Pagkatapos ng pagkikita nila ni Yna, nagkulong lang si Tiago ng ilang araw sa kwarto niya sa museo. Ilang beses siyang sinabihan ng assistant na may naghahanap sa kanyang babae, ngunit hindi niya ito pinansin. Sa halip, pinasabi niya sa kasamahan na sabihin kay Yna na lumiban siya sa trabaho.
Hindi maipaliwanag ni Tiago ang nararamdaman. Naroon na ang gulat. Paanong ang isang tao ay biniyayaan ng kalangitan ng parehong mukha sa magkaiba nitong buhay? Kinilabutan siya nang mapagmasdan si Yna nang malapitan noong nakaraan. Wala itong ipinagkaiba kay Catalina.
Isa pa, hindi rin maipagkakaila ni Tiago na may takot sa puso niya. Daang-taon niyang hinintay ang pagkakataon para tapusin ang imortal niyang buhay, ngunit ngayong narito na ito- siya- ay parang hindi na siya sigurado. Ikinakatakot niya ang kawalan ng kasiguraduhan ng kabilang-buhay.
Preserbasyon siguro, sabi niya sa sarili. Kahit pa gusto na ng isang taong mamatay ay ililigtas at ililigtas nito ang sarili. Isa itong natural na reaksyon.
Buong linggo siyang nagtago. Alam niyang hindi pupwede ito. Kung si Yna man ang magpapataw sa kanya ng kamatayan o susundo, kailangan niyang harapin ang dalaga, sa ayaw niya o sa gusto.
***
Sinadya rin ni Yna si Tiago ng Sabado, pero ayon sa assistant manager ng museo, wala pa rin daw ito. Wala namang maibigay na adres o eksplanasyon man lang ang staff. Dahil para na siyang pinagtataguan ni Tiago, hindi nalang nagtanong pa si Yna.
Para hindi sayang ang biyahe niya mula Las Piñas papuntang Maynila, nagpasya si Yna na bisitahin na lang ang best friend niyang si Bell sa Quiapo. Nahanap naman niya ito sa tindahan ng pamilya nito malapit sa simbahan.
"Beb, nandito ka?" nakangiting tanong ni Bell sa kaibigan habang lumalabas sa masikip na tindahan ng kung anik-anik.
Maliit si Bell kay Yna. Kayumanggi ang balat niya dahil madalas siyang babad sa araw sa pagtulong sa pamilya sa pagbebenta. Maliit din ang mukha ng dalaga, malaki ang mga mata, at may katangusan din ang ilong. Mukha mang maamo, matapang na babae si Bell.
Nakatirintas ang mahaba at maitim niyang buhok. Nakasuot siya ng sandong puti at makulay at maluwag na salawal na karaniwan niyang sinusuot. Marami siyang suot na pulseras, iyong mga tipong nabibili rin sa Quiapo. Naniniwala kasi si Bell sa maraming bagay, kabilang na ang kung anu-anong mga anting-anting.
"Galing ako ng Intra," sagot ni Yna at tsaka ibinalik ang ngiti ng kaibigan.
"Ah, internship mo?"
Tumango na lang si Yna kahit na wala naman talaga siyang pasok tuwing weekend.
"Libre ka?" tanong niya na lang sa kaibigan. "Tara, mag-pancit tayo."
Naaya naman niya si Bell na lumabas. Sa tanyag na Ramon Lee's Panciteria malapit sa Binondo sila nagpunta. Hindi roon nauubusan ng tao. Mabuti nga at may bakanteng mesa noong dumating doon ang magkaibigan.
"Anong bago?" pangangamusta ni Bell pagkaupong-pagkaupo nila.
Ngumiti si Yna. Talagang likas na maaruga ang kaibigan, ngunit dagdag pa na matagal-tagal na rin mula noong huli silang nagkita sa personal.
"Wala naman." Hindi na sinabi pa ni Yna ang bumabagabag sa kanya. Pakiramdam niya kasi, masyado na niyang inaabala si Bell. Isa pa, tingin niya, ang tungkol sa misteryosong lalaking si Tiago ay bahagi na ng buhay-trabaho niya.
Ibinalik na lang ni Yna ang tanong sa kaibigan. "Ikaw?"
"Incoming third year na ngayong pasukan," nakangiting sagot nito. Bagaman magkaedad at sa parehong sa state university kung saan libre ang edukasyon nag-aaral sina Yna at Bell, nahuli si Bell ng isang taon. Kinailangan kasi niyang tumigil tuwing nagkakasakit ang kanyang lola upang alagaan ito.
BINABASA MO ANG
Hanggang sa Huli | SB19 Josh; Justin ✓
FanficDahil sa kasalanan ni Tiago noong 1762, pinatawan siya ng Bathala ng imortal na buhay. Pagtatagpuing muli ang landas nila ng babaeng inibig niya na si Catalina sa taong 2020, upang mabayaran niya ang pinakamahalagang bagay na kinuha niya rito. ⇢Comp...