habang natatawa pa, "Oh, tubig." abot nya sa lalagyan.

Agad na kinuha ni Miracle ang tubig at pinauna sa paginom ang kapatid, bago sya nainom at inubos ang tubig maging ang natitirang mga patak nito sa sobrang kapaguran.

"Pagod na pagod ka." tumabi si Isaiah kay Miracle, "Dapat ay niyaya mo rin akong makipaghabulan."

"Kapatid ba kita?"

"Bakit ba ganyan palagi ang pambungad na tanong mo sa tuwing may suhestyon ako sayo?"

"Dahil lahat ng suhestyon mo ay base sa mga nakikita mong ginagawa ko sa kapatid ko."

"Ewan ko sayo."

"Hahahaha." hindi na napigilan matawa ni Miracle saka muling isinandal ang likuran ng ulo sa puno.

Inayos nya pa ang hibla ng mga buhok na nakakalat sa mukha ng kapatid saka sya ngumiti. Ngunit napalingon lang rin syang muli sa kanyang harapan nang lumapit ang lahat ng bata sa gawi nila.

"Ate Miracle, maglaro tayo ng habulan." tumakbo sa kanya ang isang batang lalaki.

"Sige ba!" sigaw ni Myrlia saka tumayo.

"Hindi ka pa pagod?" tanong ni Miracle sa kapatid.

"Hindi pa, Ate. Laro tayo, isali mo ang sila ate Elizabeth at kuya Samuel pati ang nobyo mo!" suhestyon ni Myrlia, doon nanlaki ang mga mata ni Miracle.

"A-Anongㅡ nobyo ka d'yan!? hindi ah!" angal ni Miracle saka tumayo.

"Hindi nya ako nobyo Myrlia..." singit ni Isaiah, "Hindi pa." saka sya natawa.

Ngumiwi lang si Miracle saka pinagpag ang puwetan saka umayos ng tayo at hinarap ang mga bata na nais maglaro, mukhang lahat ng bata ay nais maglaro maging ang mga kaedad nila.

"Habul-habulan ba?" tanong ni Miracle, lahat ay tumayo.

Napalingon si Miracle sa lalaki na seryosong naglalakad sa direksyon nya, mukhang matanda lang ito ng isang taon sa kanya. Kagat nit ang isang prutas habang nakay Miracle ang tingin, saka nito nginuya ang nakagat na bahagi ng prutas at ngumiti ng pagkatamis kay Miracle.

"Sali ako." sambit nito.

"Oo ba." tumango si Miracle.

"E-Ehem! magsimula na tayo, sino ang taya?" biglang singit ni Isaiah.

"Ako nalang ang taya." presinta ng lalaki saka humakbang paharap.

Wala na silang nagawa dahil agad nang nagtakbuhan ang mga bata. Ang apat na magkakaibigan nalang at ang lalaki ang naiwang nakatayo sa mga pwesto nila. Walang ano-ano'y agad narin silang kumaripas ng takbo. Ngunit kataka-takang si Miracle lang ang hinahabol nito. Si Miracle naman ay hindi iyon napapansin, natatawa itong umiiwas sa bawat subok ng lalaki na dakpin sya.

Ngunit ayon si Isaiah at huminto sa pagtakbo. Ipinagkrus nya ang mga braso at seryosong tumingin sa dalawa na naghahabulan. Nakaramdam pa sya ng inis dahil mukhang ang dalawa nalang ang naglalaro, hiling nyang madapa ang lalaki dahil sa ginagawa nito. Ang mga bata naman ay todo iwas kahit pa alam nilang hindi sila ang puntirya ng lalaki.

"Huli ka!" agad na naiyakap ng lalaki ang bisig kay Miracle.

Ngunit mukhang walang pakealam si Miracle dahil pagkatapos syang hulihin sa bewang ng lalaki ay agad rin syang tumakbo upang manghuli ng iba. Ngunit mukhang iisang tao lang rin ang puntirya ni Miracle, walang iba kundi si Isaiah na ngayon ay hindi narin magkandamayaw sa katatakbo at kasisigaw habang umiiwas. Ang mga bata ay hindi maiwasang matuwa habang pinapanood sila.

Sa kapilyohan ni Isaiah ay huminto sya at hinarap si Miracle na matulin paring tumatakbo upang hulihin sya. Inilahad ni Isaiah ang mga kamay. Hindi agad naitigil ni Miracle ang pagtakbo dahilan upang dumire-diretso sya kay Isaiah at maikulong sya sa mga bisig nito.

"Huli ka." mahina ang pagkakasabi non ni Isaiah.

"Sira ka." sabi rin ni Miracle saka natawa.

"Ang gandang panoorin 'no?" nakangiting tanong ni Isaiah.

"Nang alin?"

"Hinahabol ka nang lalaking 'yon pero hindi nya alam na ako ang habol mo." nakakalokong tumawa si Isaiah sa huli.

"Baliw ka na." bahagyang natawa si Miracle saka lumapit sa isang bata, "Huli ka." aniya.

Agad na tumakbo ang bata saka nanghuli rin ng matataya, ipinagpatuloy ng mga ito ang paglalaro. Maging ang lalaki na nanghuli kanina kay Miracle ay nagpatuloy sa paglalaro. Si Samuel ay sinadya pang magpahuli para habolin si Elizabeth, tagumpay naman sya nang mahuli nya ito.

Sa mahabang panahon na narito sila sa malayong lugar ng Sulbidamya ay ngayon pa lamang naranasan nila Miracle ang makipaglaro sa lahat ng mga batang naroon. Napalapit ang loob nila sa mga ito, ang mga bata na kahit nahihirapan ay nagagawa paring maging masaya. Nakaramdam ng takot si Miracle sa maaaring kahantungan ng mga bata sa nalalapit na digmaan ngunit iwinaglit nya muna iyon at masayang nakipaglaro sa mga ito.

Ngayon na lamang sya nakapaglaro, at nakakatawang dito pa sa lugar kung saan maswerte ang ipinanganak na walang luha.

_____________________

follow, comment and vote.

DON'T CRY MIRACLE (Miracle series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon