22

86 12 4
                                    

Nang malaman ni Danilo Tiangco na palagi na sa Intramuros Times si Tiago ay tinawag niya ito para magkape sa kanyang opisina. Ipinagtimpla sila ng sekretarya ng kape habang nakaupo na ang dalawa sa magkaharap na mga sofa sa receiving area. Nakade-kwatro si Tiago habang si Danilo naman ay maayos ang upo.

Payak manamit si Danilo bagaman mayaman. Naka-kulay itim itong coat at slacks, puting dress shirt, at asul na kurbata. Pudpod ang swelas ang sapatos na suot niya. Samantala, si Tiago naman ay naka-itim na three-piece suit at kurbata at puti ring dress shirt.

"Mabuti at napadalaw ka, Ginoong Tiago," sabi ni Danilo. "Sana ay masaya ka sa kung paano pinalago ng aming pamilya ang perang ipinagkatiwala mo sa amin."

Tumango naman si Tiago at binigyan ang matanda ng maliit na ngiti.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya alam kung paano tumanggap ng pasasalamat, lalo na't naaalala pa rin niya ang idinulot niya sa kaibigang si Julian. Alam niyang hindi kailanman ito mapapantayan ng kahit anong kayamanan.

Nang abutin ni Tiago ang kape mula sa sekretarya ay hindi niya napansing nag-iba ang kanyang kausap.

"Alam kong ginawa mo ito para iangat ang estado ng pamilya ni Julian at mapakinabangan niya ito kung sakaling maipanganak siyang muli sa parehong angkan sa hinaharap," pahayag ni Danilo.

"Ngunit ginawa mo rin ito para maging karapat-dapat ang iyong kaibigan sa kamay ni Isabel sakaling pagtagpuin din silang muli," dagdag pa nito, na siyang nakakuha ng atensyon ni Tiago.

Iniangat ng binata ang ulo mula sa iniinom na kape. Doon na niya napagtanto na ang Bathala na ang kanyang nasa harapan. Napaupo siya ng maayos na para bang nakahandang protektahan ang sarili.

"Ano naman kung ganoon? Masama ba?" mapangahas na tanong niya.

Napakarami nang kinuha sa kanya ng Bathala. Pati ba ito ay ipagbabawal nitong gawin niya? Hindi ba natatapos ang kanyang pagbabayad sa mga nagawa?

Umiling-iling ang Bathala. "Alam mong hindi laging nagtatagumpay ang kagustuhan ng mga tao, Tiago."

Dagdag pa niya, "Hindi mo dapat pinangungunahan ang mga plano ng nakakataas sa lahat, dahil maaaring mas matinding gulo lang ang dadalhin nito."

Magpoprotesta sana si Tiago ngunit itinaas ng Bathala ang kanyang kamay, tila ba pinapatahimik siya.

"Kasalukuyang hinahanap ng iyong mortal na kaaway ang babaeng pinoprotektahan mo," biglang abiso nito.

Agad na naalerto si Tiago sa sinabi ng Bathala. Mabilis niyang inilapag ang kanyang baso at tsaka tumakbo palabas papunta sa upuan ni Yna sa opisina, ngunit nakitang wala ito rito.

Pinaharap niya sa kanya ang binatang nakaupo sa katabing cubicle na nagulat sa bilis ng mga pangyayari.

"Nasaan si Yna?" tanong ni Tiago, hawak ang balikat ng katrabaho ni Yna, natataranta.

"U-umuwi na po," sagot naman kaagad ang lalaki.

Binitawan siya ni Tiago at tsaka bumaba na para lisanin ang gusali at hanapin si Yna. Imposibleng umuwi na ito, isip niya. May usapan sila na ihahatid niya ang dalaga hanggang sa bukana ng Intramuros para masiguro ang kaligtasan nito.

Hindi alam kung saan ito hahanapin, nagbakasakali si Tiago at tumakbo sa direksyon ng Museo de Intramuros. Malapit na siya sa museo nang nakita niya ang iika-ikang si Romero. Nahagip rin ng kanyang mga mata ang dulo ng bestida ng isang dalagang papasok sa pintuan ng gusali.

"Romero!" tawag ni Tiago kahit pa hindi pa niya tiyak kung ano ang gagawin. Ang mahalaga noon ay hindi nito makita si Yna.

Lumingon naman ang heneral sa kanya, ang mukha at katawan nito ay mas agnas pa kaysa noong huli niya itong nakita.

Hanggang sa Huli | SB19 Josh; Justin ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon