Nueve

148 3 0
                                    

Ilang araw na simula nang makabalik ako rito sa amin. Maraming nagbago. Maraming luha ang dumanak simula noong nagbalik ako rito. Ayokong tanggapin ngunit wala na, tapos na.

Siguro, mas maiging magpokus na lamang ako sa kung anong mayroon kami ngayon at hindi iyong mga nawala.

Dumapo ang tingin ko sa nakatitig na si Mama sa mga sasakyang nasa labas.
Nilunok ko ang tila nagbara sa aking lalamunan nang maisip kong kami na lamang dalawa ang nandito. Hindi ko lubos maisip na nagawa ni Papa at ni Huean ang iwan dito si Mama ng mag-isa. Hindi ko alam kung anong pumasok sa kanilang mga utak.

Inaamin kong marami akong pagkakamali. Nagkamali ako sa paglalayas ngunit gusto ko lang patunayan sa kanila na may silbi ako. Na may magagawa ako. Pero ito ako, bumalik. Sila? Hindi.

Hindi sila bumalik para sa amin. Sila naman pala ang makasarili at hindi ako.

Unti-unting gumapang ang galit sa aking puso nang tinitingnan ko pa rin si Mama na unti-unti ng humikbi.

"Ma..."

Pumiyok ang boses ko dahilan upang mapalingon siya sa akin.

Namumula ang kanyang mga mata pati na ang kanyang mga pisngi nang nilingon niya ako. Gusto kong umiyak at ibuhos lahat ng hinanakit ko kay Papa at kay Huean ngunit sa tingin ko ay ubos na ang aking mga luha.

Ilang gabi na akong umiiyak simula noong nagbalik ako rito at sinabi sa akin ni Mama ang paglalayas na ginawa nila sa kanya.

Kailangan kong maging malakas at matapang. Buntis si Mama at sa mga susunod na buwan ay manganganak na siya. Wala siyang ibang maasahan kundi ako.

Naluluha kong inilibot ang aking tingin sa loob ng aming bahay. Pinagtagpi-tagping yero na may mga butas. Walang kagamit-gamit at tuwing umuulan ay mababasa kami.

Sa munting bahay na ito, nanatili akong malakas. Ito rin ang dahilan kung bakit patuloy akong kumakayod upang abutin ang aking mga pangarap.

Dahil sa isang iglap, nabura lahat ng iyon. Iyon pa ba ang iisipin ko ngayong wala ng ibang maaasahan si Mama rito?

Hindi naman kami mayaman upang makapagpatuloy ako sa pag-aaral. Hindi kami sakto lang. Sobrang hirap. Napakahirap ng sitwasyon namin ngayon.

"Fritzie anak, patawarin mo 'ko..." humihikbing saad ni Mama habang nanginginig ang mga kamay na hinahawakan ang aking pisngi.

A soft sob came out of my mouth while staring intently at her.

"Pasensiya na kung...hindi mo na maipagpapatuloy ang pag-aaral mo," saas niya habang nakatingin ng direkta sa akin.

Ipinikit ko ang aking mga mata at dinamdam ang mga luhang dumadaloy sa aking pisngi mula sa aking mga mata.

Sa totoo lang, hindi ko alam kung saan kami kukuha ng pambili ng pagkain sa mga susunod na araw.  Pero bakit nasasaktan pa rin ako tuwing sinasabi sa akin ni Mama na hindi na ako makakapag-aral?

Siguro, napakalaki lang ng pangarap ko para sa sarili ko upang masaktan ng paulit-ulit sa parehong sitwasyon. Alam ko naman, e. Gusto kong mag-aral ngunit mas prayoridad ang paghahanap-buhay sa ngayon.

Ayokong mawalan ng pag-asa ngunit ayoko ring umabot sa punto na kung kailan ako nakaluwag-luwag na ay tsaka na ako nawalan ng gana.

"Ma," saad ko bago ako nagpakawala ng buntong-hininga.

Idinilat ko ang aking mga mata at nilunok ang malaking nagbara sa aking lalamunan.

"A-Ayos lang naman iyon..."

Nabasag ang boses ko dahilan upang mas mapaiyak siya ngayon. Sobrang bigat ngayon ng aking dibdib at hindi ko alam kung bakit hindi ako makaiyak ng husto.

Kahit anong pilit ko sa sarili ko na maging maayos ay mas nangingibabaw pa rin ang emosyon ko.

"Mahirap tayo, Fritzie."

Parang sinaksak ng isang-daang kutsilyo ang aking puso nang banggitin niya iyon.

Palagi na lang ganito. Palaging mahirap, ang hirap, napakahirap! Wala na bang bago? Pagod na pagod na 'ko sa bugay na ito.

Walang katapusang paghihirap...

Buong maghapon akong nagpalaboy-laboy sa kalye upang mangalakal. Marami-rami naman akong nakalakal ngunit hindi pa sapat iyon upang ipangtustos sa pagkain namin bukas.

Dumiretso ako sa isang food park at doon na humanap ng pagkakataon upang magkaroon ng pera.

Sa hindi kalayuan ay nakita ko ang isang grupo ng kalalakihan na masayang nagkukuwentuhan habang kumakain.

Agad ko silang nilapitan at tila nagulat pa sa bigla kong pagsulpot.

"Uh, magandang gabi po. Manghihingi lang sana ako ng maliit ng barya sa inyo, Kuya."

Ngumiti ako sa kanila isa-isa at agad namang idinausdos ng matabang lalaki ang kanyang kamay sa kaliwang  bulsa at dinukot ang isang libong piso.

May maitim na balbas at nakabonnet siya. Puno rin ng tattoo ang kanyang mga bisig at sa tingin ko ay lumaki siya sa ibang bansa dahil sa mapula-pula niyang kutis. Sa tingin ko ay nasa trenta na siya at mukhang may mga anak na rin.

"Ayan, ineng. Umuwi ka na at baka kung mapaano ka pa."

Seryoso niyang inilahad sa aking ang pera habang ako naman ay nakaawang ang bibig at hindi makapaniwala sa perang ibinigay.

"K-Kuya, hindi po ba kayo nagbibiro?" saad ko habang titig na titig sa asul na perang nakalahad sa kanyang kamay.

"Oo, sige na. Tanggapin mo na ito."

Tiningnan ko siya at nakita kong pinasadahan niya ng tingin ang aking suot. Wala akong nakitang pandidiri sa kanyang mga mata dahil sa itsura ko ngayon.

Agad kong tinanggap ang pera at agad siyang nginitian. "Maraming salamat po. Malaking tulong na po ito sa amin."

Tipid lang siyang ngumiti sa akin kaya tumalikod na ako sa kanila. Tahimik lang ang kanyang mga kaibigan simula noong dumating ako.

"Bait mo naman pre! Type mo?" Narinig kong humalakhak ang isa niyang kaibigan.

"Hindi gago. Galing din kasi ako riyan. Alam ko 'yong pakiramdam, pre. Hindi madali 'yong ganyan."

Napangiti na lamang ako dahil nareyalisa kong kahit na pakiramdam ko ay sobrang nakakapagod na ng mundo ay may taong tutulong at tutulong pa rin sa akin.

Habang papauwi ako sa amin ay nakita ko ang isang sasakyan ng mga pulis na nakaparada sa may eskinita.

Dali-dali akong naglakad papalayo sa kanila ngunit bago pa man ako tumalikod ay nakita kong tinuro ako ng isa sa kanilang mga kasamahan.

Agad kong tinakpan ang aking mukha gamit ang aking mataas at makapal na buhok bago tumakbo.

Humihingal akong huminto sa isang poste habang hawak-hawak ang aking dibdib. Hindi ko alam kung bakit sobrang kaba ang aking nararamdaman ngayon.

"Miss?"

Agad kong nilingon ang malalim na boses at laking gulat ko na lang nang makita ang isa sa mga pulis na tumuro sa akin kanina.

Nagsalubong ang kanyang kilay nang makita ang reaksyon ko. Halos sumabog na ang aking dibdib dahil sa kaba at napalunok na lamang nang dumapo ang aking tingin sa posas niyang dala.

Pakiramdam ko ay parang namutla ako at ramdam na ramdam ko na ang malamig na posas na babalot sa aking kamay.

Namuo ang luha sa aking mga mata nang maisip na mabubulok ako sa kulungan at hindi ko na matutupad ang mga pangarap ko. Saan na lang pupulutin nito si Mama?

"Negative. Pareho kasi ng buhok, Sir."

Tumalikod siya sa akin saka umiling sa kanyang kasamahan bago ako iniwan doon habang sapo-sapo ko ang aking mukha.

MAGDALENA [Broken Dreams Series #2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon