27

99 11 46
                                    

Iika-ikang inakay ni Bell si Justin papalabas ng abandonadong establisimiento. Humingi siya ng tulong sa mga tao sa paligid ngunit walang ni isa ang lumapit, marahil ay takot sa kung sinumang gumawa sa dalawa nito.
Nakarating sila sa Jones bridge nang wala sa kanilang sumasaklolo.

"Bell, hindi ko na kaya," inda ni Justin nang nasa kalagitnaan na sila ng tulay, sa may daanan ng mga tao.

Mayroong mga sugat sa kanyang mukha at may bakas ng dugo sa kanyang damit sa bandang tagiliran kung saan siya sinaksak. Hindi maipagkakailang nanghihina na ang binata dahil halos nakasaklay na kay Bell ang buong bigat nito.

Pinunasan ni Bell ang sariling mga luha ngunit nagpatuloy.

"Hindi. Hindi. Mabubuhay ka," giit ng dalaga.

Bahagyang napangiti si Justin sa optimismo ng dalaga. Mahina niyang tinapik si Bell sa likod. "Magpahinga muna tayo."

Tinulungan naman siya ni Bell na maupo sa isang gilid at dahan-dahang pinasandal sa railing. Sinubukang muli ni Bell na humingi ng tulong. Mayroon namang sumaklolo sa kanila at tumawag ng ambulansya ngunit trapik at matatagalan pa ito. May mga ilan pang lumapit para umusisa.

Bumalik na lamang si Bell sa tabi ni Justin, tuloy-tuloy ang paghikbi. Mabagal na inabot ni Justin ang mga pisngi ng dalaga gamit ang isang kamay para punasan ang kanyang mga luha. Sa paggawa nito ng binata ay nalagyan pa ng kaunting bahid ng dugo ang mga pisngi ni Bell.

Hinawakan naman ng dalaga ang kamay nito na nasa kanyang pisngi. "Kumapit ka ha? Paparating na 'yong ambulansya."

Umiling si Justin dahil alam na wala na siyang pag-asa. Binitawan niya ang kamay ng dalaga at kinuha ang isang bagay mula sa bulsa ng kanyang suot na suit. Ibinalik ni Justin ang jade na singsing sa tumatangis na si Bell. Hirap na ito noong magsalita.

"Mula pa sa umpisa ay sa iyo na talaga 'yan."

Lalo lang naiyak ang dalaga habang kinukuha ang singsing mula sa kamay ni Justin. Biglang bumalik kay Bell ang hula sa kanya ng matandang nagbigay sa kanya ng singsing. Sa mga oras na iyon lang niya napagtanto ang ibig sabihin nito.

"Huwag," pabulong na giit ni Justin na para bang nabasa nito ang laman ng isip ni Bell. Marahan itong umiling. "Wala kang dapat pagsisihan sa mga nangyari."

"Itinadhana sila gaya ng itinadhana tayo."

Naramdaman ni Bell ang panibagong bugso ng mga luha ngunit pilit niyang pinigilan ang mga ito.

"Anong nangyari sa pagbibigay mo nito sa babaeng papakasalan mo?" tanong niya kay Justin.

Hindi na sumagot ang binata. Ang tanging nagawa ni Justin ay bigyan si Bell ng isang huling ngiti bago nito ipinikit ang mga mata.

***

Nakarating si Tiago sa kinaroroonan ni Yna bago pa man makalabit ni Romero ang gatilya ng kanyang baril. Agad siyang tumakbo papunta sa harap ni Yna para protektahan ang dalaga.

Dahilan dito, mabilis na nagbago ang reaksyon ni Romero. Kung kanina ay matapang ito dahil sa hawak niya ang alas, ngayon naman ay sukdulan ang galit nito.

"Huwag mong tatangkaing sirain ang bagay na pinaghandaan ko ng halos tatlong-daang taon," dikta ng heneral kay Tiago. Nanlilisik ang kanyang mga mata at nanginginig na sa galit ang kanyang kamay, ngunit mukha rin itong takot na takot masira ang kanyang plano.

Isinisi pa niya ang lahat kay Tiago. "Noon, ipinahamak mo ako. Sinabi mong hindi tayo sasabit plano mo at ng iyong mga amo, ngunit ano? Tayo pa ang una nilang pinatay."

"Kung hindi sana ako naniwala sa iyo ay maaaring nabuhay pa ako," galit na galit na dagdag pa ni Romero.

Napakunot-noo si Tiago. Bagaman naiintindihan niya ang galit sa kanya ng heneral ay hindi naman ito inosente. Sa kanyang pagkakaalala ay kusa itong pumayag sa kanilang usapan.

Sinagot niya ang heneral, "Mali naman yatang isisi mo ang lahat sa akin, Heneral Romero. Kagustuhan mo rin noon ang magkaroon ng mas maraming kayamanan at mas mataas na posisyon sa lipunan."

Tumindi lamang ang apoy sa mga mata ng heneral dahil sa sinabi ni Tiago. Tila ayaw niyang tanggapin ang katotohanang nagkamali din siya. Umiling-iling ito.

"Kung nasa impyerno ako ay dapat nasa impyerno ka rin," giit ni Romero, "ngunit ang Bathala ay pabor sa iyo. Pareho tayong makakaalis sa mundong ito, pero ika'y sa langit mapupunta, at ako marahil ay sa impyerno."

Natawa ang heneral sa masaklap na tadhanang inisip niya para sa sarili. "Kung gayon lamang ay wala na lang sa atin ang aalis sa mundong ito. Kinuha mo ang lahat mula sa akin, kaya't kukunin ko rin ang lahat sa iyo."

Itinuwid niyang muli ang hawak niyang baril kaya't agad na tumakbo si Tiago palapit sa kanya upang pigilan ito. Hinawakan ni Tiago si Romero sa braso at idinirekta ang baril sa taas upang ilayo ito kay Yna. 

Sa gitna ng paglalabanan ng dalawa ay nahulog ang baril sa sahig. Bilang mas mabilis si Tiago na gumalaw kaysa sa agnas na katawan ni Romero, kaagad niyang pinulot ang baril. Laking gulat na lang mga kasama niya sa bartolina nang walang pag-aatubiling binaril ni Tiago ang sarili sa hita.

Kasunod nito ay ang pagsigaw ni Romero para sa nasira niyang plano. Unti-unti itong kinain ng kadilimang nagmula sa kanyang dibdib, hanggang sa ang kanyang katawan ay napuno ng mga bitak na mistulang mga kawalan.

Napaluhod si Tiago sa sakit ng tama sa kanya ng bala. Nagsimulang lumabas ang manilaw-nilaw na ilaw mula sa sugat niya, senyales ng pagtatapos din ng kanyang imortal na buhay.

Tumakbo si Yna papunta sa binata, bumubuhos ang mga luha at hindi alam ang gagawin. Lumuhod siya sa harapan ng ni Tiago at hinawakan ito sa mga pisngi.

"Tiago," desperadong sambit niya. "H-hindi pwede."

"Hindi pa... hindi pa..." Halos hindi ito makapagsalita dahil sa tindi ng paghikbi.

Sinalubong ng mga mata ni Tiago ang tingin ng dalaga nang may namumuo na ring mga luha sa mga ito.

"Isinumpa ako ng Bathala," wika ng binata, "na ang magdadala ng katapusan sa imortal kong buhay ay ang pagbabalik ko ng pinakamalaking bagay na kinuha ko mula sa iyo."

Umiling si Yna na tila ba ayaw na si Tiago na magsalita. Nais niyang sabihing wala ito sa kanya, na kinaligtaan na niya ang tungkol dito at hindi na kailangang humingi ng tawad ni Tiago, pero hindi niya magawang bumuo ng pangungusap.

"Sa hinaba ng aking buhay ay pilit kong tininanggi na ang pinakamalaking bagay na kinuha ko sa iyo ay ang iyong buhay," sabi ni Tiago kasabay ng pagpatak ng kanyang mga luha. "Ngunit ni minsan ay hindi naalis sa isipan ko na ako ang pumatay sa babaeng minahal ko."

"Ngayon ay narito na ang nagpapatunay rito."

Inabot din ni Tiago ang mga pisngi ni Yna at pinunasan ang walang tigil nitong mga luha. Sinakop na noon ng ilaw na kumakain sa kanyang katawan ang kanyang mga paa hanggang sa kanyang baywang.

"Kahit sa buhay na ito'y napakaganda mo pa rin," sambit niya kay Yna nang may kasamang mapait na ngiti. "Kung papayagan ako ng Bathala, nais ko sanang makita ka nang kahit saglit sa susunod na habang buhay."

"Iyon na lamang ang aking hiling."

Pumikit na lamang si Yna at idinampi ang kanyang noo sa noo ni Tiago. Pagdilat niya ilang minuto ang nakalipas ay wala na sa kanyang harapan ang imortal na lalaking siyang nakatakda sa kanya sa buhay na ito at sa huli. Wala na rin siyang kasama noon sa parteng iyon ng bartolina.

Hanggang sa Huli | SB19 Josh; Justin ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon