[Note: This is how Tiago would say 1761/2: "mil setecientos sesenta y uno/dos".]
-
Pagkatapos isayaw ni Tiago si Yna noong gabing iyon ay inaya niya ang dalaga na lumabas ng Intramuros sa paparating na Linggo. Laking pasasalamat niya nang pimayag ang dalaga. Noong Linggong iyon, lumabas si Tiago sa mga bakod ng Intramuros sa unang beses sa loob ng napakaraming taon. Kasama niya si Yna. Sumakay silang dalawa ng jeep at nagpunta sa Luneta.
Suot ni Yna ang isang kulay asul na bestida na may collar at hanggang tuhod ang haba. Kulay itim at may mababang takong naman ang sapin niya sa paa. Imbes na sling bag ang kanyang dala ay maliit na itim na handbag ang hawak niya.
Maging si Tiago ay hindi naka-three-piece suit gaya ng nakasanayan. Pinilit kasi ito ni Yna na magpalit ng mas payak na damit. Nakasuot ito ng puting long sleeves at itim na slacks. Ipinilit naman ni Tiago na magsuot pa rin ng balat para sa kanyang sapin sa paa.
Habang naglalakad ang dalawa papunta sa bantayog ni Jose Rizal, ikinwento ni Tiago sa dalaga kung ano ang hitsura ng parke noon.
"Marami nang pinagdaanan ng lugar na ito," pagbabalik tanaw ni Tiago. Katulad niya, gusto pa niyang idagdag, ngunit piniling hindi na lamang.
"Sa tanang buhay ko na lamang ay ito ay naging isang barrio, kwartel ng mga militar, hanggang sa maging monumento ng bayani," sabi niya. "Napakaraming nasaksihang pagkamatay ang lupang ito."
"Sinubukan din nila itong gawing sentro ng gobyerno kalaunan. Iyong mga malalaking puting gusaling sinabi mong mga museo na ay dating mga opisina ng pamahalaan."
Nagturo si Tiago sa kanilang likuran bagaman malayo na sila sa naturang mga gusali.
"Matapos iyon ay naging parke na ito. Ngunit hindi pa rin doon nagtapos ang lahat." Tumaas ang kanyang mga balahibo nang maaalala ang mga enggrandeng kaganapan dito noong mga panahong nasa ilalim ng isang diktadura ang bansa at naghihikahos ang karamihan.
Samantala, tahimik lang si Yna sa kabuuan ng pagsasalaysay ni Tiago.
"Yna?" Sinubukan ng binatang kunin ang atensyon nito. Hindi siya pinansin nito hanggang sa iwinagayway ni Tiago ang isang kamay sa harap ng mukha ng dalaga.
"Ah. Pasensya ka na." Ngumiti si Yna nang bahagya nang manumbalik na siya sa kasalukuyan. "Mabilis kasi akong malungkot kapag may magkukwento ng tungkol sa history."
"Ewan ko rin kung bakit," sabi pa niya sabay kibit-balikat.
Marahil ay dahil sa iyong nakaraan, sabi na lang ni Tiago sa kanyang isip.
"Mabuti na lang at isa na itong masayang lugar ngayon." Tumingin si Yna kay Tiago at lumaki ang kanyang ngiti. "May mga nagpi-picnic ditong mga pamilya, mga nagde-date. Mayroon ring mga kumukuha ng mga picture o video para sa kasal nila."
Mabuti naman. Tumango-tango ang binata. Ibinalik niya ang ngiti ni Yna, ngunit ilang saglit lang ay napawi rin ito. Kailangan na niyang maglahad sa dalaga.
"Yna, sa totoo lang ay hindi ako makakapagtagal sa labas ng Intramuros," panimula niya.
"Bakit?" Napakunot-noo ang dalaga sa sinabi niya.
Pinigilan ni Tiago ang sarili na kagatin ang loob ng kanyang pisngi dahil sa kaba at sa halip ay sumagot.
"Pinarusahan ako ng Bathala dahil sa malaki kong kasalanan noong 1762. Kulungan ko ang Intramuros at maaari lamang akong manatili sa labas nito ng isang oras," pagtatapat niya.
Sunod na inihayag ni Tiago ang nakaraang hindi alam ni Yna, maging ang mga parteng hindi rin kailanman nalaman ni Catalina.
Sinimulan niya ang kwento sa pakikipag-usap niya sa mga Briton ukol sa pananakop nila sa bansang noo'y nasa ilalim ng mga Espanyol. Hindi nagtagal ay napunta na sila sa pagkikita nila ni Catalina.
Sinabi niya na ang sa kanyang tunay sa pakay noong gabing iyon ng piging ay isang Heneral Vicente Romero na siyang tumulong sa kanyang magbigay ng impormasyon sa mga Briton. Inilahad niya rin kay Yna na sa kahabaan ng relasyon nila ni Catalina ay nakikipagtulungan pa rin siya sa mga kalaban.
Dumako si Tiago sa huling mga sandali ng pag-iibigan nila ni Catalina, gaya ng pagkahuli sa kanila ng ama ng dilag at ang pag-anunsyo nito ng pag-iisang-dibdib nina Catalina at Fidel, na siyang nag-udyok kay Tiago na maghandog sa dilag ng pamaypay.
Sa sumunod na araw, gaya ng inasahan ni Tiago, nagsimula na ang pag-atake ng mga Briton sa Intramuros.
Dinakip siya ng mga Briton sa simula pa lamang. Pinatay din ng mga ito si Catalina at ang kanyang buong pamilya dahilan sa angkan sila ng isang mataas na opisyal sa sangkasundaluhan.
Base sa mga napag-alaman ni Tiago pagkatapos ng pananakop, sa mga panahong siya ay nadakip ay sinubukan ni Fidel na iligtas si Catalina bilang ipinagkasundo rito. Ngunit dahil sa pagsuway ni Fidel sa kanyang nakatataas ay binaril ito ng kapwa sundalo at hinayaang mamatay.
Ikinwento rin ni Tiago na sa mga oras na iyon, ang kaibigan ni Catalina na si Isabel ay natagpuang kinitil ang sariling buhay nang tatakas na sana ang pamilya nito. Si Julian naman na malapit sa puso ni Tiago ay pumanaw rin noon. Imbes kasi na tumakbo papalayo ng Intramuros ay sinubukan pa nitong pumasok sa kagustuhang iligtas ang minamahal na hindi niya alam ay yumao na.
"Matapos ang lahat ng iyon, nang nahatulan na ang lahat ng aking mga minamahal, pinaputukan na ako ng baril ng mga Briton dahil wala na akong silbi sa kanila," sambit ni Tiago nang mamasa-masa ang mga mata.
Pagkatapos lang ng kanyang mga nagawa ay tsaka niya napagtanto na napakaraming buhay ang nawala nang dahil sa kanya.
Nangahas si Tiago na tignan na si Yna sa mata at nakitang mangiyak-ngiyak na rin ito, marahil ay sa bigat ng mga narinig.
"At tsaka ako hinatulan ng Bathala," pagtutuloy niya. Pikit-mata niyang inulit ang sentensyang nakaukit na sa puso niya. "Magkakaroon ka ng mahabang buhay mag-isa sa lugar kung saan dinala mo ang kamatayan sa madla, hanggang sa makita mong muli ang babaeng minahal mo at mabayaran mo ang pinakamahalagang bagay na kinuha mo sa kanya."
Nagsimula nang mawala ang anyo ni Tiago. Ang kanyang oras sa labas ng Intramuros ay malapit nang magtapos. Doon na niya inihabol ang pinakamahalagang bagay na kailangan niyang sabihin kay Yna.
"Yna, sana'y mapatawad mo ako." Nagsimula nang pumatak ang mga luha ni Tiago. "Ikaw si Catalina. Ikaw si Catalina Luisa Torillo Y Escudero noong 1762."
Bagaman hindi pa noon maiproseso ni Yna ang lahat, kumawala na rin ang kanyang mga luha. Tuloy-tuloy lang ang pagpatak ng mga ito na tila iniiiyak ang mga hindi nailuha ni Catalina para sa pagtataksil ni Tiago.
Nang makita ang pagtangis ni Yna ay tila ba bumalik ang halos tatlong daang taong sakit kay Tiago. Kumirot ang kanyang dibdib. Muli siyang nagsalita sa pagtatangkang iparating sa dalaga ang kanyang buong pagsisisi. "Mula sa araw na hinayaan kitang mamatay sa kamay ng mga taong tinulungan ko ay walang gabing hindi ko ipinagluksa ang pagkawala mo."
"Walang gabing hindi ko ginustong tapusin ang aking sarili dahil sa ginawa kong pagtataksil sa iyo," dagdag pa ni Tiago.
Unti-unting nawala nang tuluyan ang kanyang pisikal na anyo at iniwan si Yna nang may kakaibang paghihinagpis sa kalagitnaan ng Luneta. Isa na namang pagkawasak ang nasaksihan ng naturang parke.
BINABASA MO ANG
Hanggang sa Huli | SB19 Josh; Justin ✓
FanfictionDahil sa kasalanan ni Tiago noong 1762, pinatawan siya ng Bathala ng imortal na buhay. Pagtatagpuing muli ang landas nila ng babaeng inibig niya na si Catalina sa taong 2020, upang mabayaran niya ang pinakamahalagang bagay na kinuha niya rito. ⇢Comp...