20

70 12 9
                                    

Nag-alala si Tiago nang hindi pumasok si Yna sa tamang oras noong Lunes na iyon. Hindi rin niya ma-contact ang dalaga sa telepono. Inisip niya na baka natakot na ito nang husto sa kanya. Mali kayang sinabi niya na ito si Catalina?

Naliligalig, gumawa muna siya ng kung anu-ano sa museo. Itim ang sininuot niyang mga damit at sapatos noong araw na iyon, dahil nababagabag siya sa mga kulay, dala na siguro ng kaba. Pinupulot niya ang isang tuyong dahon na nalipad mula sa labas nang makaramdam siya ng kakaibang lamig sa silid.

Wala noong ibang tao sa pangalawang palapag kung hindi siya. Lahat ng mga kasama ay nasa ibaba. Sa reaksyon pa lamang ng kanyang katawan ay alam na niyang hindi ito ang Bathala.

Lakas-loob na lumingon si Tiago sa kanyang likuran. Doon, nakatayo ang naaagnas ngunit buhay na si Heneral Vicente Romero. Huli niya itong nakita noong pareho silang hinatulan ng kaparusahan ng Bathala, ngunit alam niyang hindi pa ito pumapanaw hangga't siya mismo ay buhay pa.

"Kumusta ka, Zaldarriaga?" Ngumiti ang heneral. Sumilip ang ilang mga buhay na uod sa mga parte kung saan siya walang ngipin.

Pinili ni Tiago na hindi na sumagot pagkat ayaw niyang sugurin siya ni Romero. Alam niyang hindi magugustuhan ng heneral ang kahit anong lalabas sa bibig niya dahil sa galid nito sa kanya.

"Wala ka talagang respeto sa akin," galit na sambit ni Romero. Umigting ang panga nito.

Batid ng binata na ang gusto ni Romero ay ang pumatol siya rito. Hindi sana siya sasagot, ngunit naisip na kausapin ito sa pag-asang mayroon pang bahagi ng puso ng heneral na hindi pa nababalot ng poot.

"Hindi kailanman magiging sapat ang paghingi ko ng tawad, Heneral Romero, ngunit wala na tayong magagawa kung hindi hintayin ang araw na tayo'y makakalaya na," sabi ng binata.

Napangisi si Romero. Hindi pa alam ni Tiago na mayroon din siyang paraan para kitilin ang buhay nito. Inilabas niya ang makintab na baril at ipinakita ito sa nakababatang lalaki.

"Nais ko lang malaman mo na ngayon ay may alas na ako laban sa iyo," matagumpay na sambit ng matanda. "Maari na kitang patayin."

Napatigil si Tiago sa paghinga. Tinitigan niya ang bagay na makapagdadala sa kanya ng kamatayan sa mga oras ding iyon kung gagamitin ito ni Romero.

"Pero dadali lang ang lahat para sa iyo kung papatayin kita. Gusto kitang magdusa gaya ng idinulot mo sa akin." Lumaki pa ang ngiti ng heneral, iyong tila ba may binabalak na masama.

Napakunot-noo si Tiago, pero bago pa man niya maproseso ang sinabi ni Romero, naglaho na ang heneral sa kanyang harapan.

Sumagi bigla si Yna sa isipan ng binata. Mabilis siyang umaksyon at tumakbo pababa ng hagdan at palabas ng museo. Sinubukan niyang tawagan ang dalaga gamit ang kanyang telepono. Mabuti na lang at sumagot na ito.

Hindi na nakapagsalita si Yna dahil nagtanong kaagad si Tiago. "Nasaan ka? Nasa Times ka na ba?"

"Wala pa," sagot naman nito. "Pero malapit na."

Ibinaba kaagad ni Tiago ang tawag at nagsimulang tumakbo sa direksyon ng pasukan sa bandang Lyceum of the Philippines University kung saan laging nagmumula si Yna.

Sa mga oras na iyon, nakapokus lang siya sa paghahanap sa dalaga. Hindi na niya namalayang papalabas na siya ng Intramuros. Mabuti na lang at naglalakad na noon si Yna papasok. Nakita ito kaagad ni Tiago na binilisan pa ang takbo at tsaka yumakap dito.

Marahang inilipad ng hangin ang mapusyaw na kaking bestida ni Yna habang nakatayo sila sa gitna ng daan at nagsimula nang pagtinginan ng mga tao.

"Tiago," sambit ni Yna na noon ay naguguluhan.

Hanggang sa Huli | SB19 Josh; Justin ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon