Act 6: Cadenza

553 28 11
                                    

Act 6: Cadenza

Isang buwan nang hindi pumapasok si Adrian sa eskuwelahan. Pati si Christoph ay pinagbawalan na rin na makipag-komunikasyon sa kanya. Hindi na makontak ang kanyang cellphone at ayaw naman ipasagot sa kanya ng mga katulong ang mga tawag sa telepono.

Hindi ko mapigilang malungkot. Parati akong nakatulala sa bakanteng upuang dati niyang ino-okupa noong hindi pa kami malapit sa isa't-isa. 

Dapat ko bang sisihin ang sarili ko sa nangyari? Kasalanan ko bang mapasok sa gulo si Adrian?

Hindi. Hindi ko naman ginusto na mapaaway siya. Hindi ko gustong masaktan siya. Mas lalong hindi ko akalain na magiging ganito ang kahihinatnan ng lahat.

Nakakapagod mag-isip. Nakakapagod magtanong na wala namang sumasagot. Pati pag-aaral ko ay naapektuhan. Nagalit si Mama at Papa kasi naibagsak ko ang dalawa kong maikling pagsusulit sa Siknayan at Agham. 

Maging ang mga dati kong kabarkada ay naging ilag sa akin. Kahit papaano, nangungulila rin ako sa presensya nila Ara. Tanging si Christoph ang naging kasama ko tuwing lunch at break pero siyempre iba siya kasi lalaki siya at may iba rin siyang kaibigan na nakakasama niya.

"Gutierrez!" Papalingon na ako ng naramdaman ko na lang ang malakas na tama ng bola sa aking mukha. Napaupo ako sa sahig at nasapo ko ang aking mukha.  

"Aray..." Hinimas-himas ko ang puno ng aking ilong. Pakiramdam ko ay namamaga iyon.

"Naku sorry!" Narinig kong sambit ng aking kaklase. 

"Ayan, lutang kasi." Nagpanting ang tenga ko ng marinig ko ang boses ni Jen. Kung kanina nagmumuni-muni ako na na-mi-miss ko sila, ngayon ay nawala lahat ng iyon at napalitan ng inis.

"Gutierrez, sa susunod maging alerto," sabi ng guro namin sa PE. "Sige, pumunta ka muna sa clinic."

Tumayo ako at naglakad papalayo. Hindi ko pinansin ang mga nanunuring tingin ng grupo nila Ara.

"Dianne sandali!" Naramdaman ko ang kamay ni Christoph sa aking braso. "Samahan na kita."

"Salamat, kaya ko na." Pero hindi niya inalis ang kamay niya at inalalayan ako palabas ng gymnasium. Sabay kaming naglakad papunta sa clinic.

Pagkapasok namin ng clinic, agad akong binigyan ng bolsa de hielo ng nurse at pinaupo muna sa katre. Nagpaalam na si Christoph upang bumalik sa klase.

Habang nasa clinic ako, di ko mapigilan na mapa-isip. Pakiramdam ko masama ang lagi akong natutulala kasi napapahamak na ako. 

Bakit ba kasi ang hirap iwaglit sa isip ang mga alien?

Datirati tahimik at ayos lang naman ang buhay ko. Ngayon nagiging komplikado. 

"Hi Dianne." Nagulat ako nang maramdaman ko na may taong nasa tabi ng katreng kinauupuan ko. Napakaganda ng kanyang maamong mukha at nahiya naman ako kasi alam kong namumula ang mukha ko dahil sa tama ng bola.

"Um, hello." Tipid kong sagot. Naupo si Aria sa espasyo sa aking tabi. Naiilang ako sa kanya. Hindi kami nag-iimikan. Parang tinatantiya namin ang sasabihin sa isa't-isa.

"Adrian wants to see you." Basag niya sa katahimikan.

"Gusto ko rin naman siyang makita." Nakaramdam ako ng saya sa sinabi niya. Ibig sabihin na-mi-miss ako ni Adrian?

Malamang Dianne. Ikaw nga na-mi-miss mo siya di ba?

"Come with me." Inabot niya ang kamay ko at hindi na ako nakapalag. Napasunod na lang ako sa kanya. Dinala niya ako sa parking lot at pinasakay sa kanyang kotse. Hindi ko alam na nag-dri-drive din pala siya. Isang pulang Mazda ang kotse niya. 

"Saan tayo pupunta? Bawal akong lumabas kasi class hours pa." Nag-aalala akong sumulyap sa bintana. "Aria?"

Ngumiti lamang siya ng bahagya. "Lie down at the back seat. My windows are tinted." Hala, para lang siyang si Kuya Andrew. Nag-aalangan pa rin ako dahil bawal ang gagawin niyang pagpuslit sa akin mula sa eskuwelahan pero nanaig ang damdamin kong makita si Adrian.

 "Babalik ba tayo dito?" Hindi ako mapakali habang nakahiga sa backseat. Pakiramdam ko mahuhuli kami sa ginagawa namin.

"I don't know. We'll see, now hush." Ibinaba niya ang kanyang bintana upang ibalik yung visitor's ID sa guwardiya. Hindi naman ako nakita pero kumabog pa rin ang aking dibdib.

"Saan tayo pupunta?" Alam kong para akong tanga sa kakulitan ko pero kinakabahan kasi talaga ako. Baka mamaya hanapin ako ng aking mga kaklase dahil oras na para sa susunod na sabjek. 

"To Adrian." Matipid niyang sagot. Napansin kong binabagtas namin ang daan patungo sa loob ng subdivision nila Adrian. Medyo lumalabas na ang aking kasabikan na makita siya. 

Pero sa halip na sa kalye nila Adrian kami dumiretso ay kumanan kami sa kabilang daanan. 

"Akala ko pupuntahan natin si Adrian?" Hinahabol ko ng aking paningin ang kalsada kung saan naroon ang mansiyon.

"Yes." Makailang saglit pa ay tumigil na siya. Nagulat ako ng magbukas ang pinto at ang una kong nakita ang naka-kunot na noo ni Adrian.

"Did anybody follow you?" Tanong niya kay Aria. Para akong napako sa aking upuan dahil sa pagkamangha. Ibinuka niya nang mas malaki ang pintuan at inabot ang aking kamay. Parang lutang na napasunod ako sa kanya. Inalalayan niya ako palabas ng sasakyan ni Aria patungo sa sarili niyang sasakyan.

"No. What are you going to do about the CCTVs?" Nagpabalik-balik ang mata ko sa kanilang dalawa. 

"Taken cared of." Ngumiti siya ng bahagya. "Arigatou, Aria-nee."

"Take care Adie."

Iginiya niya ako papasok sa passenger side ng kotse niya. Siya na mismo ang nagsuot ng sinturong pangkaligtasan bago pumunta sa driver's side at buhayin ang makina.

"Adrian..." Naguguluhan ako. Ang bilis ng mga nangyayari. Isang minuto nasa eskwelahan ako ngayon kasama ko na si Adrian sa kanyang sasakyan.

Nagulat ako nang yakapin niya ako nang mahigpit. 

"Koi." Anas niya sa aking punong-tainga bago ako masuyong hinalikan. Dampi lamang pero ramdam ko pa rin ang kanyang pagkasabik na ako'y makapiling muli.

"Adrian saan tayo pupunta?" Napakagat-labi siya bago bumuntong-hininga.

"Do you trust me?" Seryoso niyang tanong. Hala, anong ibig niyang sabihin?

"Ha?"

"Do you trust me, koi?"

"Bakit? Anong nangyayari?"

"Come with me, please?" Nagsusumamo ang kanyang mga mata. Nanlamig ang aking mga kamay sa kanyang tinuran.

"Saan?" Napaurong siya sa kanyang upuan at nagsimulang mag-drive.

"Adrian saan tayo pupunta?" Yung kaba ko sobrang lakas na. Tila lalabas ang aking puso sa aking dibdib. Hindi kaya gusto niya kaming magtanan?

Jusmiyo, ang bata pa namin saka hindi na uso 'yon!

Hinawakan ko ang braso niya. Ayokong sumama na hindi ko alam kung saan kami pupunta. Tiyak madodoble ang galit nila mama at papa kapag nalaman nila na nag-cutting class ako at sumama sa boyfriend ko.

"Adrian natatakot ako. Saan tayo pupunta?" Untag ko.

"Spend the day with me. That's all I'm asking." Lumabas na kami ng subdivision sa likod na gate nito. Hindi ako pamilyar sa lugar na aming dinadaanan. Saglit na dumaan ang kanyang sasakyan sa squatters area bago lumabas sa highway. Napaigtad pa ako ng abutin niya ang kamay ko at mahigpit na hinawakan.

"Trust me. Just one afternoon."

W/N:

Pasensiya napakatagal bago ako nag-update nito. Tinapos ko muna ang ISITL dahil naroon ang muse ko. Patawad rin sa aking kasabawan sa kwentong ito. Hindi na pala ako sanay magsulat ng Teen fic na genre kaya ako'y nangangapa muli.

Cadenza means "Falling"


Dear Mr. Otaku (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon