Ipinagbabawal ang mga tao sa Intramuros Walls pagpatak ng alas singko ng hapon hanggang sa mag-umaga. Gayunpaman, noong gabing nirentahan ni Tiago isang palapag ng La Cathedral Cafe ay pumuslit sila ni Yna sa lugar.
Inalalayan niya ang dalaga papunta sa kung saan sila nagkita noong nakaraan. Mabuti na lamang at bilog ang buwan. Iyon ang nagsilbing ilaw nila upang maaninag ang daan. Di tulad noong unang beses niyang tumungtong doon, nauna si Tiago na umakyat kaysa kay Yna at tsaka hinawakan ang kamay ng dalaga para alalayan at hilain pataas. Wala noong ibang tao kung hindi sila lamang.
Umupo sila sa paibaba upang hindi makita ng mga gwardiya. Nabalot sila ng katahimikan sa umpisa. Walang umimik sa kanilang dalawa. Nakatingin lamang sila sa mga bituing nagniningning sa kalangitan.
Nagsalita rin si Tiago hindi kalaunan.
"Ang ganda ng mga tala," puna niya, nakatitig sa langit.
"Hmm," sang-ayon lang ni Yna na nakatingin sa kumukutitap na mga bato sa kalangitan.
Lumingon si Tiago sa dalaga at tsaka humirit, "Parang ikaw."
Napatawa naman ni Tiago si Yna sa kanyang sinambit.
"Bolero," sabi nito, matawa-tawa pa rin ngunit hindi maitago ang kilig, at tsaka niya tinanong, "Uso na ba 'yon noon?"
"Ang alin?"
"Ang pambobola."
Natawa rin si Tiago nang bahagya ngunit tumango sabay ngiti.
"Binola mo siguro ako noon, 'no?" pabirong pag-aakusa ni Yna.
Natawa lang lalo ang binata.
Benta yata rito ang mga biro ni Yna ngayon, ngunit suspetsa ng dalaga ay dahil lang ito sa ininom nilang wine kani-kanina. Ah. Baka iba rin ang pag-uugali ni Tiago ngayon dahil sa naghalikan sila. Namula si Tiago nang maalala ito. Tila may mga paru-paro rin sa loob ng kanyang tiyan.
"Gumana naman sa iyo," ngiti lang ni Tiago.
Sino ba naman kasing hindi mahuhulog sa mga ngiting 'yan, isip ni Yna, napangiti.
Hindi nagtagal nang napalitan ng lungkot ang kanilang mga ngiti.
"Alam mo ba?" bigla kasing tanong ni Tiago. Itinaas nita ang kanyang kamay, akmang hahawakan ang mga tala na tila ba abot niya ang mga ito. "May mga talang hindi na nabubuhay pa ngunit nakikita pa rin natin ang ningning nila."
Mabagal na tumango si Yna, nararamdaman na ang nais ipahiwatig ni Tiago.
Ibinaba ng binata ang kanyang kamay at tsaka nagpatuloy. "Sakaling matapos ang buhay ko bago ang iyo, gusto kong malaman mong titignan kita araw at gabi kagaya ng mga tala sa langit."
Hindi namalayan ni Yna na may mga luha nang pumapatak sa kanyang mga pisngi noon. Dali-dali niyang pinunasan ang mga ito, ngunit rinig ni Tiago ang kanyang pagsinghot-singhot.
"Huwag ka sanang malulumbay. Mamuhay ka nang masaya, bumuo ka ng pamilya, lubusin mo ang pagkakataong ito para gawin ang mga bagay na hindi mo nagawa bilang si Catalina," habilin pa ni Tiago.
Huwag, nais noong sabihin ni Yna. Huwag ka munang magpaalam. Ngunit pinili ng dalagang hindi na buksan ang bibig sa takot na may kumawalang hikbi.
Lumalim pa ang gabi at hindi pa sila muling nag-usap. Nagpasya si Tiagong hintayin si Yna hanggang matapos na ang pagtangis nito. Balak sana niyang ayain na ang dalaga na umalis. Tinignan niya ang madilim na langit sa huling pagkakataon ngunit nakitang may bola ng apoy na mabilis na bumabaybay dito.
"Yna, may bulalakaw!"
"Saan?" Mabilis na tumingin si Yna sa itaas, ngunit hindi na niya naabutan ang bulalakaw.
Nakaramdam ng kalungkutan si Tiago. Sayang at hindi ito nasilayan ni Yna. Nabanggit pa naman ng dalaga sa kanya na interesado siya sa ganoong mga penomena ngunit hindi pa nakararanas ng ganito. Sinabi rin ni Yna na gusto niyang espesyal na tao ang kasama niya sa unang beses niyang makakita ng bulalakaw o ng eclipse.
"Masyado kang mabagal. Hindi mo na tuloy nakita," malungkot na sambit na lang ni Tiago.
Lumamlam lang lalo ang hitsura ni Yna. Malungkot niyang nilaro ang dulo ng kanyang saya. "Sayang naman."
"May kailangan pa naman akong hilingin."
"Nakapaghiling ako," pagbibigay-alam ni Tiago. Ibinaling niya ang atensyon sa dalaga.
Tinagpo naman ni Yna ang kanyang tingin.
"Anong hiningi mo?" tanong nito. May bakas ng pag-asa sa kanyang boses.
"Alam mo na iyon."
Hindi kongreto ang sagot ni Tiago, ngunit tumango si Yna. Alam niya na nga. Marahas ang parusa ng Bathala sa kanilang dalawa sa buhay na ito, kaya't para sa kanilang susunod habangbuhay na lamang ang hiling ni Tiago.
BINABASA MO ANG
Hanggang sa Huli | SB19 Josh; Justin ✓
FanfictionDahil sa kasalanan ni Tiago noong 1762, pinatawan siya ng Bathala ng imortal na buhay. Pagtatagpuing muli ang landas nila ng babaeng inibig niya na si Catalina sa taong 2020, upang mabayaran niya ang pinakamahalagang bagay na kinuha niya rito. ⇢Comp...