IV

109 22 43
                                    

~Punto de Vista de la tercera persona~

Isang dalaga ang tulala at tila malalim ang iniisip, nakaupo ito sa isang bangko at nakatanaw sa bintana ng kanyang silid, pinagmamasdan ang madalim na kapaligiran ng kanilang señorìo tanda na gabi na ang oras.

Kita ang liwanag na taglay ng bilog na buwan at ang mga ningning ng mga bituwin, dama ang malamig na simoy ng hangin at ang halimuyak na dala nito mula sa hardin ng mga bulaklak sa paligid ng señorìo. Makikita ang mga maiitim na anino ng mga puno sa paligid at ang mga ilaw na taglay ng ilang lampara sa paligid upang magbigay liwanag sa palibot ng señorìo.

Nakatayo ang señorìo ng mga de Silva sa mataas na bahagi ng Sta. Cruz at dahil dito ay tanaw ng dalaga ang buong bayan ng Sta. Cruz.

Kita ng kanyang mga mata ang mga nagliliwanag na ilaw sa mga poste, ang mga taong naglalakad sa gitna ng kalsada, ang mga batang masayang naglalaro, ang mga bahay na may nagaganap na kasiyahan, ang mga palamuti ng nakasabit sa bawat tahanan at ang mga magagandang ngiti ng mga mamamayan.

Gaano man kaganda ang paligid ay hindi nito maiibsan ang kalooban ng dalaga, ang halo-halong emosyon na kanyang nadarama ng mga oras na iyon; pagkagulat, pagkalito, pagkadismaya at kalungkutan.

Pagkagulat, dahil sa balitang kanyang nalaman.

Pagkalito, dahil sa hindi niya malaman kung bakit kailangang mangyari ang ibinalita sa kanya.

Pagkadismaya at kalungkutan, dahil hindi na matutupad ang pangarap na matagal na niyang hinihiling.

Ang pangarap na mahanap niya mismo ang taong mamahalin niya ng lubos at ganoon din sa kanya. Ang pangarap na matulad sa kanyang mga magulang, ang magkaroon ng pagsasama na katulad nang sa kanila.

Isang buntong hininga ang pinakawalan ng dalaga at ipinikit ang kanyang mga mata at binalikan ang mga pangyayari na nagpagulo ng kanyang isipan.

“Elisa, gaya nga ng sinabi ko kanina ay nasa wastong gulang kana.”, saglit na tumigil sa kanyang pagsasalita ang Señor at tumingin sa kanyag kabiyak at saka muling tumingin sa kanyang nag-iisang anak na dalaga., “Natatandaan mo pa ba si Danilo Bartolome.”

“Opo, ama. Kababata ko po si Danilo.”, agad na sagot ng dalaga ngunit bigla itong natigilan at napaisip, “Ngunit bakit niyo po naitanong at ano po ang koneksyon niya sa aking gulang?”

Napagisipan namin na kayo ay maipag— “

Naputol ang pagbabalik tanaw ng dalaga nang kanyang madinig ang mahinang pagkatok sa pinto ng kanyang silid. Pagtingin niya sa pinto ay marahan itong binubuksan at nakita niya doon ang kanyang ina.

~Punto de Vista de Elisa~

Pagbukas ng pinto ay agad kong nakita si Ina na nakatayo sa likod nito, bakas ang lungkot at pag-aalala sa kanyang mukha.

“Elisa…”, marahang pagtawag sa akin ni Ina. “Halina’t handa na ang hapunan tayo na’t kumain, kanina ka pa namin hinihintay ng iyong ama.”

Aking iniwas ang tingin kay Ina at lumingon ako muli sa bintana, “Paumanhin, Ina, ngunit ako’y walang gana.”, tugon ko kay Ina.

Sa tugon kong iyon ay aking narinig ang mahinang buntong hinga ni Ina at ang marahang pagsara ng pinto. Aking akala ay umalis na si Ina ngunit aking narinig ang mga mahinang yabag papunta sa aking kinarorooan at siya ay tumabi ng upo sa bakanteng bangko sa aking tabi. Kinuha niya ang aking kamay na nakapatong sa aking kandungan at hinawi ang ilang mga hibla ng buhok na tumatabing sa aking mukha.

Isang buntong hinga muli ang aking nadinig at aking naramdaman ang paghigpit ng kanyang hawak sa aking kamay na siyang naging dahilan ng pagtingin ko sa kanya.

Nakita kong nakayuko si Ina ngunit ilang saglit lamang ay muli siyang tumingin sa akin at ngumiti ngunit hindi iyon umabot sa kanyang mga mata tanda na siya ay nalulungkot.

“Elisa…”, panimula ni Ina. “Hayaan mo akong bigyang linaw sayo kung bakit namin nagawa ang aming nagawa.”

Marahan akong tumango sa kanya tanda na handa akong makinig sa kanya.

“Elisa, aking mahal na anak.”, sandaling hinaplos ni Ina ang aking mukha at ngumiti sa akin. “Alam kong ikaw ay nasa wastong gulang na at maaari ka ng gumawa ng mga desisyon para sa iyong sarili, kaya sana ay kami’y iyong patawarin sa aming nagawa.”

“Ala— “

“Hayaan mo muna akong magsalita hmm.”, tumango ako sa kanya. “Alam namin na hindi mo gusto ang aming naging desisyon para sa iyo ngunit ito lamang ang tanging paraan upang mapanatag ang aming kalooban. Tumatanda na kami ng iyong ama at alam namin na kahit na anong oras ay maaari kaming mawala sa piling mo at…”, narinig ko ang mahinang pakhikbi ng aking Ina at hinawakan ko ng mahigpit ang kanyang mga kamay gamit ang aking mga sariling kamay.

“…dahil sa iyong kondisyon, simula pagkabata ay mahina na ang iyong puso na naging dahilan ng iyong paglagi sa ospital. Gusto lang naman namin ng iyong ama na nasa mabuti kang kalagayan at ito ang tanging paraan upang maisakatuparan ang hiling naming iyon.”, matapos sabihin iyon ni Ina ay tuluyan na siyang umiyak na naging dahilan din ng aking pag-iyak.

Patawarin mo kami, Anak, patawarin mo kaming mga magulang mo dahil sa aming mga makasariling kahilingan.”, paghingi ng paumanhin sa akin ni Ina habang hinahaplos ang aking mukha.

“O-opo.”, mahina kong tugon kasabay ng aking marahang pagtango. Pagkatapos ng aking tugon ay hinila ako ni Ina sa isang mahigpit na yakap habang kami’y umiiyak.

Ilang sandali kaming nasa ganoong posisyon at kumalas na kami sa aming yakap at napagpasyahan na naming lumabas ng aking silid upang pumunta sa kusina para kumain ng hapunan. Pagbukas ko ng pinto ay nakita kong naroroon si Ama nakatayo sa tapat ng aking silid, tumingin lamang siya sa akin at hinila niya ako sa mahigpit na yakap at ganoon din si Ina.

Muling bumuhos ang masagang mga luha mula sa aking mga mata dahil sa ginawa ni Ama.

Bandang huli ay hindi ko pa rin sila masisisi sa kanilang ginawa, ginawa lamang nila iyon dahil sa iyon ang bukod tanging paaraan na kanilang nalalaman upang mapanatag ang kanilang mga kalooban.

At hindi ko rin kayang magtanim ng sama ng loob sa kanilang dalawa...

Dahil kahit na anong mangyari ay sila parin ang aking pinakamamahal na mga magulang.

Mi Amor (1898) el amor no escrito no contadaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon