Sabik na pumasok ng Intramuros ang dalawampu't isang taong gulang na estudyanteng si Yna. Unang araw kasi ng internship niya sa Intramuros Times, isa sa mga pinakamatandang newspaper publication sa bansa. Unang beses rin niyang tumapak sa Intramuros, kaya naman palingon-lingon siya sa paligid, manghang-mangha sa mga lumang gusali rito.
Katamtaman ang taas ni Yna. Mapagkakalaman siyang mestiza dahil sa maputing balat at Kanluraning mga katangian niya. Pawang Pilipino naman ang kanyang mga magulang at mga lolo't lola. Hindi nga lang niya alam kung may ninuno silang dugong puti o Kastila.
Nakasuot siya ng puting blouse at dark blue na paldang lagpas tuhod na bahagyang inililipad ng hangin. Maging ang itim at mahaba niyang buhok ay hinahangin din. Kaparehong kulay ng kanyang palda ang suot niyang sandals.
Nakarating rin siya di kalaunan sa makalumang gusali ng Intramuros Times. Napangiti nalang siya nang makita na sa wakas ang kabuuan nito. Buong buhay niyang inasam ang makapagtrabaho rito. Ngayon, pakiramdam ni Yna ay abot-kamay na ang pangarap niyang ito.
"Miss Yna?" Tanong sa kanya ng isang maliit at malusog na lalaki habang nakaupo siya sa waiting area ng gusali. Ito siguro ang kanyang supervisor.
Tumango naman si Yna at ngumiti at tsaka sinundan ang lalaki patungo sa pangalawang palapag, kung saan siya magtatrabaho.
Laking inis na lang niya nang pinag-photocopy lang siya ng kanyang supervisor buong araw. Inabot pa siya ng gabi. Wala nang masyadong tao noon sa opisina at aminado si Yna na nakaramdam siya ng takot. Sa kalumaan ng gusali, hindi malayong may mga kaluluwa nang naglalagi rito.
Patapos na siya sa kanyang gawain nang nagsimulang magpatay-sindi ang ilaw sa isang bahagi ng palapag. Dali-daling nagligpit si Yna at tsaka kumaripas na ng takbo palabas ng Intramuros Times.
***
Dahil sa mga pangyayari sa kanya sa unang araw ng internship, bagot na pumasok ng Intramuros si Yna noong sumunod na araw. Napaaga siya ng dating, hindi na dahil sa kasabikang magtrabaho, kung hindi dahil lang hindi ganoon kabigat ang traffic noong araw na iyon.
Nagpasya siyang maglakad-lakad na muna sa Intramuros, iniiwasan ang nakakainip niyang trabaho sa diyaryo. Hindi niya namalayang nakarating siya sa harap ng isang lumang gusaling ginawa nilang museo. Ito ang Museo de Intramuros. Napatigil si Yna sa tapat ng pinto nito.
Lalapitan sana ni Yna ang pinto ngunit nakitang sarado pa ang establisimiento kaya hindi na siya tumuloy.
***
Sa isang bintana ng museo naman ay nakadungaw si Tiago, tahimik na nakamasid sa dilag na napatigil sa harap ng kanyang museo habang inaayos ang kanyang damit.
Napakunot-noo siya dahil may kahawig ang dalaga mula sa malayo. Nang mabilis na tumingin sa likuran ang dilag ay tsaka nakita ni Tiago na hindi lang ito kahawig ng kakilala. Itong-ito ang babaeng hanap niya, nabihisan lamang ng kasuotan ng modernong panahon.
Hindi pa man maayos ang kwelyo't manggas ng damit niya noon, dali-dali siyang lumabas ng kwarto at bumaba ng gusali.
Suot ang kanyang asul na three-piece suit, buong-lakas niyang binuksan ang pinto ng museo at tsaka lumabas. Inilipad pa ng hangin ang ibaba ng bukas niyang suit jacket dahil sa bilis ng kanyang paggalaw.
"Catalina," sambit niya habang lumilingon kaliwa't kanan at nakatayo sa gitna ng daan. ngunit wala na ang babae. Ito nga kaya ang taong pinakahihintay niya? Talaga bang parehong mukha ang ipinagkaloob dito?
Lingid sa kaalaman ni Tiago, sinadya ng Bathala na biyayaan ang dalaga ng hitsurang paris sa nakaraang buhay nito upang mamukhaan siya kaagad ni Tiago. Siniguro rin ng Bathala na haharapin ng binata ang kamatayan sa anyo ng kanyang dating irog.
BINABASA MO ANG
Hanggang sa Huli | SB19 Josh; Justin ✓
FanfictionDahil sa kasalanan ni Tiago noong 1762, pinatawan siya ng Bathala ng imortal na buhay. Pagtatagpuing muli ang landas nila ng babaeng inibig niya na si Catalina sa taong 2020, upang mabayaran niya ang pinakamahalagang bagay na kinuha niya rito. ⇢Comp...