12

102 12 12
                                    

Ilang minuto lang ay nakarating na ng Intramuros si Bell. Dumiretso siya agad sa gusali ng Intramuros Times kung saan niya kikitain si Yna.

Mabilis ang nasakyan niyang jeep kaya naman sigurado siyang magulo na ang tuktok ng buhok niya. Mabuti na lang at may naka-park noong na itim na kotse sa harap ng gusaling pinagtatrabahuan ni Yna. Sa side mirror ng kotse sa gawi ng driver tinignan ni Bell ang repleksyon niya. Sinuklay niya ang buhok gamit ang kanyang mga kamay.

"Ang gara ng kotse. Makabili nga niyan 'pag nanalo ako sa lotto," humahagikhik niyang sabi, alam na hanggang sa kathang-isip lang siya magkakaroon ng ganoong sasakyan.

Nagulat na lang si Bell at napaatras nang bumukas ang pinto sa may driver's seat. Lumabas dito ang isang matangkad at maputing lalaki. Nakasuot ito ng brown na coat at pantalon na may print na magkabaliktad na F at itim na panloob at sapatos. Dahil nakasuot ng shades, matangos na ilong at mala-rosas na mga labi lang ang mailalarawan ni Bell dito.

"Miss, your bead things might make scratches on my car," inis na sabi nito. Hindi kita ni Bell ang mga mata niya pero mukhang nakadirekta ang atensyon ng lalaki sa suot niyang mga bracelet at mga palamuti sa palda niya.

"Mind you, this is a new, limited edition BMW," dagdag pa niya.

Napasinghal si Bell. Ang kapal ng mukha! Spokening dollars pa. Gwapo siguro ito kung hindi matapobre. Anong akala niya, hindi siya naiintindihan Bell?

"Ser, mukha naman pong hindi ko nagasgasan 'yang brand new, limited edition na sasakyan ninyo. Ang layo-layo ko pa nga e. Asan 'yong gasgas? Microscopic?" bira ng palabang dalaga.

"I'm just saying, be careful when you're around expensive stuff," depensa naman ng lalaki. "Who wears so many random trinkets anyway? Mangkukulam ka ba?"

Sasagutin pa sana ito ni Bell nang dumating na si Yna. Nanlaki ang mata ng kaibigang kararating nang makita ang kasagutan ni Bell.

"Sorry, sir," agad na humingi ng dispensa si Yna para kay Bell at tsaka hinatak ang kaibigan. "Tara na."

"Hindi pa kami tapos—"

Nagprotesta si Bell at sinubukang magpumiglas, pero tuluyan siyang nahila ng kaibigan dahil mas malaki ang katawan nito kaysa sa kanya. "Tara na!"

"Ano ba, Yna, bitawan mo nga ako!" reklamo ni Bell habang hinihila siya palayo. Binitawan lang ni Yna si Bell nang makalabas sila ng Intramuros.

Masama pa rin ang tingin niya kaya kinaltukan ni Yna sa ulo ang mas maliit na babae. "Buang ka ba? Apo ng may-ari ng kumpanya namin 'yon!"

Nakaramdam ng hiya si Bell mula sa sinabi ng kaibigan.

"Gano'n ba?  E-edi sorry. Bastos naman kasi, beb, eh. Sayang. Gwapo pa naman," depensa na lamang nito.

Napailing na lang si Yna sa sinabi ng kaibigan. Tahimik lang si Bell habang naghahanap silang dalawa ng makakainan, iniisip kung ang binatang nakaaway ba ang parehong lalaking nasa hula niya kay Yna.

***

Kumatok si Justin sa pinto ng opisina ng presidente at CEO ng Intramuros Times. Pinagbuksan naman siya ng isang matandang lalaking maliit sa kanya, maputi, may kasingkitan ang mata, at mala-pilak ang buhok.

Agad na hinablot ng matanda ang shades ni Justin, na siyang naglantad ng singkit ring mga mata ng binata.

"Angkong!" protesta ni Justin na sinubukang kunin pabalik ang shades niya, ngunit ibinato na ito ng lolo sa sofa.

Mabuti na lang at hindi ito sa sahig nahulog. Ipinagdasal na lamang ni Justin na hindi ito nagasgasan dahil mahal ang bili niya rito.

Pinalo siya ng kanyang angkong sa bandang likuran na para bang isa pa rin siyang bata. "Ikaw na bata ka, paano ka magmamana ng kumpanya kung lagi kang late?"

"At tsaka ano 'yang suot mo? Justin naman. Maging modesto ka. Huwag 'yong pinangangalandakan mo ang pera ng pamilya natin," dagdag pa nito, pero wala na ring nagawa ang matanda. Masyadong pinalaking spoiled ng mga magulang ang apo niya.

Pinilit niya ang apong maglakad kasama niya papunta sa Museo de Intramuros, kung saan sila makikipagkita sa isang pinakamalaking shareholder ng kanilang korporasyon. Nauna na sa loob ng museo ang angkong ni Justin habang ang binata naman ay mabagal pang nagtingin-tingin sa mga display sa bungad.

"Ginoong Zaldarriaga," magalang na bati ng nakatatanda kay Tiago na noon ay nakatalikod at nakatingin sa lumang pamaypay na nakadisplay.

Lumingon naman si Tiago at ngumiti nang nakita ang matagal nang kaibigan. "Kinagagalak kitang makitang muli, Danilo. Kumusta?"

"Mabuti naman, ginoo," sagot ng matanda sabay ngiti. Dumiretso na ito kaagad sa sadya, "Ginoo, naaalala mo ba noong ikinwento ko na mayroon akong apo na pinalaki sa Amerika?"

Tumango si Tiago. Sinabi nga ni Danilo ang tungkol rito mula pa noong ipinanganak ang nasabing bata, dalawampu't dalawang taon na ang nakalilipas. Madalas din nila itong pag-usapan tuwing sila ay nagkikita para mag-tsaa.

"Kasama ko siya ngayon, ginoo. Nais ko sana siyang pormal na ipakilala." Tumingin ang nakatatandang Tiangco sa kanyang tabi at likuran, pero wala roon ang apo. "Justin?"

Mabilis namang lumapit ang isang binata sa kanila. Nanlaki ang mga mata at napaawang ang mga labi ni Tiago nang masilayan ito. Kamukhang-kamukha ng binata ang matalik na kaibigan niya noong 1700s.

Napangiti siya nang makitang magara ang baro ng kaibigan ngayon, hindi tulad ng luma at butas-butas na mga damit nito daang-taon na ang nakalilipas. Sa wakas ay
nakaaangat na ito sa buhay.

Kasabay ng pagpatak ng luha ni Tiago at paglaki ng kanyang ngiti, sinambit niya ang pangalan ng kaibigang pinakahihintay.

"Julian."

Mga bata pa lamang sina Tiago at Julian nang una silang magkakilala. Pareho silang nasa laylayan ng lipunan noon. Si Tiago ay anak ng isang aliping Indio na pinatalsik ng kanyang amo samantalang anak naman ng mga Tsinong mangangalakal si Julian. Madalas noong maglaro ang dalawa sa pier.

Nagbago lamang ang buhay ni Tiago nang magkasakit nang malubha ang kanyang ina. Bago ito namatay ay nagawa nitong iwan siya sa kanyang amang Kastila. Alam ng ina na hindi rito tatratuhin nang maayos si Tiago, ngunit wala itong ibang solusyon. Walang ibang kayang kumupkop sa anak kung hindi ang ama nito.

Naiba man ang estado ni Tiago at naituring na mestizo o kalahating Espanyol at kalahating Indio, hindi naman bumuti ang buhay niya. Halos hindi siya tao kung tratuhin ng mga Zaldarriaga.

Tuwing malungkot noon ang binatilyong si Tiago ay tumatakas siya papunta sa pier para kitain ang kaibigang si Julian. Lagi naman siyang pinatatahan at kinakampihan nito. Tumibay dito ang kanilang pagkakaibigan, ngunit hindi nasuklian nang tama ni Tiago ang kabutiha ni Julian.

Ngumiti si Justin sa lalaking nasa harapan bagaman hindi sigurado kung bakit ito ipinakilala sa kanya ng kanyang lolo. Ibinalik ni Tiago ang ngiti at tsaka inalok ang kanyang kamay na siyang tinanggap naman ng nakababatang lalaki.

"Ikinagagalak kitang makilala sa buhay na ito," sambit ni Tiago habang nakikipagkamay.

Napakunot-noo si Justin, hindi maintindihan ang kahulugan ng katagang sinabi ni Tiago.

Hanggang sa Huli | SB19 Josh; Justin ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon