I

179 34 62
                                    

~Nobyembre 10, 1897~

~Punto de Vista de Elisa~

Nakapikit ako habang nilalasap ang malamig na simoy ng hangin at ang mabangong halimuyak ng mga bulaklak sa aking paligid.

"Señorita, nandito lang po pala kayo. Kanina ko pa po kayo hinahanap.", sa kalagitnaan ng aking pag-iisa ay may tumawag sa akin mula sa aking likuran.

Pagtingin ko ay isang pigura ng babae ang aking nakita na hawak ang kanyang dibdib na animo'y hinihingal.

Pagkakita ng babae na nakatingin ako sa kanya ay tumuwid ito ng kanyang tindig at lumapit sa aking kinauupuan. Pagkalapit sa aking pwesto ay bakas sa maamong mukha nito ang pag-aalala at pagtatampo at ang medyo may pagka-singkit nitong mga mata ay mas lalo pang naningkit.

"Señorita, ilang beses ko po bang sasabihin sa iyo na kapag po may pupuntahan kayo ay magsasabi ka sakin.", nakapameywang na sabi nito sa akin. Sa kanyang tindig ay maihahambing mo ito sa isang ina na sinesermonan ang kanyang batang anak.

Ngumiti ako dito ng alanganin, "Pasensya na, Amelia, nakalimutan ko.", sabi ko na may paglalambing na ikinatigil niya. Ilang sandali lamang ay pareho kaming natawa dahil sa inakto namin.

Pagkatapos naming tumawa ay napatingin nalang ako sa napakagandang tanawin sa aming paligid. Isa itong tagong hardin na aming nadiskubre ni Amelia habang kami'y naglilibot malapit sa aming señorío.

Ang lugar ay nakatago at napalilibutan ng mga matatayog na puno na siya ring nagsisilbing silong at salag laban sa init ng sikat ng araw, napapalibutan ng mga makukulay at mahahalimuyak na mga bulaklak ang paligid na siya ring dahilan kung bakit maraming mga paru-paro sa paligid. Sa gitnang bahagi ng lugar kung saan hindi masyadong naaabot ng mga sanga ng mga puno ay doon lamang malayang nakakatagos ang sinag ng araw na siyang nagsisilbing nagbibigay liwanag sa paligid.

Para itong tagong paraiso kung maituturing dahil sa gandang taglay ng lugar kaya na lamang lubos ang aking kagalakan simula nang madiskubre namin ang hardin na ito, hindi dahil lamang sa gandang taglay nito kundi dahil sa ang lugar din na ito ang aking nagiging takbuhan tuwing gusto kong makatakas sa mga mapanuri at mapang-husgang mata sa paligid.

Nagdala rin kami ni Amelia dito ng isang mesa at mga bangko para sa tuwing gugustuhin naming pumunta rito ay mayroon kaming mapagpapahingahan.

Ngunit may naalala ako bigla na siyang ikinaseryoso ng aking mukha at napansin naman ito agad ni Amelia.

"Amelia, hindi ba sinabi ko sayo na kapag tayo lamang dalawa ay tawagin mo ako sa aking pangalan at huwag mo na rin ako i-po dahil magkasing-edad lamang tayo.", sa sinabi kong ito ay nakita ko na biglang napalunok si Amelia at yumuko. Tumayo ako at humarap sa kanya.

"Pero Seño- ", hindi niya naituloy ang pagtawag sa akin dahil sa biglang pagkunot ng aking noo. , "Elisa.", pagtawag niya sa aking pangalan na aking ikinangiti.

"Elisa, alam mo naman na hindi pwede. Alalay mo ako at amo kita, masyadong magkalayo ang estado natin sa buhay at ayoko lang na mapagalitan ka ulit ng dahil lamang sa isang hamak na katulad ko.", paliwanag niya sa akin.

Napabuntong-hininga ako.

Tama, alalay ko si Amelia, habang ako naman ay ang nag-iisang anak ng mga de Silva, ang pinakamayamang angkan dito sa bayan ng Sta. Cruz.

Anak ng isang katulong si Amelia sa aming señorìo at bata pa lamang siya ay natutunan na niyang magbanat ng buto upang matulungan ang kanyang ina sa pagtatrabaho. Sampung taong gulang ako nang makilala ko si Amelia at napag-alaman din na ganoon din pala ang kanyang edad. Lubos niya akong napahanga dahil sa murang edad ay nakakaya na niyang magtrabaho para sa kanyang ina. Imbis na dapat siya ay naglalaro katulad ng ibang mga bata, mas pinili niyang magtrabaho na lamang.

Madali kaming naging magkaibigan at parang magkapatid na rin ang turing namin sa isa't-isa, ngunit nang malaman ng aking ama ang pagkakaibigan namin ay lubos itong nagalit. Lubos akong pinagalitan nito at pinaluhod sa isang bilao ng buto ng munggo at dinoble naman ng aking ama ang trabaho ni Amelia, doble sa dami at doble sa hirap.

Ngunit kahit ganoon ang kanyang sinapit ay kailanman ay hindi ako sinisi ni Amelia sa hirap ng kanyang dinanas, ngunit naging mailap siya sa akin. Sa tuwing lalapit ako sa kanya ay umiiwas siya sa akin. Ngunit hindi ako sumuko, kaya nang nasa wastong gulang na ako ay hiniling ko sa aking ama na gawing personal na alalay ko si Amelia.

Nung una ay hindi pumayag ang aking ama, ngunit bandang huli ay napapayag ko rin ito. Sobra ang aking galak nang pumayag si ama sa aking hiling, hiniling ko na maging personal na alalay si Amelia pero ang totoo ginawa ko lamang iyon upang maging magkaibigan ulit kami.

"Huwag mong isipin yan, Amelia. Kaibigan kita, ano pa man ang mangyari. Wala akong pakielam kong pagalitan ako ni ama o kung ano pa man ang isipin ng iba, dahil kaibigan kita.", sabi ko sa kanya habang hawak ang kanyang kamay, dahilan ng paglandas ng munting mga luha sa kanyang mukha.

Niyakap niya ako ng mahigpit na ginantihan ko, "Maraming salamat, Elisa.", sabi niya sa akin. Kumalas siya sa pagkakayakap at tinuyo ang kanyang mga luha. Ngumiti siya sa akin at ganoon din ako sa kanya.

"Bakit mo nga pala ako hinahap?", tanong ko sa kanya.

Bigla namang nagbago ang ekspresyon ng kanyang mukha at nagmamadali ako nitong hinatak palabas ng hardin.

"Naku! Nakalimutan ko, pinapahanap ka nila Señor at Señora.", sabi nito sa akin ng hindi ako nililingon at patuloy lamang sa paghatak sa akin.

'Si Ama't Ina. Bakit kaya?'

Mi Amor (1898) el amor no escrito no contadaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon