Tahimik na uminom ng tsaa si Justin sa private room ng restaurant sa loob ng kanilang hotel. Kasama niya noon ang mga magulang, dalawang nakatatandang kapatid, at mga asawa ng mga ito. Nagkita ang pamilya ng tea time dahil madalas silang walang oras para magsama-sama.
Natawa si Justin sa naisip ngunit itinago ito gamit ang kanyang tasa ng tsaa. Iyon kasi ang inirason ng mommy niya sa kanya, pero kabisado na niya ang kanyang pamilya. Hindi naman talaga ito salu-salo kung hindi meeting. Siguradong may kailangan ang mga magulang sa isa sa kanila.
Nakasuot ng mga pormal na suit ang kanyang ama at mga kapatid samantalang ang mga kababaihan naman ay naka-business attire. Ang pinakabatang si Justin ay nakasuot ng kulay rosas na t-shirt, coat, at pantalon. Halatang hindi pa ito nagseseryoso kumpara sa ibang miyembro ng kanyang pamilya.
Nang naubos niya ang laman ng kanyang tasa ay tinawag niya ang waiter para sa refill. Hindi naman siya mahilig sa tsaa pero kailangan lang niya ng pagkakaabalahan upang maiwasang tumingin sa mga kasama nang mata sa mata.
Pero masyadong mabagal ang waiter. Nakapagsalita na ang kanyang ama bago pa man ito matapos na magsalin ng tsaa sa tasa ni Justin.
"Justin, anak, may nobya ka na ba?" tanong ni Dennis Tiangco.
Hindi alam ni Justin kung saan nanggaling ang tanong ng ama. Bente dos anyos pa lamang siya at wala pa sa isip niya ito. Gayunpaman, sumagot na lamang siya, "Wala pa po, dad."
Akala niya ay papalipasin lang ng ama ang sagot niya, pero ito pala talaga ang sadya nito sa meeting na ito.
Umayos ng upo ang ama at itinuloy ang pagsasalita. "Justin, alam mo namang ikaw ang pinapaboran ng angkong mo na magmana ng buong kumpanya."
"You're his favorite. If you marry a girl from a reputable family, baka iregalo na niya ang lahat sa'yo bago pa siya mamatay."
Hindi na lang kumibo si Justin. Ano namang sasabihin niya? Na maghahanap na siya ng mapapangasawa dahil lang sa sinabi nila? Ayaw niya noon. Isa pa, may respeto siya sa kanyang angkong. Ito ang kaisa-isang taong laging nangumusta sa kanya noong iniwan siya ng pamilya sa States.
"Justin, ha, make a move or else mauunahan ka ng mga pinsan mo," dagdag pa ng ama.
Nailigtas si Justin sa sermon nang may tumawag sa ama at kinailangan na nitong umalis. Tinapik naman siya sa balikat ng isa sa kanyang mga kuya at tsaka na sila humayo.
Ibinato ng binata sa lamesa ang table napkin na ginamit at tsaka umalis. Nagpang-abot sila ng ama noon sa parking lot ngunit hindi na niya ito pinansin dahilan sa may kausap itong lalaki. Lingid sa kaalaman ni Justin, pinasusundan na pala siya ng ama sa isang private investigator upang siyasatin kung mayroon siyang idine-date na hindi nila ka-uri.
***
Nakangiti si Bell habang kumakaway nang makarating si Justin sa New Quan Yin Chay Vegetarian Restaurant sa Binondo. Sa reaksyon niya, tila ba hindi late nang halos isang oras ang lalaki dahil sa hirap mag-park sa lugar.
"Uy, salamat ha. Sinipot mo 'ko," sabi ni Bell nang makarating na sa harapan niya ang binata.
Nakasuot siya ng matingkad na dilaw at bulaklaking bestida at itim na sandals. Nakatirintas pa rin ang kanyang mahabang buhok at naglagay rin siya ng kaunting lipstick. Hinabing kahoy na sling bag naman ang kanyang dala ngayon.
Gumaan ang pakiramdam ni Justin dahil sa laki ng ngiti ng dalaga. Tila ba hindi siya nainis ng husto sa kanyang pamilya kanina.
"Bakit naman hindi?" tanong ni Justin sa dilag sa kanyang harapan.
Nagkibit-balikat si Bell. "Late ka eh. Akala ko iindyanin mo na ko kasi mumurahin lang 'tong ililibre ko sa'yo."
Sinamaan naman siya ng tingin ng binata. "May ginawa lang."
BINABASA MO ANG
Hanggang sa Huli | SB19 Josh; Justin ✓
FanfictionDahil sa kasalanan ni Tiago noong 1762, pinatawan siya ng Bathala ng imortal na buhay. Pagtatagpuing muli ang landas nila ng babaeng inibig niya na si Catalina sa taong 2020, upang mabayaran niya ang pinakamahalagang bagay na kinuha niya rito. ⇢Comp...