Noong Biyernes na iyon, alas tres ng hapon pa lang ay nakalabas na si Yna sa Intramuros Times. Dahil sa masyadong mabilis ang pagka-ubos ng oras na kailangang ilaan ni Yna sa kanyang internship, sinabihan siya ng boss na huwag nang sumunod sa oras ng opisina nila. Sinabi nitong pwede nang umalis si Yna basta't tapos na ang mga gawain nito.
Nag-text si Yna kay Tiago upang sabihing libre na siya. Agad naman itong nag-reply at sinabing hintayin siya sa loob ng Intramuros. Nakasuot noon si Yna ng puting long-sleeves, light blue na pantalon, at puti ring sneakers. Dala-dala niya pa rin ang itim na sling bag.
Walang ibang mapuntahan si Yna noon kaya't nagpasya siyang hintayin si Tiago sa Intramuros Walls. Medyo maraming tao roon pero hindi naman iyong tipong punong-puno. Aakyat na sana siya para maghanap na ng mauupuan nang dumating si Tiago.
"Yna," tawag nito sa kanya habang mabilis na naglakad palapit. Nakagayak naman ito ng itim na vest at kurbata na pinailaliman ng light blue at checkered na dress shirt. Itim ang suot nitong pantalon at leather shoes.
Sanay na si Yna sa pormal na pananamit ni Tiago, ngunit nagtaka siya nang makita ang hawak nitong tila ba makapal at lumang libro. "Ano yan?"
Umiling ang binata at itinago sa kanyang likod ang aklat. Isinawalang-bahala na lang ito ni Yna at dinala na lamang si Tiago sa parte ng Intramuros Walls kung saan tanaw ang golf course.
Naunang umakyat si Yna. Ginamit niya ang isang lumang kanyon bilang tuntungan. Noong nasa taas na siya ay hinintay niya si Tiago na sumunod, ngunit nakatitig lang ito sa kanyon, tila ba hindi sigurado.
"Takot ka sa heights?" tanong ni Yna.
Mabilis na umiling si Tiago. Dahan-dahan itong umakyat sa paraang katulad ng ginawa ni Yna. Nang nandoon na silang dalawa sa itaas ay naghanap sila ng bakanteng puwestong mauupuan at tsaka sumalampak sa kongketong sahig.
Huminga ng malalim si Yna. "Sana may mga ganito pang lugar dito sa Maynila 'no? 'Yong makakahinga ka nang maluwag nang libre."
Tumango naman si Tiago. Totoo nga naman ang sinabi ng dalaga. Sa loob ng mahaba niyang pamamalagi sa loob ng mga pader ng Intramuros ay malaki ang pinagbago ng mundong ginagalawan niya. Mabilis itong sumikip hanggang sa wala na halos lupa o punong makikita.
Biglang sumama ang tingin ni Yna. Noong una ay akala ni Tiago ay nagalit ito sa hindi niya pagsagot, ngunit nakita ring nakadirekta ito sa mga naglalaro ng golf sa ibaba.
"Ang daya 'no? Napakarami naman talagang lupa, pero kaunti ang nakikinabang," sabi nito at tsaka galit na bumuntong-hininga.
Naalala ni Tiago si Catalina sa sinabi nito. Madalas ring magsabi sa kanya ng hinaing tungkol sa hindi pagkakapantay-pantay ng mga mamamayan sa kanilang lipunan noong 1761. Nabuhayan noon ang loob ni Tiago. Tila lumaki ang posibilidad na si Yna si Catalina.
"Ano pala 'yang dala mo?" tanong muli ni Yna nang maalalang may kakatwang dinala si Tiago sa pagkikita nila.
Inilabas na sa wakas ni Tiago ang aklat. May kalakihan ito at makapal. Kulay kayumanggi ang pabalat at may mantsa na rin ang mga gilid ng mga pahina dahil sa kalumaan.
"Ano 'to?" kunot-noong tanong ni Yna.
"Libro."
"Alam ko naman 'yon, pero anong libro? Hindi mo naman pinuslit galing sa museo, 'no?" Noong umiling si Tiago ay kinuha na ni Yna ang aklat mula sa kamay niya. Magpoprotesta na ito noon dahil sa kawalan ng ingat ng dilag ngunit nakitang maingat naman nitong binuklat ang mga pahina.
Paborito itong libro noon ni Catalina bagaman ayaw ni Heneral Torillo na nagbabasa ang mga dalagang anak. Sa paniniwala kasi ng Heneral ay hindi sila makakapag-asawa kapag marami silang kaalaman. Paulit-ulit ito dating binabasa ni Catalina at naisaulo at naisapuso nito ang marami sa mga linya.
Dinala ito ni Tiago kay Yna sa pag-asang maaalala nito ang paborito niyang libro mula sa nakalipas niyang buhay. Pinanood ni Tiago ang dalaga habang sinusuri nito ang akda nang nakakunot-noo at tila malalim ang iniisip.
Nawasak ang pag-asa ni Tiago nang tuminging muli sa kanya si Yna.
"Espanyol naman. Hindi ko maintindihan," sabi nito.
Bigo, kinuha ni Tiago pabalik ang aklat mula kay Yna sabay irap.
Nagulat si Yna sa reaksyon ng lalaki. "Ano ba kasi 'yan?"
"Nobela," sagot lang ni Tiago.
"Tungkol sa...?"
Bumuntong-hininga si Tiago at ipinikit ang mga mata saglit. Kung hindi ito maalala ni Yna ay baka pwede niya ring ipaalala rito.
"Tungkol ito sa isang batang may kapansanan na nakatira sa Espanya. Salungat sa kanya ang buong mundo pero gumagawa siya ng paraan upang makagalaw rito. Dumidiskarte kumbaga," paliwanag ni Tiago.
"Minsa'y sumusobra ang kanyang mga ginagawa. May mga natatapakan. Ngunit kinukwestyon ng bata kung mali ba siya kung gayong sinusubukan lang naman niyang mabuhay."
"Anong nangyari?" kuryosong tanong ni Yna. Hiniling niyang sana ay marunong siyang magbasa ng Espanyol nang mabasa rin ang kwento, ngunit sa ngayon ay makukuntento na muna siya sa pagsasalaysay ni Tiago.
"May nakilala siyang mga tao na tinuruan siya na kahit gaano kalupit ang mundo ay hindi siya dapat maging madaya sa kanyang kapwa." Bahagyang ngumiti si Tiago.
Napangiti rin si Yna. "Ang ganda naman ng kwento."
"Paborito mo?" tanong pa nito.
Umiling ang binata. Nawala ang kanyang ngiti. "Paborito itong kwento ng paborito kong tao."
Tumango si Yna at hindi alam ni Tiago kung ano ang ipapakahulugan dito, hanggang sa nagsalita ito. "Napakaswerte naman ng paborito mong tao. Magta-tatlong daang taon na ang lumipas pero may nagmamahal pa rin sa kanya."
Sana'y mayroon ding magmahal sa kanya nang ganito, isip ni Yna, ngunit malabo yata itong mangyari sa kanya. Sa dalawampu't isang taon niya sa mundo ay bihira siyang makaranas ng kilig. Bakit siya aasang makakaranas pa siya ng isang dakila at dalisay pag-ibig?
Nang magsimula nang bumaba ang araw ay tumayo na si Yna.
"May kikitain pa pala akong kaibigan," paalam niya ni kay Tiago.
Nagtaka si Tiago kung sino ito. Si Fidel na naman kaya?
"Dadalhin na kita roon," alok na lamanh niya, upang makita kung ang lalaking nagmula rin sa nakaraan ang kaibigang tinutukoy ng dalaga.
Sa tulay sa may Intramuros Walls din, sa di kalayuan, sila nagtungo. Doon, sinalubong sila ng isang maliit na babaeng nakatirintas ang buhok at nakasuot ng makulay na palda.
Pamilyar ito, isip ni Tiago. Pilit niyang inalala kung saan niya ito nakita noon. Maya-maya pa'y bumalik na ang lahat sa kanya.
Wala na ang dating sopistikadang dilag na mamahaling damit at mga sapatos ang laging suot. Sa harapan niya ay may isang dalagang kakatwa manamit at magaspang nang kaunti kung umasal.
Nakaramdam ng takot si Tiago. Muli, nagdala si Yna ng isang taong galing sa kanyang nakaraan. Ang nasa harapan niya ngayon ay ang kauna-unahan at tanging pag-ibig ng matalik niyang kaibigan na si Julian.
BINABASA MO ANG
Hanggang sa Huli | SB19 Josh; Justin ✓
FanfictionDahil sa kasalanan ni Tiago noong 1762, pinatawan siya ng Bathala ng imortal na buhay. Pagtatagpuing muli ang landas nila ng babaeng inibig niya na si Catalina sa taong 2020, upang mabayaran niya ang pinakamahalagang bagay na kinuha niya rito. ⇢Comp...