Tila sila naibalik sa nakaraan kung saan sila pa sina Julian at Isabel. Sa panahong iyon, magkabaliktad ang tadhana nila. Si Julian ay isang mahirap na mangangalakal na Tsino at si Isabel naman ay anak ng isang Kastilang heneral at kabilang sa alta-sosyedad.
Ibinalik sila sa araw ng una nilang pagkikita. Minuto lang ang itinagal nito ngunit alam nilang sa unang beses na nagtagpo ang kanilang mga mata nagsimula ang lahat. Bumalik din sa kanilang mga alaala ang pagsusulat nila ng mga liham sa isa't isa, madilim na mga gabing iniilawan lamang ng kani-kanilang gasera. Dumating sila sa sandaling ibinigay ni Julian ang singsing kay Isabel at nangako ng binata na balang araw ay magiging karapat-dapat din siya sa kamay ng dalaga.
Huli nilang binisita ang huli nilang mga sandali. Naramdaman ni Justin ang desperasyon ni Julian na iligtas si Isabel noong gabing inatake ng mga Briton ang Intramuros. Sa dulo ng lahat ng ito, nakita ni Justin ang hindi kailanman nasaksihan ni Julian— ang walang-buhay na katawan ng iniirog nito.
Bumalik din ang dalawa sa kasalukuyan. May luhang pumatak mula sa mata ni Justin. Nagmadali itong umalis, kaya't dali-daling nagbayad sa manghuhula si Bell at tsaka ito hinabol.
"Teka. Hintayin mo 'ko!" tawag ni Bell dito, ngunit nagpatuloy lang ito sa paglalakad nang matulin kahit pa hindi nito alam kung saan tutungo.
"Justin!" sabi ni Bell nang mahabol na niya ang lalaki at tsaka niya hinawakan ang damit nito.
Noon lang tumigil ang binata sa paghakbang papalayo.
Bahagyang hinila ni Bell ang suot na coat ng binata. "Mag-usap muna tayo."
***
Dinala ni Bell si Justin sa Escolta Ice Cream and Snacks na kaunting lakad lang mula sa simbahan ng Quiapo para magpalamig. Inorderan niya silang dalawa ng sorbetes at tsaka ito ihinatid kay Justin sa kanyang kinauupuan.
Balisa pa ang binata dahilan sa nakaraang nasaksihan nito. Hinayaan lang din ito ni Bell na magmuni-muni ng ilang minuto hanggang sa ito na mismo ang magsalita.
"Hindi naman totoo 'yon diba?" Pinilit ngumiti ni Justin kahit pa kanina pa mabilis ang pagtibok ng kanyang puso. "Siguro pagod lang ako."
"O baka pinaamoy ako ng kung ano no'ng manghuhula! Maghanda 'yon sa'kin. Ipapademanda ko 'yon," sabi pa niya at tsaka bahagyang tumawa. "Paano namang naging kamukhang-kamukha mo 'yong Isabel, 'di ba?"
Umiling si Bell sa mga sinabi ni Justin. Tahimik niyang ibinaba ang kanyang baso ng sorbetes sa lamesa. "Nakita ko rin 'yon."
Tinignan lang siya ng binata, hindi maintindihan ang ibig niyang sabihin. Hindi man ipahayag ni Justin, nakikita ni Bell ang takot sa mga mata nito.
"Sabi ko sa'yo hindi ko nakikita 'yong past ko o future, 'di ba?" sabi ni Bell kay Justin. "Kanina, nakita ko lahat ng nakita mo. Unang beses 'yon nangyari sa'kin."
Inabot biya ang kamay ni Justin sa ibabaw ng mesa. "Kaya naniniwala ako do'n."
***
Noong gabing iyon, napagpasyahan ni Justin na pumunta sa kung saan niya pwedeng mahanap ang isa pang taong kabilang sa nakaraang ipinakita sa kanya.
Ilang beses siyang kumatok sa pinto ng museo, nagbabakasakaling naroon pa ito. Nang wala pa ring nagbukas ng pinto natapos ang ilang minuto ay tinawag na niya ang pangalan ng taong hinahanap. Wala na siyang pakialam noon kung pagtinginan siya ng mangilan-ngilang mga dumaraan.
Kalaunan ay bumukas din ang pinto. Lumabas dito si Tiago na nakasuot ng puting kamisa de chino at itim na pajama, siguro ay naghahanda nang matulog noon.
"Jul—Justin, anong ginagawa mo rito?" tanong ni Tiago sa binatang nakatayo sa labas ng museo.
"Pwede ba tayong mag-usap?" tanong naman ni Justin.
Tila ito naguguluhan kaya naman nanghinala agad si Tiago na may nalaman na ito tungkol sa nakaraan. Pinapasok niya si Justin at dinala sa kanyang malawak na silid, partikular sa magkaharap na mga upuan malapit sa isang bintana. Ipinaghanda niya ito ng tsaa. Ininom naman ito kaagad ni Justin dahil sa nanunuyo niyang lalamunan.
"Anong maitutulong ko sa iyo?" tanong ni Tiago nang nakakalma na bahagya ang nakababatang lalaki.
Huminga ng malalim si Justin. "Kanina, sa Quiapo... hinulaan kami... tapos... ako... si Bell..."
Pautal-utal itong nagkwento ngunit naintindihan ito ni Tiago. Nasaksihan niya rin naman ang kwento nina Julian at Bell noong 1762. Tumango-tango siya upang ipahiwatig na naiintindihan niya ang nakababata.
"Totoo ba ang lahat ng 'yon?" natatakot na tanong ni Justin sabay tingin sa mga mata ni Tiago.
Dahan-dahan namang tumango si Tiago. Lumabas ang mga luhang kanina pang pinipigilan ni Justin. Mabibigat ang mga alaalang nasaksihan niya, ngunit mas masakit ang mga ito ngayong nakakasiguro na siyang siya nga ang may-ari ng mga gunitang iyon— o ang dati niyang pagkatao.
Hinayaan lang siya ni Tiago na tumangis para sa kanyang nakaraang buhay hanggang sa maubos ang kanyang mga luha. Hindi alam kung ano ang sasabihin, ipinagsalin na lang ulit ni Tiago ang binata ng tsaa.
"Bakit ka nirerespeto ni angkong?" kuwestyon ni Justin kay Tiago. "Kinakausap ka niya na para bang mas matanda ka."
Palagay ni Tiago ay may hinala na si Justin. Sinisiguro lang nito na tama siya. Bumuntong-hininga ang nakatatandang lalaki at tsaka nagpaliwanag, "Dahil hindi pa ako pumapanaw mula noong panahong naalaala mo."
"Ikaw ba—" Tinignan ni Justin sa mata ang dating kaibigan at nakita ang pagsisisi rito. Doon na niya natagpuan ang sagot sa kanyang tanong.
"Pinapatawad kita."
Nasorpresa si Tiago sa sinambit ng binata. Buong akala niya ay hindi na niya kailanman ito maririnig. Ito ang isa sa mga katagang alam niyang makakapagpagaan ng kanyang kalooban. Gayunman, ngayong sinambit na ito ni Justin ay tila hindi niya ito magawang tanggapin.
"Hindi mo ako kailangang patawarin," sagot niya rito. Hindi siya karapat-dapat sa pagpapatawad.
Umiling ang mas batang lalaki. "Hindi."
"Pinapatawad kita dahil alam kong iyon ang gugustuhin kong gawin bilang si Julian," sabi nito.
Tumango si Tiago at binigyan si Justin ng maliit na ngiti. Minasdan niya ang mukha ng kaibigan. Estado lang sa buhay ang nagbago rito, ngunit itong-ito pa rin talaga si Julian.
"Ano na ang ibig sabihin nito ngayon?" tanong ni Justin nang nakatitig lang sa mesa.
Nanlumo si Tiago sa tanong ng binata. Kanina lamang niya natanggap ang isa sa mga pinakaasam-asam na patawad, ngunit ngayon ay kailangan niya na namang magdala kay Justin ng masamang balita.
"Ang sabi ng Bathala ay hindi ko dapat pinakialaman ang kapalaran mo," pahayag ni Tiago. "Tingin ko... tingin ko ay may kapalit ito."
Naintindihan naman ito ni Justin. Marahas ang parusa ng Bathala sa kanila, siguro ay dahil nangahas silang magmahal ng mga taong nakatataas sa kanila ng uri noong nakaraang panahon.
"Wala na tayong ibang magagawa kung hindi harapin ang ating kaparusahan," wika pa ni Tiago. Kung mayroon siyang natutunan sa mahaba niyang buhay, iyon ay ang wala siyang laban sa kapangyarihang lumikha sa kanya.
Inubos ni Justin ang malamig nang tsaa at tsaka ibinaba ang tasa sa lamesa bago ito tumindig. Tumayo rin si Tiago at lumapit sa nakababatang lalaki para yakapin ito nang mahigpit.
"Nag-uumapaw ang lungkot ko sa mahabang panahong wala ka," mahinang sambit ni Tiago.
Marahan naman siyang tinapik sa likod ni Justin na para bang pinapagaan ang kanyang loob. "Salamat sa pag-iisip at pagtulong mo sa akin kahit pa wala ako."
BINABASA MO ANG
Hanggang sa Huli | SB19 Josh; Justin ✓
FanfictionDahil sa kasalanan ni Tiago noong 1762, pinatawan siya ng Bathala ng imortal na buhay. Pagtatagpuing muli ang landas nila ng babaeng inibig niya na si Catalina sa taong 2020, upang mabayaran niya ang pinakamahalagang bagay na kinuha niya rito. ⇢Comp...