III

99 26 51
                                    

~Punto de Vista de Elisa~

Pagkasara ng pinto ay nag-angat ng kanyang tingin si Ama at tumingin sa aming mga bagong dating.

Pagkakita sa amin ay ngumiti ito agad at tumayo mula sa kanyang kinauupuan at lumapit sa amin. Paglapit sa amin ay pumunta ito agad kay Ina saka ito hinalikan sa pisngi, sumunod ay lumapit din sa akin si Ama at niyakap ako ng mahigpit na ginantihan ko rin.

Ilang sandali lamang ay kumalas na si Ama mula sa yakap at iginaya kami ni Ina papunta sa mga upuan para sa mga panauhin. Sa kabisera pumwesto si Ama habang kami naman ni Ina ay pumwesto sa dalawang gilid.

“Ahh…Elisa, saan ka naman kaya ulit nagtago ngayong araw?”, nakangiting turan sa akin ni Ama na ikinangiti ko rin.

Sa kanilang dalawa ay si Ama ang madalas na aking kasangga pagdating sa aking mga pagtakas maliban na lamang sa ibang mga bagay na talagang kanyang hindi sinasang-ayunan, habang si Ina naman ang madalas na ako ay pinagbabawalan sa mga gusto kong gawin.

“Hay naku, Edgardo, pagsabihan mo nga iyang anak mo! Sabihin mo sakanya na hindi ganyan ang dapat na kilos ng isang binibini! Mas lalong hindi dapat siya nagtatagal sa labas dahil sa kalaga— “

“Elena, pagbigyan mo na si Elisa. Malaki na siya, nasa wastong gulang na rin siya, hayaan mo ng magsaya ang anak natin.”, pagputol ni Ama sa sinasabi ni Ina.

“Kaya hindi na sumusunod sa akin si Elisa, dahil diyan sa pangungunsinti mo.”, sabi ni Ina na may pagtatampo sa kanyang tono at pinag-krus ang kanyang mga braso sa harap ng kanyang dibdib.

Natawa kami ni Ama sa inakto ni Ina na naging dahilan ng pagkunot ng noo ni Ina na mas lalo lang naming ikinatawa.

Ilang sandali lamang ay lumapit si Ama kay Ina upang lambingin ito ngunit ay lumayo naman si Ina kay Ama at patuloy pa rin sa pagtatampo. Ito ay naulit pa ng ilang beses hanggang sa hindi na rin nakayanan pa ni Ina at sumuko na rin sa pangungulit na ginagawa ni Ama sa kanya.
Strikto man sa paningin ng iba si Ama, sa amin ay isa siyang masayahin at mapagmahal na ama at asawa.

Tunay namang hanga ako sa pagsasama at pag-iibigan ng aking mga mahal na magulang, matagal na panahon na silang mag-asawa ngunit ay hindi pa rin nagbabago ang turingan nila sa isa’t-isa. Kita sa kanilang dalawa ang nag-uumpaw nilang pag-ibig para sa isa’t-isa, sa bawat titig nila sa isa’t-isa ay kita sa kanilang mga mata kung gaano nila kamahal ang isa’t isa.

Nasa ganoon kaming sitwasyon ng may kumatok sa pinto ng opisina, umayos sa kanyang pwesto si Ama bago niya pinapasok ang bagong dating. Bumukas ang pinto at pumasok si Amelia na may tulak na carrito na naglalaman ng mga inumin.

Paglapit sa aming kinauupuan ay maingat na inilapag ni Amelia sa mesa na nakapwesto sa gitna ang aming mga inumin. Pagkatapos niya itong gawin ay nagpasalamat kami sa kanya at tuluyan na siyang umalis, dala parin ang carrito na ngayon ay wala ng laman.

Kinuha ko ang inumin na nakalaan para sa akin at ganoon din sila Ama’t Ina. Pagkatapos kong sumimsim sa aking inumin ay napangiti na lamang ako. Isa itong tsaa na nilagyang ng kaunting pulot. Maingat kong inilapag ang aking tasa sa lamesa at bumaling kay Ama na ngayon ay umiinom ng kanyang tsaa.

“Ama, may nais daw po kayong sabihin sa akin?”, tanong ko dito.

Nakita ko kung paano maingat na inilapag ni Ama ang kanyang tasa sa mesa at lumingon kay Ina na ngayon ay bakas ang pag-aalala sa mukha, hinawakan ni Ama ang kamay ni Ina.

Napakunot ang aking noo dahil sa paraan ng kanilang pagkilos at ang kaninang kabang aking naramdaman ay bigla ulit sumiklab sa aking dibdib.

“May problema po ba?”, nag-aalalang tanong ko sa kanila.

Nagpalipat-lipat ang aking tingin sa kanila Ama’t Ina at aking hinihintay ang kanilang mga susunod na gagawin.

“Elisa.”, pagtawag sa akin ni Ama na naging dahilan ng pagtuon ko dito ng pansin.
Saglit itong huminto at huminga ng malalim.

“Elisa, gaya nga ng sinabi ko kanina ay nasa wastong gulang kana…”, saglit na tumigil si Ama at tumingin saglit kay Ina saka muling itinuon sa akin ang kanyang tingin. “Natatandaan mo pa ba si Danilo Bartolome.”

“Si Danilo?”

“Opo, ama. Kababata ko po si Danilo.”, sagot ko sa tanong nito, ngunit…, “Ngunit bakit nyo po naitanong at ano po ang koneksyon niya sa aking gulang?”, medyo naguguluhan kong tanong.

Ngunit ang mga sumunod na sinabi ni Ama ay hindi ko naintindihan at tila nakapagpabingi sa akin.

Mi Amor (1898) el amor no escrito no contadaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon