[Trigger Warning: Suicide]
—
Patakbong pumunta si Isabel sa Estero de Binondo para sabihan si Catalina na hinahanap na ito ng mga magulang. Ipinaalam kasi ni Catalina sa ama na doon lamang siya kila Isabel pupunta kaya't doon siya hinanap ng mga alipin ng ama kahit na sa katotohanan ay nakipagkita ito kay Tiago.
Mabuti na lang at nasabihan nito si Isabel kung saan siya matatagpuan. Gayunpaman, gustong sigawan ni Isabel ang kaibigan. Heto siya ngayon, suot ang kanyang bagong sapatos mula Espanya na masakit pa sa paa, tumatakbo para sunduin si Catalina.
Nasa daungan na siya ng mga bangka nang may humarang sa kanyang isang matangkad na binatang Tsino.
"Sino ka?" tanong nito sa kanya nang naka-unat ang mga matitibay na bisig.
Bahagyang napatigil si Isabel. Sino itong magandang lalaking nasa harapan niya at bakit kay ganda ng kanyang mga mata? Luma ang suot nitong mga damit, ngunit tila hindi ito nakabawas sa kanyang kagandahan.
Mabuti at bumalik din naman kaagad sa ulirat ang dilag. Nagsisimula na kasi siyang tignan noon ng lalaki na para bang tinubuan siya ng pangalawang ulo.
"Tumabi ka. Kaibigan ako ni Catalina." Pilit namang lumusot sa ilalim ng mga braso nito si Isabel.
Nang matakasan niya ang binata ay nagulat si Isabel nang makitang kausap nina Catalina at Tiago si Fidel, isang sundalong kaedaran nila. Napag-alaman na ba nito ang tungkol sa dalawa? Nakaramdam ng takot si Isabel para sa kaibigan.
Ilang saglit pa ay nagpaalam din si Fidel sa dalawa. Ngumiti ito bahagya nang nadaanan si Isabel.
"Catalina," natatarantang sigaw ni Isabel habang tumatakbo papunta sa kaibigan.
"May nangyari ba, Isabel?" tanong naman sa kanya ng kaibigan, marahil ay nag-alala na dahil hindi madalas makitang hapo at pawisan ang sopistikadang si Isabel.
"Hinahanap ka na sa inyo," sabi ni Isabel sa gitna nang pagkokontrol ng kanyang paghinga. "Hinahanap ka na ng iyong ama."
Agad na tumingin si Catalina kay Tiago na tumango naman. Kinuha ni Catalina ang kamay ni Isabel at nagsimula nang tumakbo, hindi man lang hinayaang makahinga muna ang kaibigan.
"Teka, teka. Huminto muna tayo," pakiusap ni Isabel kay Catalina sabay hila ng kamay nito para tumigil. Pakiramdam niya kasi ay nagliliyab na ang kanyang dibdib sa sobrang pagod.
Inirapan ni Isabel ang kaibigan nang nahabol na niya ang kanyang hininga.
"Napakahirap namang maging kaibigan mo," reklamo niya. "Ang sabi mo'y itatago ko lang ang relasyon niyo ngunit hindi natin pinag-usapang gagawa ako ng pisikal na trabaho."
Humingi ng dispensa si Catalina ngunit hindi ito naging sapat upang mapawi ang inis ni Isabel.
Buong akala ni Catalina ay matagal itong magtatampo hanggang sa magsalita na itong muli. "At bakit naman hindi mo sa akin sinabi na may kaibigan pala ang iyong Tiago?"
"Gusto mo si Julian?" gulat na tanong ni Catalina sa kanya.
***
Simula noon ay nagpalitan ng mga sulat ang dalawa. Noong una ay mahirap pang kuhanan ng sagot si Julian. Malamang ay nagtataka ito kung bakit siya nagustuhan ng isang Kastilang dilag na tila prinsesa gayong mahirap lamang siya.
Kalaunan, nahulog na rin ang loob ng binata sa dalaga. Aktibo na itong sumulat pabalik. Nagsilbi nilang mensahero si Catalina noon, bilang pagsukli nito ng utang na loob sa mga kaibigang tumulong rin sa kanila ni Tiago.
BINABASA MO ANG
Hanggang sa Huli | SB19 Josh; Justin ✓
FanfictionDahil sa kasalanan ni Tiago noong 1762, pinatawan siya ng Bathala ng imortal na buhay. Pagtatagpuing muli ang landas nila ng babaeng inibig niya na si Catalina sa taong 2020, upang mabayaran niya ang pinakamahalagang bagay na kinuha niya rito. ⇢Comp...