Sa siyensa, mayroong tinatawag na atoms. Base sa mga eksperto, ang atoms ay hindi nawawala at nag-iiba lamang ng anyo. Kasunod nito, may mga romantikong nagsasabing may posibilidad din na ang atoms na bumubuo sa isang tao ay maaring ang pareho ring atoms na bubuo sa kanyang panibagong pagkatao sa susunod niyang buhay.
Parehas dito ang batas ng uniberso, ng mga Bathala. Ang kaibahan lang ay ang koneksyon ng dalawang taong may pagmamahal sa isa't isa sa isang bagay na mahalaga sa kanila sa nakaraan nilang buhay, bagay na hindi maipapaliwanag ng pisikal na siyensya.
Isang patunay dito ang pamaypay nina Tiago at Catalina at ang singsing nina Julian at Isabel. Dahil hindi nasira ang mga ito ay nagawa silang pagtagpuing muli ng tadhana. Hangga't nasa Museo de Intramuros pa rin ang pamaypay nina Tiago at Catalina, hindi malabong magkikita pa sila sa marami pang habang buhay.
Ngunit ano ang ibig sabihin nito para kina Julian at Isabel?
Taong 2045 nang pumusay si Bell. Tahimik ang kanyang naging buhay sa mundo. Dahil pinili nitong hindi magkaroon ng sariling pamilya, hindi rin naging matao ang burol nito.
May isang matandang babaeng bumisita noong kanyang huling gabi. Nagpakilala ito bilang kaibigan ni Bell mula sa Quiapo. Sumaglit lang ito upang dumungaw sa mga labi ni Bell at agad ding umalis, ngunit sa pag-alis nito'y nawala rin sa kaliwang palasingsingan ni Bell ang jade na alahas na nagmula pa noong 1762.
Hindi nagtagal, may isang mayamang matandang babae na nagbigay ng donasyon sa Museo de Intramuros. Iniwan nito ang singsing na siyang inilagay ng mga tauhan roon sa isang salaming lalagyan upang makita ng susunod pang mga henerasyon. Hindi nagbigay ng pangalan ang matandang babae. Ang tanging naaalaala ng mga tauhan ng museo ay ang kakaibang ningning sa mga mata nito.
***
Taong 2082...
Maalinsangan ang araw ng fair sa Unibersidad ng Santo Tomas isang araw sa buwan ng Mayo. May grupo ng limang babaeng nasa ilalim ng isang tent sa harap ng UST museum, nakasuot ng kanilang uniporme. Pawa silang mukhang bagot na bagot na.
"Sino ba kasi ang may idea nitong marriage booth na 'to. Sabi na kasing baduy eh. Ang luma," giit ng isa sa kanila na tila ba sinisisi ang mga kasama.
Maliit ang dalaga at kayumanggi ang balat. Maliit at maamo rin ang mukha niya. Nakatirintas ang mahaba niyang buhok. Hindi nito alam na walang pinagkaiba ang hitsura niya ngayon sa nakalipas na dalawa niyang buhay.
Apat na irap ang nakuha niya mula sa sinabi.
"Alam mo, ikaw, reklamo ka nang reklamo. Noong meeting natin, wala ka namang kibo," sumbat sa kanya ng isa. "Ikaw nalang kaya pagdiskitahan namin?"
"Ha? Ano?!?"
Hindi na niya napigilan ang mga kasama. Mag-isa lang siya at apat sila. Mabibilis pala ang mga itong kumilos. Maya-maya pa'y nasuotan na siya ng belong nabili nila sa Divisoria at nabigyan ng isang bungkos ng mga bulaklak na siya mismo ang bumili sa Dangwa.
Nakahatak na rin ng lalaki mula sa booth ng mga estudyante ng Fine Arts ang mga kaibigan. Nagulantang na lang siya nang nasa harap na niya ito.
"Okay, start na tayo," sabi ng isa sa mga kasama na may hawak nang papel na kinalalagyan ng script, handa nang maging officiant.
Tinitigan lang ng dalaga ang binatang nasa harapan habang nagsasalita ang officiant. Matangkad nang malayo sa kanya ang lalaki. Maputi ito, bowl cut ang gupit ng buhok pero bagay dito, matangos ang ilong, at singkit ang mga mata. Hindi mapagkakailang may hitsura ito.
Hindi napansin ng dalaga na nakalayo na pala sila sa script. "Do you— pangalan mo, kuya?"
"J-Jun," sagot naman ng lalaki bagaman hindi sigurado sa ginagawa.
"Do you, Jun," ulit ng officiant, "take Sab as your lawfully wedded wife?"
Walang maisagot si Jun ngunit dahil iniirapan na siya ng officiant ay nagsalita na lang ito.
"Y-yes? I do?" ani Jun.
Ibinaling naman ng officiant ang tingin kay Sab na nakatitig pa rin sa halos perpektong pagkahulma ng mukha ni Jun. "Ikaw naman. Do you, Sab, take Jun as your lawfully wedded husband?"
"Y-yes, I do," tugon naman ni Sab.
Napangiti ang officiant at nagningning ang mata. Sa panibago nilang buhay, namagitang muli ang Bathala.
Tinupi na ng officiant ang script. "Okay. You may now kiss the bride."
"Walang ganyan sa script!" Apila ni Sab, na inalis na rin sa wakas ang tingin niya kay Jun.
***
Kumuha ng maraming litrato ang dalagang si Catherine ng Buntod Sandbar sa Masbate kung saan siya nakabakasyon kasama ng pamilya. Mag-isa siya sa gitna ng sandbar noon dahil nagpapahinga na ang mga magulang sa may isla. Hapon noon at malapit na ang takip-silim.
Katataman ang tangkad ng dalaga, may kaputian ang balat, at may maigsing buhok. Malaki ang mga mata niya at matangos ang ilong. Dahil sa init ng panahon, nakasuot siya noon ng kulay puting t-shirt, maong na shorts, at malapad na sumbrero.
Sa tuloy-tuloy na pagkuha niya ng litrato ay mayroon siyang nahagip na isang matangkad na binatang tila kasing-edad niya, katamtaman ang katawan, at medyo maputi rin. Nakasuot din ito ng puting t-shirt at kulay khaki na shorts.
Palingon-lingon ito sa paligid, tila nawawala. Maya-maya pa ay aksidenteng nagtagpo ang mga mata nila ni Catherine. Tumagal lamang ang pagtitinginan ng ilang segundo.
Hindi alam ng dalawa na nakangiti ang Bathala sa kanila mula sa kalangitan noong mga oras na iyon. Masaya Siyang nagkita silang muli sa kabila ng mga hirap na pinagdaanan nila sa nakaraan nilang mga buhay. Siniguro Niyang parehong mukha ang ibigay sa mga ito para sa posibilidad maalala ng kanilang mga puso ang isa't isa.
Ngunit hindi nagkamukhaan sina Catherine at ang lalaki. Pupuntahan na sana ito ni Catherine para tulungan at pati na rin para makipagkilala nang tawagin ang binata.
"Joaquin!" tawag sa lalaki ng isang babaeng kaedaran din nila. Nobya yata nito.
Napakunot-noo si Catherine.
"Ay, sayang," bulong na lang dalaga sa sarili. "Gwapo pa naman."
Tumalikod si Catherine at bumalik na sa mga magulang. Ang binatang si Joaquin naman ay sumama na sa kanyang nobya.
Hindi pa itinadhana ang dalawa sa araw na iyon, ngunit babawi't babawi ang mundo sa dalawang kaluluwang inaasam ang isa't isa. Darating ang araw, sa buhay na ito o sa walang katapusang mga habang-buhay na maaari silang magkaroon, mahahanap nilang muli ang daan pabalik sa isa't isa. Ang mahalaga, sa panibago nilang mga buhay ngayon ay hindi na sila binabalot ng dating malagim nilang tadhana.
—wakas—
BINABASA MO ANG
Hanggang sa Huli | SB19 Josh; Justin ✓
FanfictionDahil sa kasalanan ni Tiago noong 1762, pinatawan siya ng Bathala ng imortal na buhay. Pagtatagpuing muli ang landas nila ng babaeng inibig niya na si Catalina sa taong 2020, upang mabayaran niya ang pinakamahalagang bagay na kinuha niya rito. ⇢Comp...