Noong hapunan ng sumunod na araw, dinala ni Tiago si Yna sa Illustrado, isang mamahaling restaurant sa loob din ng Intramuros. Binuksan ng isang waitress and malaking pinto para sa dalawa at ihinatid sila paakyat sa pangalawang palapag. Doon, may naka-reserbang isang mesa na may dalawang upuan para sa kanila.
Nakasuot noon si Tiago ng dark blue na three-piece suit na may puting pinstripes, puting dress shirt at asul ding kurbata. Si Yna naman ay nakasuot ng puting bestida at kulay-kayumangging sandals at bag. Gaya ng karaniwan, nakalugay lang ang kanyang mahabang buhok.
"Parang ang romantic naman dito," ilang na puna ni Yna, hindi kumportable sa kinauupuan.
Makaluma ang estilo ng loob ng restaurant gaya ng sa labas. Mukhang antigo ang mga kagamitan dito. Mahina lang ang pagkakailaw sa lugar kaya't may kadiliman, kaya naman nasabi ni Yna na romantiko ito. May mangilan-ngilan ding mga tao sa paligid, ngunit malayo ang mga ito sa kanila.
Umiling si Tiago. Hindi naman iyon ang sadya niya sa dalaga. May mahahalagang mga bagay siyang kailangang sabihin noong gabing iyon.
"Nga pala," sabi ni Yna na sinusubukang ipagsawalang-bahala ang pagkahiya matapos silang kumain ng appetizer, "kung totoo nga 'yong ikinwento mo tungkol sa pamaypay, nalaman mo ba through word-of-mouth? May nagkwento sa 'yong mapagkakatiwalaang source?"
Napuna ni Tiago na katulad ni Catalina noong taong 1761, matindi rin ang kuryosidad ni Yna. Matanong din ito at hindi tumitigil hangga't hindi niya nalalaman ang sagot sa ikinababahala.
"Naisip mo na ba'ng i-publish 'yon officially? Kasi sayang, Tiago. Maraming makakagamit ng impormasyong 'yon," sabi pa ni Yna. Katulad ko, gusto niyang idagdag.
Mabuti at marunong naman umintindi ng Ingles si Tiago. Natuto siya ng lenggwahe ng bawat bansang sumakop sa Pilipinas pagkatapos ng Espanya, maging ang salita ng kinamumuhian niyang mga Briton.
"Paano mo nga nalaman 'yon?" tanong ulit ni Yna.
Napatikhim si Tiago. Malakas ang tibok ng dibdib niya dahil alam niyang maaaring hindi siya paniwalaan ni Yna. "Iyon nga ang sasabihin ko sa'yo ngayon, Yna."
"Alam ko ang impormasyong iyon dahil nasaksihan ko mismo ang mga ito," paglalahad niya sa dalaga.
Hindi maintindihan ni Yna ang ibig sabihin ng binata. Napakunot-noo siya. Ano'ng nasaksihan? "Ha? Pero luma na 'yon di 'ba? 1700s?"
Tumango si Tiago ngunit hindi nito napawi ang simangot ni Yna kaya't wala na siyang nagawa kung hindi sabihin ng deretsahan ang nais iparating. "Alam ko ang kwento sa likod ng pamaypay dahil naroon ako. Imortal ako, Yna, at hindi pa nagtatapos ang buhay ko mula noong 1735."
Ginamit ni Tiago ang makalumang paraan ng pagbigkas ng mga taon. Mil setecientos trenta y cinco.
Napaawang ang mga labi ni Yna sa gulat, posibleng nabalot rin ng takot, ngunit nagpatuloy sa paglalahad si Tiago.
***
Sa tulong ng aliping nag-aalaga sa kanya, patagong pinuntahan ni Catalina si Tiago sa pier si kalayuan sa Intramuros. Hindi madalas makita rito ang mga babaeng anak ng matataas na opisyal kaya isinuot ni Catalina ang pinaka-payak niyang baro.
Mabilis naman niyang nahanap si Tiago. Nakatayo ito sa isang bahagi ng pantalan na tila hindi na ginagamit dahil sa kalumaan. Narinig siguro ng binata ang pagsuway sa ni Catalina sa alipin kaya't napalingon ito.
"Huwag! Marupok ang muwelyeng ito. Hintayin mo na lamang ako diyan," sabi ni Tiago nang tangkain ni Catalina sa sundan siya rito. Maingat siyang pumunta sa ligtas na pampang kung saan nakatayo si Catalina, umiiwas sa mga butas ng kahoy na muwelye.
BINABASA MO ANG
Hanggang sa Huli | SB19 Josh; Justin ✓
FanficDahil sa kasalanan ni Tiago noong 1762, pinatawan siya ng Bathala ng imortal na buhay. Pagtatagpuing muli ang landas nila ng babaeng inibig niya na si Catalina sa taong 2020, upang mabayaran niya ang pinakamahalagang bagay na kinuha niya rito. ⇢Comp...