KABANATA 20

380 31 0
                                    

( Kabanata 20 )


"Paano mo napaamo ang leon?"

Iyon agad ang tanong ni Isaiah kay Miracle habang naglalakad sila pabalik ng kampo. Maging sila Samuel at Elizabeth ay naghihintay sa sagot ni Miracle. Nais nilang malaman kung paano ito nagawa ng kaibigan lalo pa't hindi basta-basta ang maka enkwentro ng isang malaki at mabangis na leon.

Napangisi si Miracle saka tumingin sa malayo. Maging sya ay hindi maipaliwanag kung paano nya nga ito napaamo. Nilingon nya ang mga kaibigan, nang makita nyang talagang nais ng mga ito na malaman ang dahilan ay muli syang tumingin sa malayo.

"Handa nya akong lapain nung mga oras na makita ko sya, kaya kinantahan ko sya." ngumiti si Miracle, "Ngunit pagkatapos kong kumanta ay agad na lumapit ang isang tigre sa akin, ang akala ko ay pagtutulongan nila akong lapain, ngunit imbis na gawin akong panlaman tiyan ay mas pinili ng leon na iyon ang iligtas ako." nilingon nya ang mga kaibigan.

Si Isaiah ang pinaka bumilib sa kanila. Lalo pa't bata pa lamang ay alam nya na ang kwento ng leon na iyon na parating ikinukwento sa kanya ng kanyang Ama. Ang leon na iyon ay isinumpa na mabuhay ng walang hanggan, maliban na lamang kung mayroong magtangka ng kanyang buhay. Maski ang pinaka magiting na mangangaso ng bansa na nagtangkang hulihin ang leon ay hindi nagtagumpay, nilapa ito ng buhay.

"Ano ulit ang pangalan ng leon na iyon? Tileon?" tanong ni Samuel, "Mukhang may panibago kang kaibigan." tumango si Samuel.

"Magaan ang loob ko sa leon na iyon." ngumiti si Miracle.

"Mukhang mas magugustohan pa ni Miracle ang leon kesa sayo." pang-aasar ni Samuel kay Isaiah, ngumuso ito.

"Pero may napansin ako sa leon na iyon, ang lungkot ng mga mata nya 'no?" ani Elizabeth, napaisip ang tatlo.

"Hindi sya isang normal na leon lang." huminga ng malalim si Miracle.

Hindi na nagawang umimik nila Elizabeth, Samuel at Isaiah. Nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang sa makarating sila sa kampo. Naroon na ang mga bata, agad na naupo sina Miracle sa pwesto kung saan parati silang nakatambay, sa ilalim ng puno. Hinubad nila ang mga kasuotang panlakbay saka ipinahinga ang katawan. Napakalamig ngang sadya ng panahon, kinailangan nila muling gumawa ng apoy upang mainitan ang kanilang katawan.

Nilingon ni Isaiah si Miracle na pansin nyang nakakaramdam ng antok. Nang makita na halos pumikit na ang mga mata nito ay hinawakan nya ito sa magkabilang sentido at inihilig ang ulo sa kanyang dibdib habang sya ay nakasandal sa puno, sa ganoong posisyon ay hinayaan nya itong matulog ng mahimbing. Ibinalot nya rin kay Miracle ang sarili nitong kapa upang hindi ito gaanong lamigin.

Sina Samuel at Elizabeth ay natutulog narin. nakalubog na ang araw ngunit may kaunti paring liwanag mula sa langit, natatakpan nga lang iyon ng hamog kaya may kadiliman na ang paligid. Muling nilingon ni Isaiah si Miracle, hinawi nya ang hibla ng mga buhok na nakaharang sa maganda nitong mukha, saka sya ngumiti at tiningnan ang kabuoan ng mukha nito.

"Nakakapagod bang maging matapang?" bulong na tanong ni Isaiah kay Miracle bagaman nahihimbing ito, "Walang araw na hindi ako humanga sayo." muling bulong ni Isaiah.

Lumalamig na ang hangin, ginamit nya ring kumot ang sariling kapa. Nang umihip ang mas malamig pang hangin ay niyakap nya si Miracle. Ganoon nalang ang gulat ni Isaiah nang yakapin sya nito pabalik, bagaman alam nyang hindi nito alam ang ginagawa dahil malalim ang tulog nito.

"Huwag mong masamain 'to, sadyang nilalamig lang talaga ako."

Nanlaki ang mga mata ni Isaiah nang mahinang nagsalita si Miracle habang nakapikit. Napalunok sya saka ito tiningnan, nananatiling nakasara ang talukap ng mga mata nito. Nakaramdam sya ng kaba kung narinig ba nito ang sinabi nya kanina o nagising lamang ito mula sa pagkaka idlip.

"Matulog ka na nga." singhal ni Isaiah saka yumakap ng mas mahigpit.

"Paano ako makakatulog eh hindi ako makahinga." reklamo nito.

Napapahiyang niluwagan ni Isaiah ang pagkakayakap saka ipinatong ang kanyang ulo sa sentido ni Miracle.

"Gustong gusto mo naman." mahinang asar ni Miracle saka nakapikit na ngumisi.

"Hindi ka ba talaga mananahimik?" banta ni Isaiah, natawa nalang si Miracle saka muling nanahimik.

Hindi na nagkaroon pa ng ibang ingay sa malibig maliban sa mga kuliglig. Nahihimbing sa pagtulog ang lahat, ninanamnam ang magandang buhay na sa panaginip lamang nararanasan, ang pagtulog na yata ang pinakamagandang bagay na maaari nilang magawa.

Kinabukasan ay bumangon ang lahat. Sina Miracle, Isaiah, Elizabeth at Samuel ay naghanda na. Ngayon ang pagsasanay sa pakikipaglaban ng walang gamit na armas. Ang ilan ay kabado, ngunit mayroon rin namang hindi.

Bago pa man magsimula ang pagsasanay ay inutosan ang lahat na basain ang sarili sa ilog. Lahat ay sumunod at nagpunta sa ilog upang maligo. Si Miracle ay kagaya parin ng dati, okupado parin ang isip at hindi magawang umimik o makisabay man lang sa biruan kasama ang mga kaibigan.

"Minasan na akong sinanay sa pakikipagbuno noon, hindi na siguro ako gaanong mahihirapan." ani Isaiah habang hinahawi ang basang buhok.

"Ako naman ay may kaunting nalalaman." nagsalita rin si Elizabeth.

"Marunong rin ako kahit papaano." ani Samuel habang hinhilamos pa ang tubig.

Si Miracle ay nakalublob lamang sa tubig ang nasa malayo ang tingin, malalim na naman ang iniisip. Nilinis nya ang katawan saka umahon sa ilog. Nilingon ni Miracle ang mga kaibigan na nakatingin narin sa kanya. Naupo sya sa malaking bato saka hinintay ang mga kaibigan na papalapit na sa kanya.

Napalingon pa sya kay Isaiah na hinahawi ang buhok habang nakayukong naglalakad. Lalo pa nang mag-angat ito ng tingin sa kanya, sa murang edad ay halos kasing tangkad na ito ni Samuel. Naiwas ni Miracle ang tingin.

"Kinakabahan ka ba para mamaya?" tanong ni Isaiah kay Miracle.

Napangisi namang suminghal si Miracle saka nag-iwas ng tingin.

"Ano bang klaseng tanong 'yan?" natatawang tanong ni Elizabeth, "Kailan ba kinabahan sa ano mang pagsubok 'to?" turo nya kay Miracle.

Ngunit si Miracle ay wala sa kanilang pinag-uusapan ang atensyon. Mas pinili nyang isipin ang lahat ng nangyayari sa paligid, ang pagpasok ni Hyera sa eksena. Ang kakaibang leon na iyon, ang kutob nya na may maling nangyayari sa loob ng kampo at maging ang panghihimasok ni Isaiah sa kanyang isip. Binabaliw sya ng lahat ng iyon.

"Baka naman mapanis ang laway mo n'yan." pang-aasar ni Isaiah nang mapansing tahimik parin si Miracle, "Kalmado kang naka upo dyan, ngunit baka mamaya ay manginig ka bigla." ngumiwi si Isaiah.

"Baka nga mapahanga ulit kita mamaya..." tumayo si Miracle, "Walang araw na hindi kita napapahanga, 'di ba?" ngumisi si Miracle saka naglakad.

Napuno na ng panunukso si Isaiah mula sa dalawang kaibigan. Nagugulat syang napalunok saka tahimik na napangiti. Kung ganon ay narinig nya nga. Hindi maiwasang matawa ni Isaiah, sadyang malakas nga talaga ang pakiramdam ng babaeng iyon.

________________

follow, vote and comment.

DON'T CRY MIRACLE (Miracle series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon