10

86 12 5
                                    

Hindi pa natapos ang pagpuri ni Tiago sa pagkain hanggang noong magka-text sila ni Yna ng gabing iyon. Sa sumunod na umaga, nang malapit nang magtanghalian, sinabi rin ni Tiago na doon niya ulit gustong kumain. Napailing na lang si Yna sa natanggap niyang text mula rito. Nagsimula siyang mag-type ng sagot.

To: Lumang Tao
Hindi ka ba naumay?

Nakarami naman kasi silang pareho ng order ng karne kahapon. Pakiramdam nga ni Yna, hindi pa siya makakakain ng Korean food nang matagal. Iniisip niya pa lang ito ay parang nasusuka na siya.

Nag-vibrate uli ang phone ni Yna ngunit hindi na niya ito natignan. Naging abala na kasi siya sa Times hanggang dumating ang lunch break.

Sa tamang oras para sa tanghalian nakalabas si Yna noong araw na iyon. Nakasuot siya ng light blue na blouse na hanggang siko ang manggas at puting bulaklaking pencil skirt na hanggang sa itaas ng tuhod. Suot niya rin ang itim niyang close-toed sandals at itim ding sling bag.

Nakangiting lumabas si Yna sa gusaling pinagtatrabahuan nang nasalubong siya ni Tiago sa may kalsada. Naka-pormal na kasuotan pa rin ito. Ngayon, dark blue ang kulay ng kanyang dress shirt, vest, coat, at pantalon.

"Uy, ano'ng ginagawa mo rito?" agad na tanong ni Yna.

"Hindi ba't sabay tayong manananghalian?" nakakunot-noong tanong ng lalaki. Dagdag niya pa, "Nag-text ako sa iyo."

Kinuha ni Yna ang phone mula sa bag at nakitang iyon nga ang nilalaman ng mensahe ni Tiago na ngayon lang niya nabasa. Ilang na tumingin si Yna sa lalaki. Paano niya sasabihin dito na may iba siyang plano para sa lunch break niya?

"May problema ba?" alala pang tanong ng binata.

"Ano kasi, Tiago," panimula ni Yna, "may kasama na kasi akong kakain eh. Sorry hindi ko nasabi sa'yo."

Hindi mapagkakaila ni Tiago sa sarili na nagtaka siya kung sino ito. Babae rin kaya ang kasama ni Yna na kakain o lalaki? Nobyo niya kaya ito? Manliligaw? Hindi na niya napigilan ang magtanong. "Sino?"

"Si Stell. Kaibigan ko mula noong high school," sagot naman ni Yna. Hindi naman nito kinuwestyon kung bakit nagtatanong si Tiago.

Tumango lamang si Tiago kay Yna kahit pa kuryoso ito sa kung sino si Stell. Ito rin kasi ang pangalan ng tumawag kay Yna noon. Hindi pa rin mawari ni Tiago kung lalaki ba ito o babae, ngunit sinabi naman ni Yna kaibigan niya ito.

Minabuti na lang ni Tiago na makita ang kaibigan ni Yna para sa sarili at alukin itong ihatid kung saan sila magkikita. "Ihahatid na kita."

Hindi yata sanay si Yna sa nga ganitong alok kaya hindi rin ito marunong tumanggi. Sa opisina ng Intramuros Administration sila nagtungo. Doon, may matangkad at matipunong lalaki na naghihintay kay Yna. Simple lang ang suot nito—puting dress shirt, itim na pantalon, at leather shoes na katulad ng kay Tiago.

Nang malapit na sila ay eksaktong tumingin ang lalaki at ngumiti nang nakita si Yna. Nanlaki ang mga mata ni Tiago nang nakita nang maayos ang mukha ng lalaki. Nagpapahayag ang mga mata nito, katamtaman ang ilong, at malaki ang ngiti. Tumulin ang tibok ng puso ni Tiago. Kasama ba ni Catalina na nagbalik ito?

"Stell!" Kumaway si Yna sa kaibigang ngayon ay tinititigan lang ni Tiago.

Lumapit naman si Stell sa dalawa.

"Stell, bago ko nga palang kaibigan, si Tiago. Tiago, si Stell," pagpapakilala ni Yna sa dalawang lalaking hindi niya alam ay pawang naging parte ng nakaraang buhay niya.

Marahang tumango si Tiago at ganoon din naman si Stell.

"Sige, Tiago. Sa susunod na yung samgyup natin, ha?" paalam ni Yna.

Nakaalis na sila nang matauhang muli si Tiago. Napabuntong-hinginga na lamang siya at napabulong sa sarili, "Fidel, hanggang ngayon ba naman ay sa gobyerno ka pa rin nagtatrabaho?"

***

Sa parehong piging kung saan unang nagkakilala sina Catalina at Tiago, may magiting na sundalong naipakilala sa dalaga bago pa man nasilayan doon ang lalalaking nagbabalak talikuran ang kanyang bansa. Inilapit ang lalaki ng isang kapwa sundalong mas matanda sa kanya sa dilag na mag-isang nakaupo sa isang bilog na mesa.

"Catalina," tawag sa magandang dilag ng nakatatandang sundalo.

"Koronel Hidalgo," bati naman dito ni Catalina sabay yuko nang bahagya, hawak ang kanyang saya. "May maitutulong po ba ako?"

"Nais ko lang sanang ipakilala si Tenyente  Fidel Morales," sabi nito nang malaki ang ngiti. "Tenyente pa lamang siya ngunit malapit na ring tumaas ang ranggo. Magaling na sundalo."

Humakbang paharap ang isang matangkad at matipunong lalaking nasa edad lang ni Catalina. Mukhang nahihiya ito o natatakot ngunit sinubukang taos-pusong ngumiti sa dalaga.

"Fidel, ito ang anak ng Heneral ng Dibisyon, si Catalina Torillo."

"Kinagagalak kitang makilala, binibini," sambit ni Fidel at tsaka marahang tumango.

Kapansin-pansin para kay Catalina ang hindi nito pag-abot sa kanyang kamay para halikan. Mabuti na lamang. Ayaw na ayaw kasi ni Catalina kapag ginagawa ito sa kanya.

Iniwan sila ni Koronel Hidalgo para mag-usap. Mabait naman si Fidel. Maginoo ito at matalino. Hindi rin ito tulad ng ibang sundalo na mayabang at mukha ring hindi mapang-abuso sa kapagyarihan.

Pwede siguro silang maging mabuting magkaibigan, isip ni Catalina. Hanggang doon lang dahil sigurado si Catalina na ayaw niyang mag-asawa ng sundalo dahil sa trabahong ginagawa nila. Bagaman kasi pinoprotektahan nila ang pamayanan, marami ring dugo ng mga inosente sa kanilang mga kamay. Madali rin lamang sa kanila ang maging gahaman sa kapangyarihan.

Ilang saglit pa ay nagpaalam na rin si Fidel. Ikinalungkot ito ni Catalina lalo pa nang makitang palapit sa kanya sina Paulina Olivarez at Flavia Enrile, mga kaedaran ding anak na babae ng matataas na opisyal.

***

Bumaba sina Catalina at Tiago mula sa isang nirentahang bangka sa Estero de Binondo. Maaliwalas ang panahon noon at hindi masakit sa balat ang sikat ng araw kaya't nagpasya silang mamangka.

Pagkarating nila sa pampang ay may sundalong nakatayo roon at tila nakabantay. Napatindig si Tiago, inisip na baka napag-alaman na ng mga sundalong Kastila ang kanyang binabalak na siyang di pa nalalaman ni Catalina. Gayunman, wala itong kasiguraduhan dahil batay sa unipormeng suot ng sundalo ay may kababaan pa ang ranggo nito.

"Fidel," biglang sambit ni Catalina na nasa tabi niya.

Kumunot ang noo ni Tiago. Magkakilala sila?

"Catalina," ngiti naman ng sundalo.

Napansin ni Tiago na iba ito kung makangiti sa dilag. Sa di niya malamang dahilan ay parang may pumihit sa dibdib niya. Hindi ba nito nakikitang magkasama sila?

Lumapit naman si Catalina sa Fidel na iyon at iniwan si Tiago. Tila ba hindi siya natatakot na isumbong siya nito sa mga magulang na may kasamang mas mababa ang antas sa lipunan. Mukha pa naman silang matalik na magkaibigan. Sumunod din si Tiago kay Catalina di kalaunan at tinabihan ito habang nakikipag-usap sa lalaki. Nang mapansin siya ni Catalina ay naalala ng dilag na ipakilala sa isa't isa ang mga binatang kasama.

"Fidel, kaibigan ko pala, si Tiago," wika ng dalaga. "Tiago, kaibigan ko, si Kapitan Fidel Morales."

Tumango lang ang kapitan sa kanya kaya't ibinalik niya rin lang ito.

Morales... Saan kaya ito sa pananakop ng mga Briton? Kung tama ang pagkakaalala ni Tiago ay sa daungan ito nakabase ngayon. Sa susunod na mga buwan kaya ay doon pa rin ito?

"May hinahanap ka ba rito?" tanong ni Catalina sa kaibigan.

"Wala naman." Umiling si Fidel, nginitian ang dalaga. Biglang sumama ang tingin nito kay Tiago, bagay na hindi napansin ni Catalina.

"Ngayong nasiguro kong nasa mabuti kang kalagayan ay maaari na akong umalis," dagdag pa ng sundalo.

Nangangati na noong maghagis ng suntok si Tiago ngunit mabilis niya ring pinigilan ang sarili. Totoo nga naman ang kuro-kuro ng sundalo tungkol sa kanya. Dahil sa kaibigang sundalo ni Catalina ay naalala rin niyang kailangan pa niyang tiyempuhan ang pagsabi ng tungkol dito sa dalaga.

Hanggang sa Huli | SB19 Josh; Justin ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon