Tahimik na nakamasid sa labas ng magarang bahay na bato ng isang Heneral Gustavo Olivarez si Tiago. May mga guardia civil na nagbantay sa pasukan ng bahay nito. Tumitiempo si Tiago upang makapasok sapagkat mayroon siyang kailangang kausapin sa loob.
Maya-maya pa ay may isang matandang babaeng may kasamang dilag ang bumaba sa harapan ng bahay. Iika-ika ang matanda kaya't matagal bago sila nakababa. Nakita ito ni Tiago bilang isang pagkakataon para makapasok. Pasimple siyang lumapit sa dalawa at tinulungan ang mga ito papasok ng bahay at paakyat sa pangalawang palapag.
Bago pa man mapasalamatan ng matanda si Tiago, naglaho na siya sa kanilang tabi para hanapin ang taong pakay.
Puno ng mga taong may matataas na posisyon ang piging, palibhasa'y kaarawan ng heneral. Mabuti na lamang at inayos ni Tiago ang sarili upang magmukhang kabilang sa alta-sosyedad. Magarbong mga terno ang suot ng kababaihan, samantalang amerikana naman ang sa kalalakihan— ang iba'y naka-mataas na sumbrero pa.
Naka-amerikana rin naman si Tiago. Malaki nga lang sa kanya ang suot dahil galing lang ito sa aparador ng ama. Pupwede na, sabi niya na lang sa sarili. Hindi naman halata. Naglakad-lakad siya, mabilis na tinitignan ang bawat taong nakakasalamuha.
Nahanap din niya di kalaunan ang kanyang pakay na si Heneral Vicente Romero. Nakipag-usap siya saglit rito, ngunit dahil sa presensya ng ibang tao ay minabuti na lang nilang sa ibang araw na lang magdiskusyon. Nilisan ng heneral si Tiago at pumasok nang muli sa tahanan ng mga Olivarez.
Hindi umalis si Tiago pagkatapos ng kanilang pag-uusap. Yaman din lamang na nandito na siya. Bakit hindi pa siya manatili at makisaya? Tahimik na pumunta si Tiago sa lamesa kung saan nakalatag ang mga pagkain. May iba't ibang mga putaheng nakapalibot sa dalawang magkaharap na lechon. May sari-sari ring mga panghimagas sa isang dulo.
Sumabay na ang binata sa ilan sa mga bisita at kumuha ng pagkain at tsaka tahimik na pumunta sa isang sulok upang kumain.
***
"Catalina, mabuti naman at dumalo ka," bati ni Paulina na babaeng anak ni Heneral Olivarez. Iba ang pagkakasabi nito ng pagbati kay Catalina. Tila ba tinutukso niya ito.
Gayunpaman, nginitian siya ni Catalina, na nakahanda nang tumanggap ng ganoong mga kataga noong araw na iyon. "Sabi ng ama'y kailangan ng presensya ko."
Madalas, hindi pinapayagan ni Heneral Enrico Torillo na lumabas ang mga dalagang anak, kabilang na si Catalina na siyang pinakamatanda. Tampulan ito ng tukso ng mga kaedad dahil wala umano itong karanasan sa buhay.
Sa katotohanan, gusto man ni Catalina ang lumabas para matuklasan pa ang mundo, pipiliin na lamang niyang magkulong aa kwarto kaysa makisalamuha sa mga taong kagaya ni Paulina at ng karamihang nasa piging na iyon.
"Ikakasal na ako sa susunod na buwan. Si Flavia naman ay may masugid na manliligaw," sabi ni Paulina sabay turo sa isa pang babaeng kasama nila gamit ang kanyang pamaypay.
"Wala pa bang humihingi ng iyong kamay, Catalina?" tanong nito.
Isa ito sa ayaw ni Catalina sa pakikipag-usap kay Paulina at sa iba pa. Pagpapakasal palagi ang pinag-uusapan ng mga ito at hindi pa handa si Catalina. Paano, wala namang ibang inatupag ang mga nagpapakita ng motibo sa kanya kung hindi ipangalandakan ang kayamanan ng kanilang mga pamilya. Ayaw niya iyon sapagkat wala naman itong sinasabi tungkol sa pagkatao ng isang lalaki.
BINABASA MO ANG
Hanggang sa Huli | SB19 Josh; Justin ✓
FanficDahil sa kasalanan ni Tiago noong 1762, pinatawan siya ng Bathala ng imortal na buhay. Pagtatagpuing muli ang landas nila ng babaeng inibig niya na si Catalina sa taong 2020, upang mabayaran niya ang pinakamahalagang bagay na kinuha niya rito. ⇢Comp...