11

97 12 7
                                    

Hindi na nagparamdam sa text si Tiago kay Yna matapos niyang sumama kay Stell para magnanghalian.

Nagtaka ang dalaga. Noong nakaraan kasi ay hindi ito tumitigil sa pagte-text sa kanya na para bang teenager na unang beses mabilhan ng phone. Ngayon naman ay ni isang text ay wala ito. Nagtatampo ba ito dahil hindi niya nasamahan kahapon?

Nagpasya na lang si Yna na mag-text ulit. Pangatlong text na niya rito mula kahapon.

To: Lumang Tao
Buhay ka pa naman no?
Tiago?
Tiagooooo

Hindi pa rin ito sumagot. Susuko na sana si Yna nang may maalala siyang siguradong makakakuha ng sagot mula may Tiago.

To: Lumang Tao
Samahan kitang mag-samgyup?

Umubra naman ang plano ni Yna. Ilang saglit pa ay sumagot na si Tiago ng "Oo". Naghihintay na ito sa labas ng Intramuros Times nang makalabas si Yna.

Ngayong araw, nakasuot siya ng puting dress shirt at itim na coat at necktie. Pinili niyang hindi mag-vest ngayon. Siguro ay tinanggal niya ito nang malamang magsa-samgyupsal sila para makakain siya nang maayos. Si Yna naman ay naka-puting wrap dress na may bulaklaking disenyo at itim na sandals at bag.

Mabilis silang naglakad papunta sa restaurant para makapila kaagad. Kinse minutos rin silang naghintay bago makaupo. Nang singilin sila ng bayad ng cashier sa harapan, siniko ni Yna si Tiago.

"Akala ko ba hati dapat ang bayad?" nagtatakang tanong ni Tiago. Ito ang una niyang sinambit kay Yna mula noong sinundo niya ito sa Intramuros Times.

"Ah, uh, sa magkakaibigan minsan may nanlilibre. Kapag may gustong magpasama, siya ang magbabayad," dahilan ni Yna. "At tsaka pangalawang beses na nating mag-samgyup ngayong linggo. Magkano lang ang baon ko araw-araw."

Pailing-iling na naglabas si Tiago ng isang libo mula sa pitaka. Pagkatapos noon ay naupo na sila. Hindi ulit nito kinibo si Yna.

"Uy, Tiago," sabi ni Yna sabay kaway sa harap ng mukha ng lalaki para kunin ang atensyon nito, pero abala itong inaayos ang mga kubyertos at ang mga lulutuin sa grill.

"Nagtatampo ka ba?" tanong ng dalaga.

"Hindi," agad namang depensa ni Tiago, bagaman mukha siya noong batang nagpapalambing. Bahagyang nakanguso pa ito.

Tinago ni Yna ang pagka-aliw sa kanya. Tinulungan niya si Tiago na magbaliktad ng karne sa ihawan. "Pagbigyan mo na 'ko. Minsan lang kami magkita noong si Stell. Matagal na rin mula noong huli."

Sinilip ni Yna si Tiago. Mukha namang nakikinig ito sa kanya dahil tumatango.

Maya-maya pa ay nagsalita na rin ito habang tuloy-tuloy ang pagbabaliktad ng karne.

"Anong... ginawa ninyo?" tanong niya nang tila ba kabado.

"Kumain?" patanong namang sagot ni Yna.

"Ano pa bukod doon?" tanong pa ni Tiago.

"Nag-usap?" Hindi alam ni Yna kung anong hinahanap na sagot ni Tiago. Napakunot-noo siya. Bakit ba ito nagtatanong nang ganito?

Hindi pa rin tumigil si Tiago sa pagkuwestyon sa kanya. "Hindi ka sigurado?"

"Sigurado." Napasinghal na lang si Yna. Ibinaba niya ang hawak na chopsticks at isinandal ang mga kamay sa mesa. "Hindi ko lang alam kung bakit mo tinatanong. Bakit mo nga ba tinatanong?"

"Wala." Umiling si Tiago na para bang binabalewala na niya ang nangyari.

"Nagtataka lang ako sa kung ano ang ginagawa ng magkaibigang lalaki at babae kapag lumalabas sa panahon ngayon," rason na lang niya.

Hanggang sa Huli | SB19 Josh; Justin ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon