Magulo ang kama, nagkalat ang basag na salamin at mga litratong punit sa sahig. Bukod doon ay basa na ng mga luha ang aking pisngi at ang puso ko naman ay durog na durog na. Isang pagkakamali ngunit kailangan bang ganito ang kapalit? Siya ba o ako? Sino ba ang mas dehado? Sino ba ang tunay na biktima? Kasalukuyan kong sinisilid ang aking mga gamit sa bagahe. Wala na akong nagawa kundi iiyak ang aking sama ng loob at ang pagsira sa mga bagay-bagay na pinundar namin; ang isa sa mga bagay na ginawa ko para maibsan ang sakit na nararamdaman ko. Bakit sa dami-rami ng tao rito sa mundo ay ang bestfriend ko pa? Wala man lang akong kaalam-alam na may relasyon sila. Kani-kanina ko lang nalaman dahil nahuli ko silang nakikipaghalikan sa kusina ng cafe na minamanage ng bestfriend ko. Nagbukas ang pintuan ng kuwarto. Pumasok si Aaron ngunit hindi ko siya pinansin; pinagpatuloy ko lang aking pagpaayos ngunit mas binilisan ko na ang paggalaw.
“Saan ka pupunta?” ang tanong niya. Hindi ako umimik dahil na rin sa galit. Kaagad kong sinara ang maleta ko nang matapos. Tumayo ako at nagtungo sa pintuan hila-hila ang asul kong maleta. Kaagad niyang hinawakan ang braso ko. “Carlo, saan ka pupunta?”
“I’m leaving!” ang matigas kong tugon sa kanya. Tinignan ko siya ng masama sabay hawi ng kamay niya mula sa braso ko. “Wala nang rason para magsama tayo, Aaron”
“Carlo, wag mo naman akong iwan” ang paki-usap niya. “Pag-usapan natin to”
“Pag-usapan? Sige. 8 months niyo akong linoloko; ganun katagal! It’s clear that it’s more than just sex. Mahal mo na ba si Zed?”
“H-hindi ko alam” ang mahinang tugon niya. Napaikot lang ang mga mata ko.
“Hindi mo alam? Wag mo akong gaguhin” tuluyan akong lumabas ng kuwarto ngunit sinundan niya pa rin ako. Pilit niya pa rin akong hinahatak pabalik ng kuwarto ngunit hindi ako nagpatinag sa paghila at pagmamakaawa niya sa akin.
“Hindi ba dapat ikaw ang mas nakakaintindi sa nararamdaman ko! Di ba Carlo?” ang pagsigaw niya na nakapagpatigil sa akin. Humarap ako sa kanya.
“Bakit? Kasi ako ang unang nagloko? Dahil nasaktan kita noon? Halos lumuhod at gumapang ako sa paghingi ng tawad sa yo, Aaron.” hindi ko na napigilan pa ang sarili ko sa pagluha. Paulit-ulit na lang niyang binubuksan ang isang pagkakamali ko sa kanya. Oo, nahuli niya ako na may ibang kasama sa apartment namin. Pero lasing ako noon at nagpakababa ako ng lubusan para sa kapatawaran niya. Mahal na mahal ko siya eh. “Hanggang kailan ba ako hihingi ng tawad sa’yo? Hanggang kailan mo ipapamukha sa akin ang pagkakamaling nagawa ko sa’yo two years ago? Matatanggap ko pa sana pero si Zed yun eh! Si Zed na bestfriend ko ng sampung taon”
Natahimik siya at napaupo habang umalingawngaw sa apartment ang paghagulgol ko. “Tama na, please. Aaron, nakaganti ka na. Aaminin ko, ang sakit-sakit!”
Matapos nun ay tuluyan na akong lumabas ng apartment. Pinunasan ko ang mga natitirang luha sa mga mata at pisngi ko. Naglalakad na ako patungo sa nag-iisang waiting shed sa amin nang may tumawag sa akin. Kilalang-kilala ko ang boses na yun. Napahinto ako at napalingon. Si Zed nga. At ang lakas naman ng loob niya para magpakita pa sa akin. Nagtitigan lang kami. Hindi ko nagpatalo sa pagtatalo ng aming mga mata. “Carlo, I’m sorry”
“Para saan? Para sa pang-aagaw kay Aaron o sa pagsira sa pagkakaibigan natin?” ang retorikal kong tanong sa kanya. “Oo nga pala. Both.”
“Carlo, hindi ko sinasadya” ang depensa niya.
“Hindi mo sinasadya? Walang buwan kayong nagloloko. Yun ba ang hindi sinasadya?”
“Siya ang unang nagpakita sa akin ng intensyon”
“Wow, kinagat mo naman bigla. Kelan ka ba pinanganak ha? O baka naman na-amnesia ka at hindi mo naalala na may Carlo Torres na boyfriend ng kinakalantari mong si Aaron Adriano?” ang sarkastiko ko pa ring tugon sa kanya. “Sayong-sayo na siya. Hindi ko alam na daig mo pa ang namamalimos; gusto mo ng mga napagsasawaan. Sayo na siya. Dahil para sa akin ay isa siyang basura na bagay sa’yo dahil basura ka rin!”
“Carlo, please” ang paki-usap niya. “Ano bang pwede kong gawin para maisalba ang pinagsamahan natin?”