Taong 1761...
"Hijo de puta!" Malakas na sigaw ng padre de pamilya ng mga Zaldarriaga habang hawak ng mga guardia civil ang mga kamay niya at hinihila palabas ng tahanan nila sa loob ng Intramuros.
"Bastardo! Isa kang salot sa pamilyang ito!" Dagdag pa niya sa wika ring Espanyol.
Nakadirekta sa isang binata ang masasakit na mga salitang binitiwan ng nakatatandang Zaldarriaga. Hindi lubos aakalaing anak niya ang pinauulanan ng mura.
Sanay na rito ang dalawampu't limang taong gulang na si Tiago. Bastardo siyang anak ni Heneral Rodrigo Zaldarriaga sa isang Pilipinang alipin. Kinupkop siya ng ama matapos ang pagkamatay ng kanyang ina, ngunit hindi kailanman itrinatong pamilya.
Katamtaman ang tangkad ni Tiago. Medyo maputi at matangos ang ilong niya dala na rin ng dugong Kastila ng ama. Malalaki at magaganda ang kanyang mga mata. Dahil sa likas na kagwapuhan, madalas siyang lingunin ng mga kababaihan sa Intramuros tuwing siya ay lumalabas.
Wala na lang kay Tiago ang pagmumura sa kanya ng ama. May mas mabibigat pang mga bagay na nagawa sa kanya sa tahanan ng mga Zaldariagga, kagaya noong bata pa siya na madalas siyang pagbuhatan ng kamay. Hanggang sa pagtanda, tira-tirang pagkain lang din ang pinapakain sa kanya.
Lumaking maparaan si Tiago dahil sa mga ito. Anak siya ng heneral, ngunit sa kalye siya madalas matagpuan.
"Pasensya ka na, Papá, ngunit sarili mo lang ang masisisi sa pagkakakulong mo," kalmadong tugon ni Tiago sa ama nang walang pag-aatubili.
Si Tiago ang nagkanulo sa sariling ama sa pagtanggap nito ng suhol, paggamit ng kapangyarihan sa mga bagay na ilegal, at posibleng paglalako ng impormasyon sa kalaban.
Sa kabila nito, hindi niya isinumbong ang ama gawa ng katapatan sa hari ng España o sa malasakit sa kapakanan nito. Ginawa niya ito dahil sawa na siya sa diskriminasyong ginagawa sa kanya sa tahanan, na para bang hindi pa sapat ang dinaranas niya sa labas.
Aso, ganyan ang turing sa kanya ng ama. Utusan. Pinapakain ng tira-tira. Sinisipa. Kasalanan ba niyang naisin na mawala ito upang makahinga na siya?
"Sana ay hindi ka na lamang ipinanganak!" patuloy pa ng ama. Nagpumiglas ito ngunit wala ring nagawa. Halos kaladkarin ito ng mga guardia civil palabas ng bahay.
Nang makaalis ang mga ito, nabalot ng katahimikan ang tahanan. Mag-isa na rin sa wakas si Tiago. Pawang nakapag-asawa na kasi ang dalawa niyang nakatatandang kapatid na pawang mga babae at ang ilaw ng tahanan naman ay yumao na mahigit isang buwan na ang nakalipas.
Umupo si Tiago sa malapit na silya at humingi ng tubig sa isa sa mga alipin ng amang nagtatago sa galleria volada na siyang daan para sa kanila. May sariwang hangin na pumapasok mula sa ventanilla.
Sa buong buhay niya, noon lamang nakaranas si Tiago ng katahimikan. Nagustuhan niya ito.
***
Pumunta si Tiago sa pier noong hapon ring iyon. May ilang mga nakakakilala sa kanya na nagbulungan habang siya ay naglalakad, marahil tungkol sa pagkakulong ng ama.
Malikot ang mga mata ni Tiago habang naglalakad, tila ba may hinahanap. Ilang saglit pa ay nagtama ang mga mata nila ng lalaking pakay niya.
Matangkad ito at malaki ang katawan, senyales na sagana ang pagkain sa lugar na pinanggalingan. Maputi rin ang lalaki, higit na mala-porselana ang kutis kaysa sa mga Espanyol sa Filipinas.
Sinenyasan siya nitong sumunod na siyang ginawa naman ni Tiago. Dinala siya sa loob ng isang imbakan malapit sa pier. Medyo madilim ito liban sa ilang bahagi ng kahoy na dingding na may butas.
BINABASA MO ANG
Hanggang sa Huli | SB19 Josh; Justin ✓
FanficDahil sa kasalanan ni Tiago noong 1762, pinatawan siya ng Bathala ng imortal na buhay. Pagtatagpuing muli ang landas nila ng babaeng inibig niya na si Catalina sa taong 2020, upang mabayaran niya ang pinakamahalagang bagay na kinuha niya rito. ⇢Comp...