5

118 13 17
                                    

"Tiago!"

Tumakbo si Yna papunta kay Tiago sa harapan ng gusali ng Intramuros Times. Tila ba napako na si Tiago sa kinatatayuan. Hindi na niya maitutuloy ang planong pag-alis nang hindi nakikita ni Yna.

"Sa'n ka ba pumunta? Hinanap kita buong linggo," sabi ng dalaga.

Walang nagawa si Tiago kung hindi harapin si Yna.

Nakasuot ito noon ng puting t-shirt na pinaibabawan ng peach na sleeveless blouse, mom jeans na galing ukay-ukay, at itim na closed-toe sandals. Suot niya rin ang kulay-kapeng sling bag na laging dala.

"Nagbakasyon lang," palusot ni Tiago, kahit na nagmukmok lang talaga siya sa kwarto niyang nakatago sa museo.

"May sadya ka ba sa Times?" Itinuro ni Yna ang gusaling pinagtatrabahuan.

Tila nahihiyang tumingin sa kanya si Tiago. "Ikaw."

Pakiramdam ni Yna, tumigil ang pagtibok ng puso niya. Nang maramdaman niyang nagsisimula na siyang mamula, ipinaalala niya sa sarili na hinanap niya ang lalaki buong linggo kaya siguro sinadya siya nito ngayon. "Magpapa-interview ka na?"

Laking gulat ni Yna nang bigla na lang nagsimulang maglakad papalayo si Tiago. Sinundan niya kaagad ito. "Uy, Tiago!"

Pero tila walang naririnig ang binata. Nagpatuloy lang ito sa paglalakad.

"Walang ganyanan. Touch move naman, oh. Pinuntahan mo na 'ko, tsaka mo babawiin?" sabi ni Yna.

Biglang tumigil sa paglalakad si Tiago. Ayan na naman, isip ni Yna. Ayan na naman ang hindi maipaliwanag na lungkot sa mukha niya.

"Pumayag ka na kasi," pilit ni Yna. Kulang na lang talaga ay dumausdos na ito sa kalsada at umiyak na parang bata. Ang ganda sana kasi ng istorya kung ilalahad lang ni Tiago kung paano niya ito nalaman.

"Masasaktan ka lang," sabi ni Tiago nang mahina at may pag-alala sa kanyang boses.

Napakunot noo si Yna. "Anong sinasabi mo? Bakit naman ako masasaktan?"

"Simpleng interview lang naman yung hinihingi ko sa'yo, 'di ba? Unless ki-kidnapin mo 'ko," dagdag pa niya.

Umiling si Tiago at bahagyang napatawa. Mabuti at nakakapagbiro pa ito. Walang biro ang panganib na naghihintay sa dalaga kung siya nga talaga si Catalina. Mas mainam na sigurong hindi niya malaman.

Sa loob-loob niya, nagdebate si Tiago. Hindi ba't pinagkita sila ng tadhana para rito? Gusto niyang sigawan ang Bathala sa oras ding iyon. Bakit ba kailangangang bumalik ang babaeng minahal niya? Wala bang ibang pupwedeng parusa?

Mukhang hinihintay siya ni Yna na sumagot, pero inalis na lang ni Tiago ang tingin sa kanya.

"Basta. Mabuti na'ng ligtas ka," mahinang sambit ni Tiago. Kung pupwede lang ay hindi niya hahayaang mapahamak ulit si Catalina sa buhay na ito.

***

Binisita ni Catalina ang natatangi niyang kaibigan ilang araw matapos ang handaan para sa kaarawan ni Heneral Olivarez. Hindi nakadalo ang kaibigan niyang ito sapagkat malala raw ang sipon, kaya naman nang mabalitaang mabuti na ito ay sinadya na ito ni Catalina.

Iba si Isabel Gonzales sa ibang kakilalang dalaga ni Catalina. Hindi rin ito mahilig magtungo sa nga sayawan para makahanap ng posibleng mapapangasawa. Kung ayaw nina Paulina at Flavia kay Catalina, lalo pang hindi nila gusto kay Isabel kahit pa kabilang silang lahat sa alta-sociedad.

Mayroon kasing natatanging abilidad ang dalaga na pilit ikinukubli ng pamilya niya. Nakakakita ito ng mga hinaharap liban sa kanyang pansarili. Malaki ang bilib sa kanya ni Catalina dahil laging tama ang mga hula nito.

"May kailangan ka, Catalina?" bungad kay Catalina ni Isabel pagdating nito sa sala mula sa kanyang kwarto. 

Maliit at maamo ang mukha ni Isabel. Malaki ang mga mata niya at matangos ang ilong. Dahil purong Kastila kagaya ni Catalina, mapusyaw din ang kanyang balat. Nakatirintas ang mahaba at itim nitong buhok. Magarbo rin manamit si Isabel. Aakalain ng iba na siya ay anak mismo ng hari ng España.

"Kukumustahin lamang kita," sagot ni Catalina kunwaring nasaktan sa akusasyon ng kaibigan. "Nabalitaan ko kasi na may sakit ka raw."

Natawa lang si Isabel sa sinabi ng kaibigan. "Magsabi ka na lang nang totoo, Catalina. Kilalang-kilala na kita."

"Ayaw na ayaw mong lumabas ng bahay. Tsaka mo lang ako binibisita kapag mayroon kang gustong itanong," dagdag pa nito.

Wala na ngang nagawa pa si Catalina. Totoo ang hinala ni Isabel. Narito siya para magtanong patungkol sa hindi pamilyar na lalaking nakilala sa niya piging.

Inaya siya ni Isabel sa silid nito upang hindi sila maabutan ng ama na nag-uusap tungkol sa hinaharap. Tiyak, mapaparusahan na naman kasi si Isabel kapag nangyari ito.

"Tungkol ba ito sa isang lalaki?" tanong ni Isabel pagkasarang-pagkasara niya ng pinto. Itatanong pa sana ni Catalina kung paano ito nalaman ng kaibigan nang magpaliwanag din kaagad ito. "Hindi maikubli sa mukha mong may nagpapatibok sa iyong puso." 

Namula si Catalina. Tunay ba? Sana'y hindi ito nakikita ng ibang tao, lalo na ng sariling pamilya. Hindi yata niya alam kung paano ipapaliwanag sa kanila na interesado siya sa isang lalaking mas mababa ang uring kinabibilangan kaysa sa kanila.

Tumango na lang si Catalina. Wala nang silbi ang pagsisinungaling kay Isabel. Ito naman talaga ang sadya niya. "Nakilala ko siya noong pagdiriwang ng kaarawan ni Heneral Olivarez."

Akmang inabot ni Isabel ang kamay ni Catalina na siyang ibinigay naman nito. Hindi maipinta ang mukha ni Isabel habang minamasdan niya ang palad ng kaibigan. Lagi namang ganito at hitsura nito kapag nanghuhula pero hindi maiwasan ni Catalina ang kabahan.

Di kalaunan ay nagsalita rin si Isabel.

"Misteryoso ang lalaking natitipuhan mo. Marami siyang mga lihim na tinatago," sabi nito.

Oo nga, isip ni Catalina. Sinabi niya ay siya ay anak ni Heneral Zaldarriaga na kamakailan lang diumano ay naipatapon sa malayo. Sa pagkakaalam ni Catalina, pawang mga babae ang mga anak ng heneral.

Biglang nalagyan ng ngiti ang mukha ni Isabel. "Siya rin ang makapagpapasaya sa iyo."

Walang ibang hangad para kay Catalina si Isabel kung hindi ito. Sa uring kinabibilangan nila kasi, madalang magwagi ang tunay na pag-ibig. Nagpapakasal sila para sa posisyon, sa kayamanan.

Ngunit napalitan din kaagad ng lungkot ang ngiti ni Isabel. "Pero sa kanya rin manggagaling ang iyong pinakamabigat na lum—"

Hindi na naituloy ng dalaga ang sinasabi dahil sa lakas ng ingay mula sa labas ng kanilang bahay. Binitawan ni Isabel ang kamay ni Catalina at nagsimulang maglakad papunta sa bintana ng kanyang silid.

"Nais ko lang namang malaman kung saan ko siya mahahanap," reklamo ni Catalina sa kaibigan. Hindi nga naman niya gustong malaman ang ganitong mga detalye. Parang natakot tuloy siya.

Mukhang hindi pinansin ni Isabel ang sinabi ni Catalina. Sa halip ay hinudyatan niya itong lumapit.

"Dumungaw ka," sabi lang ni Isabel.

Bagot na naglakad si Catalina papunta aa kaibigan. Laking gulat na lamang niya nang ang lalaking hinahanap ay naroon na sa ibaba, nakikipagsuntukan sa isang lalaking mas malaki rito.

Hanggang sa Huli | SB19 Josh; Justin ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon