Lumuhod siya sa kanyang harapan, inilabas ang isang maliit at pulang kahon. Naroon ako, ngiting aso. Napaiwas na lang ako ng tingin sa kanilang dalawa. Maraming tao ang nanood, mga taong naghihintay at tila sabik na sabik sa susunod na mangyayari. Kinuha nga niya ang isang singsing mula sa kahon at nagtanong. "Will you marry me?" Hindi ko makakalimutan ang ningning ng kanyang mga mata. Siya lamang ang tiningnan ko sa kanilang dalawa. Hinanap niya pa ang mga mata ko at nang matagpuan ang mga iyon ay saka siya lumuha. "Yes," iyon ang sagot niya. Ngumiti na lang ako ulit...kahit na alam kong may parang tinik na nakatusok sa lalamunan ko. Pumalakpak ang lahat at tumayo. Nakaupo lang ako at pinanood ang sunod na eksena. Tumayo ang lalaking iyon sa entablado sabay halik sa kanyang mapupulang labi. Sa pagkakataong iyon ay alam ko na kung saan ako lulugar. Alam ko na kung saan ako nararapat. Isa lamang iyong palabas, napakagandang palabas na alam kong hinding-hindi ko makakalimutan. Tumayo ako at naglakad palabas ng malaking bulwagan na iyon na para bang may mabibigat na kadena sa aking mga paa. Saka ko tinanong ang aking sarili. Baka nga isa lang din akong artista sa malaking palabas na ito. Isang karakter na pinili na lang magmukmok nang tahimik at tiisin ang lahat. Masaya naman siya. At kahit na masakit ay ngingiti na lang ako para sa kanya.