Chapter 26
Abala na kami ni Maqui sa pag-aasikaso. Ni hindi ko na nga alam kung ano na bang ginagawa ni Elmo dahil naiwan siya sa may mga dessert buffet sa taas. Andito na kasi kami ni Maqui sa main dining area para asikasuhin ang mga guests. Kakatapos lang ng kainan at nagsisimula na ang program. Nakatayo kami dito ni Maqui sa may hagdan habang pinapanuod ang paglalaro ng mga guests.
"Nakita mo si Elmo?" tanong ko kay Maqui. Umiling naman siya saka nilibot ang paningin sa buong garden.
"Baka andyan lang yun. Baka nasa bar counter sa taas." aniya. "Wala nga din si Gino eh..."
"Onga pala. Anong nangyari sa inyo kanina? Sinabay ka niya?" tanong ko. Marahan siyang tumango at nakita ko pa ang pamumula ng pisngi niya.
Hindi na ako nagsalita pa at hinayaan na lang siya. Kilala ko naman si Maqui. Taklesa yan kung sa taklesa pero pagdating sa ganitong bagay, hindi siya masyadong bukas sa pakikipag-usap dito. Pero alam kong sasabihin niya rin sa akin kung anong nararamdaman niya. Si Maqui pa?
"Tinawag nanaman niya kong Cheska..." aniya. Napalingon ako at nakita ko ang pamumula ng pisngi niya maging ang pamumuo ng luha sa mga mata niya. "Namiss ko yun..."
"Maq..." matamlay siyang ngumiti habang nakamasid sa may stage.
"Kanina sa kotse hindi ko alam kung anong dapat maramdaman. Gusto kong magtanong pero natatakot ako sa pwedeng sagot niya." kwento niya. Tumingin siya sa akin sabay hinawakan ang kamay ko. "Bes... May chance pa kaya uli?" tanong niya.
Tumingin ako ng matagal kay Maqui at napalingon sa likod niya. Andun siya. Nakatayo habang nakatitig sa kanya. Yung mga titig niyang nagsasabi na oo, may pag-asa pa. Oo, mahal pa niya.
"Ikaw, bes. Ano bang nararamdaman mo?" tanong ko.
"Naguguluhan ako. Mahirap magsalita dahil hindi pa naman kami nakakapag-usap ng masinsinan." sagot niya.
"I guess it's time that we talk about us..." narinig naming sabi ni Gino.
Nakalapit na siya nun sa amin pero di ko sinasabi kay Maqui. Kasal ni Kuya Earl ngayon pero gusto kong sumaya rin si Maqui sa araw na to. At si Gino lang ang makakapagbigay sa kanya ng kasiyahan na yun.
"Uhm..." hindi alam ni Maqui kung anong gagawin niya. Hindi siya makatingin ng diretso kay Gino. Hindi rin makapagsalita ng maayos.
"Cheska..." untag ni Gino saka niya hinawakan si Maqui sa siko. "We need this."
Wala ng nagawa si Maqui kundi ang tumango. Nginitian ako ni Gino kaya tinanguan ko na siya bilang pagpayag na pwede niyang mahiram si Maqui. Umalis na sila at naiwan naman akong nakatayo dito sa may dulo ng hagdan habang pinapanuod ang mga nagkakatuwaan na mga bisita. Nakakaaliw silang panuorin. Nakakawala ng pagod kahit paano dahil kita sa mga ngiti nila na maganda ang kinalabasan ng lahat ng pinaghirapan naming asikasuhin nila Maqui.
"And now let's give the floor to our newlyweds as they have their first dance as husband and wife." sabi ng host.
Tumayo na sina Kuya Earl at Ate Shane at iginiya sila ng host papunta sa gitna ng dancefloor. Nagdim ang mga ilaw at may tumutok sa kanilang spotlight. Nagsimula na rin ang music at nagsayaw na sila. Lahat ng bisita ay may mga camerang nakatutok sa dalawang nagsasayaw sa gitna. May mga nakangiti, may mga kinikilig, at may mga naluluha. Isa na ata ako dun sa naluluha.
"Sabi ko, I hate it when you cry." nagulat ako nang may magsalita sa gilid ko. Napalingon ako at nakitang si Elmo pala. "Stop crying."
"Paki mo ba? Eh tears of joy naman to." sabi ko.
"Kahit na. Ayokong nakakakita ng luha galing sa mata mo. Gusto ko masaya ka lang palagi." aniya.
"Ewan ko sayo." irap ko saka na lang nagpatuloy sa panunuod. Natawa lang siya saka napailing.