25

82 12 12
                                    

Sa sumunod na hapon ay pumunta si Yna sa La Cathedral Cafe. Ayon kay Tiago, may espesyal na selebrasyon kasing gaganapin noon. Kaya naman, nagsuot ang dalaga noon ng puting long-sleeves na pantaas, mahabang puting palda, at itim na heels. Agad naman siyang sinundo ng isa sa mga waitress doon at sinabihang sumunod. Nagtaka siya nang makitang mangilan-ngilan lang ang mga tao rito.

Nang makarating sa pangalawang palapag ay sinabihan siya ng waitress na dumiretso sa rooftop. Doon, mag-isang nakatayo si Tiago, nakatingin sa direksyon niya. Nakasuot ito ng puting t-shirt at dark green na long-sleeves na may mga pahabang itim na guhit, itim na pantalon, at puting sneakers.

Kung kanina'y kinakabahan si Yna dahil di alam kung ano ang mangyayari, gumaan ang loob niya dahil sa kakaibang pananamit ni Tiago sa gabing iyon. Marahan siyang tumawa.

"Masama bang tignan?" alala ni Tiago sabay tingin sa kanyang damit. "Nagpasama kasi ako sa intern namin para mamili ng damit. Sabi niya ay ito raw ang uso."

Napangiti si Yna ay umiling. "Hindi. Bagay naman sa'yo. Nasanay lang akong naka-pormal ka lagi."

Nginitian din siya pabalik ng binata.

Habang naglalakad si Yna papalapit dito ay may kinuha ito sa nag-iisang bihis na mesa sa maluwag na espasyong iyon. Maya-maya pa ay nag-abot na si Tiago kay Yna ng isang puting rosas na siya namang nahihiyang tinaggap ng dalaga.

Hinawakan ni Tiago ang kabilang kamay ni Yna at dinala ito sa kanilang mesa.

"Ano 'to?" kuryosong tanong ni Yna sa kay Tiago matapos maupo. Alam naman ni Yna kung ano ang tawag ng karamihan sa mga ito. Gusto lang niya itong linawin para siguradong nasa parehong pahina sila ni Tiago. Unang beses niya rin kasi itong mararanasan kung sakali.

"Ano nga bang tawag ng mga kabataan dito?" Nag-isip ang binata saglit. "Date."

Pakiramdam ni Yna ay uminit ng husto ang kanyang mga pisngi. Bigla tuloy niyang naisip kung tama ba ang isinuot niyang damit sa araw na iyon. Mabilisan siyang tumingin kay Tiago at nakitang nagpipigil din ito ng ngiti.

"Pasensya na, ha," paghingi ni Tiago ng dispensa. "Gusto sana kitang dalhin sa mas magagandang mga lugar ngunit hindi ako maaaring lumabas dito ng matagal."

Umiling naman si Yna. "Hindi na 'yon mahalaga."

Nagkatinginan ang dalawa at nagngitian.

Pinutol ni Tiago ang katahimikan at tinawag ang waiter para dalhin na ang kanilang pagkain. Nang magsimula na silang kumain ay nagsimula na ring siyang magtanong-tanong patungkol sa buhay ni Yna. Si Yna naman ay nag-usisa tungkol sa pamumuhay ni Tiago sa nagdaang mga taon.

Pagkaubos nila ng main course ay dinala ng waitress sa kanila ang isang chocolate cake na may tatlong maninipis na kandilang nasindihan na. Napakunot-noo si Yna nang makita ito.

"Birthday mo?" tanong ng dalaga kay Tiago.

Umiling ang binata.

"Sino?"

"Si Catalina. Araw ng kaarawan niya ngayon," sagot ni Tiago nang may kaunting lungkot.

May naramdamang kakaiba sa kanyang puso si Yna. Noon ay hindi niya makita ang sarili sa katayuan si Catalina. Hindi niya rin matanggap ang ilang mga bagay, kagaya ng pag-ibig na tila ipinasa sa kanya. Ngunit sa mga oras na iyon ay tila masaya siyang malaman na hindi tumigil si Tiago sa pagdiriwang ng kaarawan ni Catalina kahit pa noong wala ito. Pakiramdam niya ay siya ang minamahal ng lubusan. Habang-buhay. Sa haba ng maraming habang-buhay.

"N-nais mo bang hipan ang mga kandila?" nahihiyang tanong ni Tiago.

Ngumiti naman si Yna at tumango. Ipinikit niya ang mga mata para taimtim na humiling bago hipan ang mga kandila.

Sana... sana mabigyan pa tayo ng pagkakataon para makilala ang isa't isa, hiling niya. Hinipan ni Yna ang apoy mula sa mga kandila.

Naghiwa mula sa cake si Tiago at binigyan silang dalawa ng mga piraso nitong katamtaman ang laki. Nagdiwang sila na para bang hindi bahagyang nabahiran ng lungkot ang kanilang selebrasyon kani-kanina.

Nang matapos silang kumain ay nilisan nila ang kanilang mga upuan para pumunta malapit sa mga railings na binubuo ng mga halaman. Mula dito, pinagmasdan nilang dalawa ang mga pailaw ng katedral sa kabilang kalsada. Tanaw nila ang nangningingning na torre ng Iglesia.

Mas malapit kaya sila sa diyos doon? tanong ni Yna sa loob-loob niya.

Uminom si Tiago ng kaunti mula sa baso ng red wine na kanyang dala roon.

"Yna, anong mga gusto mong marating sa buhay?" biglaang tanong niya sa dalaga.

Nagulat si Yna dahil bagaman buhay ng isa't isa ang pinag-usapan nila buong gabi ay pulos iyon tungkol sa nakaraan at kasalukuyan, hindi ang hinaharap.
Napaisip siya nang kaunti bago sumagot.

"Gusto kong maging senior editor sa Times balang araw. Tapos, editor-in-chief."

Tumango-tango si Tiago.

Ipinikit niya ang kanyang mga mata at ipinalagay si Yna sa sitwasyong iyon, kung saan naabot na niya ang pinakamatayog niyang pangarap. Ginawa niya iyon sapagkat alam niyang hindi na siya mabubuhay nang matagal para makita pa ang katuparan ng mga ito.

"At kung hindi iyon ang kapalarang ipagkaloob sayo?" tanong pa ng binata.

Hindi niya gustong nag-iisa lang na posibilidad ang iisipin niya ukol sa kinabukasan ni Yna. Paano kung hindi masunod ang pagiging editor-in-chief nito? Pabago-bago ang agos ng buhay.

"Siguro news reporter? Kung hindi talaga para sa'kin, susubukan kong magtrabaho sa NGO," tugon ng dalaga.

Napangiti si Tiago sa mga larawan ni Yna sa kanyang isip. Idinilat niya ang mga mata at inubos na ang wine sa kanyang baso bago humarap kay Yna. Humarap din ang dalaga sa kanya.

Ito na marahil ang isa sa pinakahuli nilang mga ala-ala sa buhay na ito, pagpapalagay ni Tiago.

"Yna," panimula niya, hinahanap sa sarili ang lakas ng loob para sabihin ang mga kailangang sabihin at mga salitang nararapat niyang bigkasin.

Tinagpo ni Yna ang kanyang mga mata na siyang nagpahirap lalo sa kanyang dapat gawin. Huminga si Tiago nang malalim.

"Sapat na ang panahon na inilaan sa akin para mahalin ka," sinserong wika ni Tiago, salungat sa mga katagang binitawan niya noong 1762. "Maiksi man ang oras, lulubusin ko ang pagmamahal sayo."

Natagpuan na lamang ni Tiago ang sarili na humahakbang palapit kay Yna, inaalis ang espasyo sa pagitan nilang dalawa. Noong gabing iyon nagkatagpong muli ang kanilang mga kaluluwa at nahanap ng kanilang mga labi ang tahanan sa isa't isa.

Hanggang sa Huli | SB19 Josh; Justin ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon