Chapter 2
"Pare! Tagay na oh!" bungad sa akin ng mga tambay sa labas ng tindahan ni Manang Debbie.
"Pre, parang di ka ata umuwi kagabi?" tanong sa akin ni Kuya Boyet. Isa sa mga tambay.
"Ha? Eh nakitulog ako sa bahay ng kaibigan ko eh." sagot ko naman. "Manang, 2 Lucky Me po. Yung chicken tsaka itlog." sabi ko kay Manang Debbie.
"Lista ba uli to?" tanong niya.
"Opo. Paki muna. Next week pa sweldo eh." sabi ko.
"Osige. Oh ito buns. Isama mo na dyan. Libre ko na." nakangiting sambit niya.
"Ha? Nako wag na po. Nakakahiya."
"Hay nako kunin mo na. Pasalubong mo na kay Harry yan. Kagabi ka pa panigurado hinahanap nun." pagkasabi niya nun ay agad kong sinuksok sa bag ang plastic na may lamang noodles at tinapay. Pagkatapos ay nagmadali na kong naglakad palayo sa tindahan.
"Pare! Yung tagay mo dito!" sigaw ni Kuya Jun.
"Mamaya na kuya!" sagot ko naman pabalik saka na mabilis na tumakbo papasok sa bahay.
"Ate!" narinig kong bati ng kapatid ko. Agad siyang tumakbo palapit sa akin saka yumakap. "H-hindi k-ka umuwi k-kagabi ate! W-walang k-katabi matulog si H-Harry." aniya.
"Sorry. Gabing-gabi na kasi kami natapos dun sa pinuntahan ko kagabi eh. Di na ko pinauwi ng Ate Maqui mo. Pero di bale. May pasalubong si ate sayo!"
"Yeheeeeey!!! Buns yan? Tinapay?!" tanong niya habang pumapalakpak. Kinuha ko naman ang plastic saka inabot sa kanya. "Yeheeeey!!! L-luto mo na ate! G-gutom na si Harry eh. Hahahahaha!"
"Sige sige. Asan pala si Ninang?" tanong ko.
"D-dun sa l-loob. L-luto n-ng kanin!" sagot niya.
"Osige. Tara na sa loob para makakain ka na ha? Papasok pa ko sa trabaho eh." sabi ko. Hinawakan ko na siya sa kamay at sabay na kaming pumanhik sa bahay.
Ako nga pala si Julie Anne San Jose. Teacher ako ng pre-school sa St. Benedict's Academy. Pero plano kong mag-aral uli. SpEd naman kasi nung time na nagcollege ako, masyadong mahal ang tuition dun sa school na may major in SpEd kaya hindi ako nakapag-enroll. Pero iniipon ko na ngayon yung pang-aral ko. Gusto kong maging SpEd teacher para sa kapatid kong si Harry. 19 na siya pero may Down Syndrome siya. Wala na kasi kaming mga magulang. Namatay si mama nung 13 ako. Saktong birthday ko pa. Tapos yung papa naman namin, sumakabilang bahay na nung 11 pa ako. Kaya kami na lang talaga ni Harry ang magkasama. Mabuti na lang at mabait si Ninang Maricar. Kinupkop niya kami nang mamatay si Ninong Vic dahil sa sakit sa kidney. Teacher din siya dati. Pero retired na siya kasi medyo may katandaan na saka walang maiiwan kay Harry sa bahay. Tsaka bilang bayad na din sa lahat ng kabutihan ni Ninang, naisip ko na pagpahingain na siya sa pagttrabaho at ako na lang ang aako ng lahat. Pumayag rin naman siya kasi nagsisimula na rin namang manlabo ang mga mata niya. Tsaka nirarayuma na rin siya. Kawawa naman.
"Julie Anne! Jusko kang bata ka. Saan ka ba nanggaling kagabi ha? Sabi mo lang sa akin ay kakain kayo ng mga kasama mo sa trabaho sa labas. Bakit naman di ka na nakauwi anak? Ha?" alalang bungad ni ninang sa akin. Nagmano ako sa kanya saka pa yumakap bago ako sumagot.
"Sorry po ninang. Eh kasi nagkayayaan mag-inuman eh. Ano kasi eh... Naalala ko si mama..." pigil-iyak kong sagot. "Alam mo naman po diba?" agad niya akong niyakap saka pa humalik sa noo ko.
"Hay nako kang bata ka. Ilang beses ko ba sasabihin sayo na masaya na ang mama mo sa kung saan man siya nandun? Lumaki kayong mabuting mga bata ni Harry at alam kong proud ang mama mo sayo." sabi niya.