Siete

154 1 0
                                    

Nagising ako dahil sa malakas na tunog ng mga sasakyan sa labas. Dinilat ko ang aking mata at nagpakawala muna ng malalim na hininga bago bumangon.

Tiningnan ko sina Mama at Papa na tahimik lang habang kumakain ng pandesal.

Hindi ko namalayang lunes na naman pala. May pasok kami ni Huean ngayon.

"Nasaan si Huean, Ma?"

Uminom muna siya ng tubig bago ako sinagot. "Nandoon sa labas. Nagpapahangin."

Kinusot ko ang aking mata at agad na lumabas ng bahay. Nakita ko si Huean sa may tabing-ilong at nagmumuni-muni. Mabilis akong naglakad upang tabihan siya ngunit eksakto ng pagtabi ko sa kanya ay ang pagpunas niya sa kanyang luha.

"Anong nangyayari sa'yo?"

Kumunot ang aking noo at mas tiningnan siya ng maigi ngunit nag-iwas lang siya ng tingin sa akin.

"Huean?"

Hindi pa rin siya sumasagot at nanatiling nakatingin lang sa ibang direksyon.

"Pumunta ka na roon, Ate. May pasok ka pa," saad niya na hindi pa rin ako tinitingnan.

Nagsalubong ang kilay ko sa tono ng kanyang boses. Bakit parang sinasabi niya na hindi na siya mag-aaral?

"Tayo, Huean. Hindi lang ako."

Umiling siya at hinarap ako. Laking gulat ko nang makita ang napakapula niyang mga mata. Na para bang kanina pa siya umiiyak. Na parang gumising lang siya ng maaga upang dumito at umiyak.

"Magtatrabaho na lang ako, Ate. Buo na ang desisyon ko."

"Huean..."

Kahit na sinasabi niyang buo na ang kanyang desisyon ay hindi pa rin ako naniniwala dahil sa malulungkot niyang mga mata. Alam ko, ang nagtulak sa kanya upang makapagdesisyon ng ganito ay ang sitwasyon at kahirapan namin ngayon.

Idagdag mo pa ang pagsusulsol sa amin nina Mama at Papa na magtrabaho na lamang imbes na ipagpatuloy ang aming pag-aaral. Dahil sa palagay nila ay mas makakatulong kami sa kanila kapag magtatrabaho na kami.

Responsibilidad naming tumulong sa kanila ngunit karapatan din naming makapag-aral at tuparin ang mga pangarap namin sa buhay. Kinukulong nila kami sa pagtatrabaho. Ipinapahiwatig nila sa amin na mas importanteng magtrabaho kaysa mag-aral.

Hindi ko alam ngunit may galit na dumapo sa aking dibdib nang maisip iyon.

"Huean..." Sinubukan kong haplusin ang kanyang likod ngunit agad siyang umiwas sa akin.

"Ate, ano ba?"

"Hindi ka ba nakakaintindi? Sinabi mong ayoko ng mag-aral!" singhal niya sa akin at tila nabato ako sa aking kinauupuan dahil sa sigaw niyang iyon.

Kahit noong mga bata pa kami ay hindi niya ako nasigawan ng ganito. Marahil ito ang unang beses na sinigawan niya ako ng ganito kalakas na may halong galit din sa kanyang boses.

"Huean!"

"Ano bang pumasok sa kokote mo? Ipagpapalit mo ang pag-aaral kaysa sa trabaho?"

Napatayo ako dahil sa galit na nararamdaman ko dahil sa katigasan ng kanyang utak.

"Hindi tayo mayaman, Ate! Mahirap tayo! Sobrang hirap!" Napatayo siya at lumebel sa akin.

"Eh ano naman ngayon? Maraming mahihirap ang nakapagtapos ng pag-aaral, Huean!"

Nakailang hakbang ako bago ako tuluyang nakalapit sa kanya. Hinawakan ko ang kanyang balikat at agad itong niyugyog ng malakas. "Gumising ka, Huean!"

MAGDALENA [Broken Dreams Series #2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon