XXIV

6 0 0
                                    

~Punto de Vista de Elisa~

Kami ngayon ay nasa kalagitnaan na ng pagkain.

Naglikot ang aking mga mata at ito ay dumako sa pwesto ng dalawang ginoo na ngayon ay naka-upo sa aking harapan. Ang dalawang ginoo na kasama ng aking tiyo sa militar ngunit kanina ko lamang napag-alamanan na si Ginoong Feliciano ay isa palang koronel habang si Ginoong Natividad ay isang kapitan.

Sa aking pagmamasid sa kanilang dalawa ay aking mas napasmasdan ang pagkakaiba ng dalawang ginoo. Si Ginoong Feliciano ay may maputing kutis habang si Ginoong Natividad ay may pagka-moreno, ang mukha ng nauna ay kakikitaan ng katapangan at bangis bagay sa kanyang ranggo habang ang isa naman ay may maamong mukha, ang buhok ng nauna ay tuwid habang ang isa naman ay alon-alon.

Ngunit ang dalawa naman ay kakikitaan din naman ng pagkaka-tulad sa isa’t isa tulad ng ang kanilang tangkad ay hindi nalalayo sa isa’t isa, at ang kanilang mga katawan ay halatang batak bagay na siguro ay mula sa kanilang propesyon.

“Elisa.”, naputol ang aking pagmamasid at natuon ang aking pansin sa tumawag sa akin.

“Tiyo?”

“Ayos ka lang ba, Iha?”, hindi agad ako naka-sagot sa kanyang tanong at muli ay napa-tingin sa paligid at aking napansin na ang atensyon ng lahat ay naka-tuon sa akin.

Ngumiti lamang ako ng munti at saka nilingon muli si Tiyo at marahang tumango. “Opo, Tiyo.”, ngumiti na lamang si tiyo sa aking naging sagot.

“Emir, kamusta?”, si Ama habang naka-tuon ang kanyang atenyon sa kanyang pinggan at patuloy lamang sa pagkain.

Tumawa si Tiyo sa naging tanong sa kanya ni Ama, bagay na aking ikinapagtaka.

“Edgardo, akin atang napapansin na mula pa kanina ay iyan ang iyong itinatanong sa akin. Pero para sagutin ang iyong tanong sa pang-apat na beses ay ayos lang ako.”, sa rebelasyong sinabi ni Tiyo ay natawa na rin ako.

“Alam mo Emir ang aking tinutukoy.”, sa pagkakataong ito ay ibinaba na ni Ama ang kanyang hawak ng mga kubyertos at seryosong tumingin sa Tiyo.

Dahil dito ay natigil ang pagtawa ni Tiyo at pinantayan ang seryosong tingin na iginagawad sa kanya ni Ama.

“Huwag ninyo itong pag-usapan sa harap ng pagkain, kung inyong gustong mag-usap patungkol sa bagay na ito ay mamaya ninyo ito gawin sa iyong opisina, Edgardo.”, si Ina na masama ang tingin kay Ama.

Ngumiti lamang sa kanya si Ama at sinenyasan si Tiyo na magpatuloy na rin ito sa pagkain.

Pagkatapos ng sinabi ni Ina ay wala ng ni-isa pa ang nagsalita at nagpatuloy na lamang ang bawat isa sa pagkain ng tahimik.

Ilang sandali lamang ay natapos na ako sa pagkain, aking ipinunas ang serbiliyeta na nakalaan para sa akin sa aking bandang labi. Lumingon ako kay Ina.

“Ina, maaari na po ba?”, bulong ko kay Ina.

Tumingin sa akin si Ina at kanyang ibinaba ang kanyang tingin sa aking pinggan at saka ngumiti sa akin at tumango.

Lumapit ako sa kanya at siya ay aking hinalikan sa kanyang pisngi.

Tumayo ako at humarap sa kanilang lahat. “Paumanhin sa inyo mga ginoo ngunit kung inyong mararapatin ay mauuna na ako sa inyo.”

Sa aking sinabi ay tumayo ang dalawang ginoo sa aking harapan maliban sa mga nakatatanda. Lumapit ako kay Ama at ito’y hinalikan sa pisngi, matapos nito’y sunod ko namang nilapitan ang tiyo at nag-mano.

Matapos nito’y hinarap ko naman ang dalawang ginoo. “Mga ginoo.”, at yumukod sa mga ito na kanila namang ginantihan.

Ngumiti ako sa kanila at tumalikod na at tumuloy na ng pagpasok sa casa kasunod si Amelia.

~Punto de Vista de la tercera~

Ang mga taong naiwan sa hapag ay pinagmasdan lamang ang pagpasok ng dalaga kasunod ang kanyang alalay sa loob ng casa hanggang sa ito’y hindi na matanaw pa ng kanilang mga paningin.

Nang kanila ng masiguro na nakalayo na ang dalaga ay agad na ibinaling ni Señor Edgardo ang kanyang atensyon sa katapat na ginoo ng may seryosong ekspresyon.

“Elena.”, banggit nito sa pangalan ng kabiyak ngunit hindi pa rin nito tinatanggal ang tingin sa kapwa ginoo.

Isang buntong-hininga ang pinakawalan ng ginang at saka ibinaba ang mga kubyertos na hawak at marahang tumango.

“Emir.”, sa pagbanggit ng pangalan ni Señor Edgardo sa kanyang bayaw ay sabay na tumayo ang mga nakatatandang ginoo.

“Ngunit, Edgardo, sa pagkakataong ito ay dapat kasama ko ang aking koronel at kapitan...”, pagbibigay-alam ni Señor Emir kay Señor Edgardo.

“Dahil sa pagkakataong ito ay hindi ako si Emir na kapatid ni Elena at ang iyong bayaw, kundi ako ngayon si Heneral Almario. Maaari ba iyon sa’yo, Edgardo?”
Tumango na lamang ang Señor sa sinabi ng Heneral sa kanya at saka hinalikan sa pisngi ang kanyang asawa at saka nagpatuloy sa lakad kasunod ang tatlo pang ginoo patungo sa kanyang opisina.

Agad na binuksan ni Señor edgardo ang pinto sa kanyang opisina at pinapasok ang tatlong ginoo at saka ito isinara.

Tumungo ang señor sa kanyang pwesto sa kabisera ng stipa at kanyang katapat naman ang heneral sa kabilang kabisera habang nakatayo sa kanyang dalawang gilid ang kanyang koronel at kapitan.

“Emir, hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Ano ang tunay na dahilan ng iyong pagdalaw?”

Pinagsalikop ng heneral ang kanyang dalawang kamay bago ito sumagot. “Maaaring magkaroon ng kaguluhan, isang malaking kaguluhan, Edgardo.”

“Ano ang iyong ibig sabihin, Emir?”

“Nagkaka-gulo ngayon sa Bulacan, Edgardo. Ang mga kasapi ng gabinete ay tunay na nagkaka-gulo ngayon.”

“Emi—“, agad na naputol ang sana’y sasabihin ng señor ng casa dahil sa ginawang pag-taas ng kamay ng heneral.

“Kung maaari, Edgardo, ay hayaan mo muna na ako’y magpaliwanag bago ka magtanong ng mga ibig mong itanong.”, matagal na nagtitigan ang dalawang ginoo bago tumango ng marahan ang señor.

“Sa totoo lamang ay hindi ko ito dapat na ibahagi sa iyo sa kadahilanang may kaselanan ang tema ng aking ibabahagi sa iyo patungkol sa ating bansa, kaya’t kung maaari ay atin na lamang isipin na kinakausap ko lamang ang aking sarili.”, walang pag-aalinlangang tumango si Señor Edgardo dito.

Yumuko ang heneral at kanyang itinuon ang kanyang atensyon sa lamesita sa kanilang gitna, pinagmamasdan ang mga disenyong naka-ukit dito.

“Ngayong taon ng labingwalong siyamnapu’t walo, ngayon ay atin ng tunay na nabawi ang sarili nating atin, ang kalayaan mula sa Espanya...”

“Ngunit sa kabila ng kalayaang ating nakamit ay isang malaking kaguluhan ang maaaring naghihintay sa atin...”, at saglit na tumingin ang heneral sa señor at saka muling ibinaling ang kanyang atensyon sa lamesita.

“Sa mga oras na ito ay nagtitipon-tipon ang mga kasapi ng gabinete kasama ang dalawa pang heneral ng ating hukbong sandatahan. Ang kanilang paksa ay patungkol sa mga Amerikano, mga Amerikano na katulad ng mga Kastila ay maaari din nila tayong sakupin. Hindi pa malinaw ang estado ng kanilang mga pag-uusap ngunit may mga nakalalabas na mga balita na matindi ang mga nagiging pagtatalo sa loob ng gabinete dahil sa ang marami ang naniniwala na ating kakampi ang mga Amerikano at wala silang anumang intensyon na tayo ay sakupin.”, matapos ang pahayag ng heneral ay kanya ng pinakatitigan ang ginoo na nasa kanyang harapan at kanyang nakita ang seryosong mukha nito.

“Kung sila ay hindi pa natuto noong panahong sinakop at pinamunuan tayo ng Espanya ay wala akong ibang masasabi kundi sila ay mga mangmang.”

Mi Amor (1898) el amor no escrito no contadaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon