⇢prologo

803 46 17
                                    

Naramdaman ni Tiago ang sakit sa kanyang dibdib kung saan siya tinamaan ng bala noong nagkamalay na siyang muli. Maga ang ilang parte ng kanyang katawan mula sa pagsipa sa kanya ng mga sundalo, ngunit ibang sakit ang kanyang ininda sa may dibdib.

Unti-unti niyang binuksan ang kanyang nga mata. Ilang segundo rin ang kinailangan niya upang maaninag nang maayos ang lugar. Isang sulo lang sa malayo ang nagbibigay ng liwanag sa malaking espasyo sa ilalim ng lupa. Ah, narito pa rin pala siya.

Nakahiga siya sa malamig at mamasa-masang sahig ng bartolina sa loob pa rin ng Intramuros. Nagtaka si Tiago kung bakit may malay-tao pa rin siya bagaman sa bandang puso siya binaril ng sundalo. Gayunman, maingat niyang pinaupo ang sarili at sumandal sa pader.

"May tao ba riyan?" sigaw niya sa wikang Espanyol. Napangiwi siya sa kirot ng mga sugat sa tangka niyang lakasan ang boses.

Umalingawngaw lang ang boses niya. Wala siyang ibang narinig kung hindi ang mahinang pagpatak ng tubig mula sa ilog na nalilipon-lipon na sa laryadong sahig. Ang kaguluhan sa itaas ay hindi na niya marinig.

Tila ba linisan na siya ng lahat. Marahang tumawa si Tiago. Ipinagkanulo nga naman niya ang Madre España.

"May tao ba riyan?" Mahinang ulit pa niya.

Wala pa ring sumagot, ngunit may naramdaman siyang mahinang hangin mula sa daan papasok ng bartolina.

"Animo'y wala kang pagsisisi sa idinulot mo sa iyong kapwa," wika ng isang boses na hindi alam ni Tiago ang pinaggalingan. Kasunod nito ang pagdampi ng preskong hangin sa balat niya.

Tumingin siya sa kanyang paligid sa takot, ngunit wala pa rin siyang kasama sa lugar. Tumawa siya nang mahina dahil sa nerbyos. Dinedeliryo na yata siya dala ng pagkawala ng dugo sa katawan.

"Hindi ka ba naniniwala sa mga diyos, Santiago?" Tanong sa kanya ng boses.

"Ako ang Bathala."

Ito na ba ang paghuhukom sa kanya? tanong ni Tiago. Di yata't napakabilis naman?

Hindi makapaniwala si Tiago sa mga pangyayari, ngunit hindi rin maipagkakailang nabalot ng takot ang puso niya.

"Isinadlak mo ang karamihan para sa sarili mong kapakanan," sabi ng Bathala.

Dumadagundong ang boses nito, ngunit siguro'y hindi ito batid ng mga tao sa itaas, kung mayroon pang natitirang buhay matapos ang giyerang dinala ni Tiago. "Dahil dito, nararapat ka lamang na parusahan."

"Patayin mo na lamang ako!" giit ni Tiago. Mabuti nang matapos na ang buhay niya kaysa harapin pa niya ang kaparusahan sa lupa. Tiyak, marami pa ang galit sa kanya.

Hindi pinansin ng diyos ang hinaing niya. Sa halip, hinatulan siya ng Bathala,

Magkakaroon ka ng mahabang buhay mag-isa

sa lugar kung saan dinala mo ang kamatayan sa madla,

hanggang sa makita mong muli ang babaeng minahal mo

at mabayaran mo ang pinakamahalagang bagay na kinuha mo sa kanya.

***

[Trigger warnings: death, violence, suicide.]

***

Disclaimer:

This story has taken a creative license to history.

This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events, locales, and incidents are either the products of the author’s imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.

The author is not affiliated with SB19 or ShowBT Philippines.

This is an unedited story.

Do not plagiarize.

All Rights Reserved.
Copyright © 2020

Hanggang sa Huli | SB19 Josh; Justin ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon