[Trigger warning: Violence]
-
Hindi mapakali si Tiago hanggang sa sumunod na araw. Hindi kasi nagsalita si Yna matapos niyang ilahad ang kwento sa likod ng pamaypay noong nakaraang gabi at bigla na lang umalis. Alam lang niya na hindi maluwag ang pagtanggap ni Yna rito. Mahirap nga namang paniwalaan ang konsepto ng kawalang-kamatayan. Maging siya ay hindi noon naniniwala sa mga kababalaghang kagaya nito hanggang sa ito ay mangyari na mismo sa kanya.
Ano nga kaya ang reakston ni Yna tungkol dito? Mabilis itong tumayo at tumakbo palayo kagabi kaya't hindi na nakita ni Tiago ang emosyong nakapinta sa mukha nito. Gulat ba siya? Galit? At ang pinakamahalaga para kay Tiago, bumalik na ba sa dalaga ang mga ala-ala ni Catalina?
Dahil hindi mapakali, pinuntahan niya itong muli sa Intramuros Times noong hapon ding iyon. Nakasuot siya noon ng itim na vest, dress shirt, pantalon at leather shoes. Tahimik na hinintay ni Tiago ang dalaga bagaman hindi niya sigurado kung nasa gusali pa ito. Madilim na ang paligid nang lumabas si Yna.
"Yna," sambit kaagad ni Tiago sabay harang sa daraanan ng dalaga upang hindi sana ito tumakas.
Nakasuot si Yna noon ng manipis na puting short-sleeved polo at kulay kapeng corduroy pants. Itim na closed-toe sandals naman ang sapin niya sa paa. Kulay itim rin ang dala niya ngayong maliit na sling bag.
Nagulat si Tiago nang nginitian siya ni Yna nang tila ba wala siyang inilahad na kagulat-gulat dito noong nakaraang gabi.
"Uy, Tiago. Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong nito.
Napakunot-noo si Tiago. Hindi ito mukhang galit at hindi rin ito atat magtanong sa kanya ngayon. Gayunman, gusto pa ring magpaliwanag ni Tiago. "Tungkol sa sinabi ko sa iyo kagabi-"
Hindi siya pinatuloy sa pagsasalita ni Yna.
"Ah, yun? Wala 'yon!" matawa-tawang sabi ng dalaga, tsaka pabirong sabi nito, "Alam mo, siguro crush mo 'ko no? Kaya mo 'ko inayang mag-dinner."
Lumala lang ang simangot ni Tiago. Ano ba ang sinasabi nito? Animo hindi sila pareho ng pinag-uusapan. Habang siya ay alalang-alala at hindi maisip kung paano papapaniwalain ang dalaga sa pagiging imortal niya, ito naman ay nakakapagbiro pa.
Kung noong nakaraang araw at si Tiago ang naglalakad palayo kay Yna, siya naman ang sunod nang sunod sa dalaga ngayon.
"Hindi ka ba hihingi ng paliwanag?" tanong ni Tiago sa dalaga.
Umiling ito nang mabilis at tsaka napahalakhak. "Ginogoyo mo lang ako eh. Ikaw ah. Pwede mo naman kasing aminin na gawa-gawa mo lang yong kwento. Okay lang sa'kin 'yon. No hard feelings."
Hindi maintindihan ni Tiago si Yna. Ano ba itong tila nagkukunwari siyang ayos lang ang lahat gayong halata namang pilit ang mga ngiti at tawa niya? Binilisan lang lalo ni Yna ang paglalakad palabas ng Intramuros para takasan si Tiago.
Sa pagmamadali ni Yna, hindi nito napansin ang kahina-hinalang lalaking nakasandal sa pader bago marating ang mataong kalsada. Nang tumapat si Yna roon ay sinalubong siya ng isang patalim sa kanyang leeg.
"Miss, akin na'ng pera mo," sabi ng lalaking may mababa at halos nakakapangilabot na boses.
Agad namang hinawakan ni Yna ang bag niya para buksan. Lagi kasing bilin ng kanyang ina na ibigay na lang ang hinihingi ng masamang-loob sa sitwasyong ito. Hindi na bale ang pera, huwag lang ang buhay niya.
Iaabot na sana ni Yna ang wallet sa magnanakaw nang magsalita si Tiago.
"Itigil mo 'yan," sabi nito.
Parehong napatingin sa kanya si Yna at ang holdaper, hindi alam kung alin sa kanila ang tinutukoy.
"Ikaw," mosyon niya sa magnanakaw di kalaunan na siyang naglinaw kung sino ang tinutukoy.
Hinawakan niya sa braso si Yna at mabilis na hinatak palayo sa masamang-loob. Tinanggal din niya kaagad ang pagkatangan sa dalaga. Kasabay nito, hinawakan niya naman ang kamay ng holdaper.
"Tiago, 'wag na!" sigaw ni Yna. Ayaw nito na may mapahamak para lang sa kaunting perang mayroon siya.
Matagal nang hindi nakipagpisikalan si Tiago, ngunit tila ba kahapon lang siya huling nasali sa gulo. Sinuntok niya ang holdaper na siyang dahilan ng pagkabitaw nito ng kutsilyo. Hindi pa tumigil doon si Tiago. Para bang nasabik siya sa pakikipagsuntukan dahil normal na bagay lang iyon sa buhay niya noon. Nang mapaupo ang lalaki, sinipa pa ito ni Tiago sa bandang tiyan.
"Tiago, tama na!"
Napatigil si Tiago hindi sa pagsigaw ni Yna, kung hindi dahil sa alaalang biglang bumalik sa kanya. Siya nga pala ay katulad din ng mamang ito noon. Itinulak din siya ng mapang-aping sistema para gawin ang mga bagay na di kanais-nais.
Dahil sa gunitang ito, hindi napansin ni Tiago na napulot nang muli ng holdaper and kanyang patalim. Nakatayo na rin ito at nagsimulang umamba sa kanya. Sinaksak nito ng patalim si Tiago sa tagiliran. Tinanggal din agad ng magnanakaw ang kutsilyo at tsaka tumakbo papalayo.
Naiwan si Tiago na nakahawak sa sugat niyang tuloy-tuloy ang pagdurugo. Samantala, si Yna naman ay nakatakip sa kanyang bibig ilang hakbang lang mula kay Tiago.
"Tiago." Mahinang sambit ni Yna. Lumapit na rin siya sa wakas sa binata.
Tila ba noon din lang nagsimulang maglakad ang ilang mga tao sa kalsadang iyon, pero dahil hindi nila tiyak kung ano ang nangyayari, nagpatuloy lang sila sa pagdaan at hindi nakialam.
Nanginginig na hinugot ni Yna ang kanyang telepono mula sa kanyang bag at sinubukang tumawag ng ambulansya, ngunit hinawakan siya ni Tiago sa bandang pulso para pigilan.
"Huwag," mahina niyang sabi. Nagsimula rin siyang paika-ikang maglakad kaya't mabilis na pumunta si Yna sa kanya para umalalay.
"Ano ka ba?! Kailangan mong madala sa ospital!" Mangiyak-ngiyak na ang dalaga noon at nanginginig pa rin sa takot.
Umiling si Tiago. "Dalhin mo ako sa museo."
"Ha?" Nalilitong tanong ni Yna.
"Basta't dalhin mo ako sa museo!"
Naka-akay sa paglakad ang mas maliit na katawan ni Yna kay Tiago kaya naman matagal bago sila nakarating sa museo. Nang sumapit doon ay agad na umupo sa may pinto si Tiago, hawak pa rin ang sugat niya sa tagiliran. Umupo naman si Yna sa tabi niya dahil sa pagkahapo.
Tumingin si Tiago kay Yna at napansing bukod sa pawis, may mga guhit ng luha mula sa nga mata nito.
"Huwag kang umiyak," mahinahong sabi ni Tiago rito. Hindi niya nais makitang umiiyak ang dalagang kamukha ni Catalina.
Pinunasan naman kaagad ni Yna ang mga luha niya na tila isang musmos na ayaw magpakita ng kahinaan.
Hinawakan ni Tiago ang kamay ni Yna nang ibaba ito ng dilag sa sahig na inupuan nila. Hinayaan niyang magtama ang kanilang nga mata nang sa gayon makita ni Yna ang susunod na mangyayari.
Nanlaki ang mga mata ni Yna nang binalot ng liwanag ang parte ng tagiliran kung saan sinagsak si Tiago. Nang nawala ito, wala na ang maraming dugo sa damit ni Tiago maging ang butas na idinulot ng patalim dito.
"A-anong-?" Hindi natapos ni Yna ang tanong niya dahil sa pagkawindang, ngunit itinuro nito ang tagiliran ni Tiago.
"Imortal ako, Yna," paliwanag ni Tiago. "Hindi ako mamamatay gamit ang kung anong armas lamang."
Bagaman nakita niya ito nang harap-harapan ay nahirapan pa rin si Yna na paniwalaan ito. Ilang minuto rin ang lumipas bago siya nagsalita. "Totoo nga."
Lumingon si Tiago sa kanya ngunit kausap lang ng dilag ang sarili.
"Totoo nga," ulit pa niya at tsaka naman tumingin kay Tiago.
Doon lang nagsimulang mag-alala si Tiago sa reaksyon ni Yna. Sana nama'y hindi ito ulit tumakbo papalayo, isip niya. "Natatakot ka ba?"
Lumuwag ang dibdib ni Tiago nang umiling ang dalaga kahit pa may kaunting pahiwatig ng takot sa mga mata nito. Hindi inasahan ni Tiago ang sunod na sinambit ni Yna.
"Gusto kitang makilala, Tiago."
BINABASA MO ANG
Hanggang sa Huli | SB19 Josh; Justin ✓
FanficDahil sa kasalanan ni Tiago noong 1762, pinatawan siya ng Bathala ng imortal na buhay. Pagtatagpuing muli ang landas nila ng babaeng inibig niya na si Catalina sa taong 2020, upang mabayaran niya ang pinakamahalagang bagay na kinuha niya rito. ⇢Comp...