6

100 13 22
                                    

Bumaba ang magkaibigan mula sa pangalawang palapag at nagtungo sa kalsada kung saan nakikipagsuntukan pa rin ang lalaking Zaldarriaga. Sinigawan ni Isabel ang mga ito at sinabihang tumigil na. Huminto naman ang dalawang lalaki, gulat sa lakas ng boses ng maliit at sopistikadang babaeng nasa harapan.

Napangiwi si Catalina. Bilib din siya sa kaibigan dahil dito. Imbes na magtago sa hiya dahil sa mga sinasabi sa kanya ng lipunan nila, lalo pa itong tumapang dahil sa mga ito.

Mabilis namang lumisan ang nakasuntukan ng lalaking kakilala ni Catalina kasama ang isang babae. Masama ang tingin nito habang naglalakad paalis.

"Salamat," sambit ni Tiago habang naghahabol ng hininga. May nga sugat sa mukha nito, ngunit para kay Catalina ay maganda pa rin siyang tignan.

Si Isabel ang pinasasalamatan ni Tiago subalit kay Catalina ito nakatingin. Nagtama ang kanilang mga mata at hindi umiwas si Catalina. Napakaganda ng mga mata niya, isip ng dalaga. Tila ba maari kang malunod sa mga ito.

"Walang anuman," sagot pa rin ni Isabel kahit pa alam na niyang hindi siya napapansin nito. Ayos lang naman ito sa kanya dahil mukhang ito nga ang binatang  hinahanap ng kaibigan. Tugma ang hitsura nito sa nakita na niya sa kanyang pangitain.

"Kailangan mo yata ng lunas, ginoo," sabi pa ni Isabel na noon ay desidido nang maging kupido. "Kung gusto mo'y umakyat tayo sa aming tahanan nang magamot natin ang mga sugat mo."

Naaya naman nila ang binata. Maya-maya pa ay nasa sala na sila ng bahay ng mga Gonzalez. Nakaupo si Tiago sa stipa habang pinupunasan ni Catalina ng malinis na tubig ang mga sugat niya. Hindi maiwasang mapansin ni Isabel ang malagkit na tinginan ng dalawa, ngunit hindi na siya nagsalita.

"Hindi ka dapat nakikipag-away," sabi ni Catalina sa lalaking nasa harapan habang pinupunasan ng basang tuwalya ang nagdurugong noo nito. "Masisira ang iyong mukha."

Napangiti si Tiago subalit mabilis din itong nawala dahil sa nakaramdam ng kirot nang mabanat ang pumutok niyang labi.

Tumikhim naman si Isabel na nakatayo pa rin sa gilid at nagmamasid. Pakiramdam niya, nalimutan na ng dalawa na naroon pa siya.

"Paumanhin, ginoo, ngunit bakit ka nakikipagsuntukan sa harap ng aming tahanan nang tanghaling tapat?" tanong ni Isabel. Sana nama'y hindi likas na basagulero ang lalaking gusto ng kanyang kaibigan.

Pinaunlakan naman siya ni Tiago ng paliwanag. "Ah. May isa kasing matandang nambastos sa babaeng kasama ng lalaking iyon kanina. Ang kaso'y akala ng lalaki ay may gusto ako sa asawa niya."

"Bigla na lang siyang naging bayolente. Ako pa ang napasama," tuloy pa nito nang may kasunod na pag-irap.

Gumaan naman ang pakiramdam ni Isabel kay Tiago. Alam niyang ganoon din ang naramdaman ng kaibigan. Lumuwag ang pagkakaupo nito.

Umiling-iling si Catalina habang pinupunasan na ang gilid ng labi ni Tiago.

"Ilayo mo sana ang sarili sa gulo." Hindi napansin ni Catalina na nasabi niya ito nang malakas. Napatigil siya sa ginagawa, nakalapat pa rin ang tuwalya sa labi ng binata.

"Tila nais mo talaga yatang maipreserba ang aking mukha, binibini," puna ni Tiago kay Catalina nang may maliit na ngiti upang hindi bumukas muli ang kanyang sugat.

Namula si Catalina at umiwas ng tingin. Mabilis din niyang inalis ang kamay sa mukha ni Tiago. "H-hindi."

Tumawa lang nang marahan si Tiago sa rekasyon ng dalaga. Doon na nagpaalam si Isabel sa dalawa dahil hindi na niya kinakaya ang nakikita.

"Hindi kita masisisi," biglang sabi ni Tiago na siyang kumuha uli ng atensyon ni Catalina. "Ang mukhang ito'y mahirap tiisin at mahirap ring kalimutan."

Hanggang sa Huli | SB19 Josh; Justin ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon