Act 8: Acapella

537 23 10
                                    

Noong una parang napakabagal nang paglipas ng panahon. Tila ang oras ay gumagapang at bawat oras, minuto, at segundo ay nararamdaman ko. Kaybigat sa dibdib isipin na kailangan kong mabigo sa una kong pag-ibig.

Maaring para sa iba, hindi naman talaga ito tunay na pag-ibig 'pagkat kapwa bata pa kami ni Adrian, ngunit ramdam ko ang unti-unting pagkadurog ng puso ko sa bawat minutong hindi kami magkasama at bawat milyang naghihiwalay sa amin.

Maikling panahon man na kami'y naging magkalapit pero pakiramdam ko ay isang parte ng puso ko ang namatay nang umalis siya.

Ang mga oras ay naging araw. Ang mga araw ay naging linggo. Ang mga linggo ay naging buwan. Ang mga buwan ay naging taon.

At bawat panahon na lumipas ay nangungulila ako sa kanya.

Sinubukan kong gumawa ng paraan upang magkaroon ng komunikasyon. Tinawagan ko si Kuya Andrew para malaman ang kanyang numero sa ibang bansa pero bigo akong makausap si Adrian. Inalam ko kung ano ang numero ng kanyang tirahan pero walang maibigay sa akin, 'pagkat ayaw nilang matunton siya ng kanyang lolo. Sinubukan kong hanapin siya sa internet, pakiramdam ko ay isa akong stalker sa pagtingin ko sa mga search engines, social media sites, maging sa mga gaming communities. Pinagalitan ako ng aking mga magulang dahil maraming oras daw ang aking nauubos sa pag-o-online nang madalas.

Gusto kong magalit kay Adrian. Gusto kong magtanong kung ano ba talaga ang totoo. Gusto kong malaman kung lahat ba nang sinabi at ipinaramdam niya sa akin ay totoo.

Pero wala siya para tanungin ko. Tanging hangin at ulan lamang ang kausap ko tuwing gabi at nagmu-muni-muni ako. Maraming beses kong nakatutulugan ang pag-iyak.

Parang naging hibang ako ng panahon na iyon.

Minsan sinasabi ko sa sarili ko na tama na, wala ng pag-asa ang kanyang pagbalik. Minsan naiisip ko na kung totoong mahal ako ni Adrian, gagawa rin siya ng paraan upang kami ay magkaroon ng komunikasyon.

Hindi na nahilom ang lamat sa aming pagkakaibigan nila Ara. Ang pagka-tanggal sa kapatid niyang si Josh at kaibigan nito sa eskuwelahan ay naging dahilan upang sisihin niya ako. Hindi ko na rin naman gusto na makipagkaibigan sa isang tulad niya.

Si Christoph ay naging kalapit ko, ngunit sadyang mas komportable siya na makisama sa mga lalaki kaya't naiiwan pa rin ako na mag-isa.

Sa simula ay naging napakabagal nang pag-usad ng panahon ngunit napagtanto ko rin na mahirap makulong na lamang sa iisang bagay na walang katiyakan. Tinulungan ako ng aking mga magulang. Alam kong gustong-gusto nilang magbalik ang aking dating sigla.

Pinipilit ko na maging masaya sa harap nila. Ayokong malungkot ang mama at papa at mag-alala sa akin.

Ngunit tuwing dapit-hapon at malamig ang simoy ng hangin naalala ko ang hapon kung kailan siya nagtapat ng pag-ibig, tuwing umuulan naririnig ko ang boses niyang kumakanta, at kapag nakakakita ako ng bulalakaw sa langit, naalala ko ang aking hiling sa mga bituin.

Wala na si Mr. Alien. Wala na si Adrian.

Ngunit kailan mawawala ang sakit na dulot nang nangungulila kong puso?


...oOo...oOo...oOo...


"Kumpleto na ba tayo?"

"Wala pa sila Kurt at Elle."

"Weh, nag-date lang siguro 'yon."

"Pumila na kayo nang maayos." Singhal ng class president namin. Nagkukulitan pa rin ang mga pinapalinyang magsisipagtapos. Tinanggal ko muna ang cap ko dahil mainit sa lobby ng Teatro kung saan gaganapin ang aming Graduation Rights.

"Dianne, gusto mo bang magpalit ng sapatos?" Tanong sa akin ni Mama.

"Hindi na po." Pagtanggi ko. Medyo mataas ang takong nang suot kong sapatos ngunit komportable naman ito. Maraming naiirita sa kanilang suot na damit at toga dahil napakainit at ang tagal na nang paghihintay para sa mga huling dumating.

"Dianne!" Bigla kong naramdaman ang pag-akbay sa akin ni Christoph. "Congrats!" Bati niya. "Saan ba ang graduation party?"

"Kung maka-party naman 'to," siniko ko siya. "Ikaw nga ang May Karangalan sa ating dalawa."

"Hehehe..." Muntik na rin akong magkaroon ng karangalan pero naapektuhan ang mga grado ko nang magkaroon ako ng depresyon. Mabuti at nakalampas rin ako doon at naipagpatuloy ko ang aking pag-aaral.

"Okay ka na ba?" Tanong niya. Nginitian ko siya.

"Oo naman. Excited na nga ako mag-college. Ikaw baka kapag college na tayo, hindi mo na 'ko kilala. Uupakan kita." Biro ko sa kanya.

"Siyempre hinde no. Magkikita naman tayo. Iisa lang univeristy natin." Sa parehong unibersidad kami nakapasa bagamat Business Administration ang kinuha niyang kurso at ako naman ay sa Home Economics.

"Basta kapag may project na pagkain, i-te-text mo ako. Ako na ang mag-ta-taste-test."

"Taga-ubos kamo."

Naputol ang aming usapan dahil humudyat na ang aming guro nang simula ng pag-martsa. Dali-daling nagsipuntahan sa kanilang puwesto ang mga magsisipagtapos.

Rinig ko ang tugtog ng Canon in D. Hindi ko alam kung bakit biglang bumigat ang aking pakiramdam sa bawat hakbang ko habang tinatahak ang pulang karpet papasok sa teatro. Nararamdaman kong tila babagsak ang aking mga luha.

Mayroong magtatapos ngayong araw na ito, pero parang higit pa roon ang aking nararamdaman.

Hindi na ako high school. Ngayong araw magtatapos ang isang yugto ng aking buhay.

Isang yugto na puno ng matatamis at mapapait na alaala.

Mayroon na akong mga bagay na dapat kalimutan. Mayroon ding mga bagay na dapat simulan.

Iniangat ko ang aking ulo at pinagmasdan ang paligid. May mga nakita akong basa rin ang sulok ng mga mata. Hindi pala ako nag-iisa. Napangiti ako nang mapagtanto ko na hindi lamang ako ang nakararamdam ng ganito.

Bawat minuto ng programa ay ninamnam ko. Mula sa mga talumpati, ang pagtayo at pag-abot ng mock diploma, ang pagsasabit ng mga award, ang pagkanta ng graduation song... lahat tila nakaukit sa aking isipan.

May parte ng buhay ko ang iiwan. May parte na bubuksan. Isang bagong kabanata.

"Dianne, smile ka naman!" Kantiyaw ni Christoph habang kami ay nagpapakuha ng group picture. Napangiti na rin ako kahit na pilit lang. Lahat ng nasa paligid ay nagyayakapan at kumukuha ng larawan sa isa't-isa. Nakakahilo ang mga flash na galing sa mga kamera.

"Sandali..." Pagpapaalam ko. Naglakad ako palabas ng teatro at pumunta sa isa sa mga balkonahe sa gilid nito. Namataan ko ang Carillon. Mayroong mga upuan roon at naisip kong magpahangin muna.

Naupo ako sa isa sa mga upuan at pinagmasdan ang mangilan-ngilang estudyante na pawang pauwi na galing sa seremonya ng pagtatapos. Nakita ko kung paano sila magpaalam sa isa't-isa na tila ba ito na ang kanilang huling pagkikita.

Sa iba, oo marahil ito na nga ang kanilang huling pagkikita.

Ipinikit ko ang aking mga mata at huminga nang malalim. Rinig ko ang nag-aawitang mga ibon na naglalaro sa mga puno ng acacia at mahogany. May init ang hangin na umiihip dahil panahon na ng tag-init.

Naramdaman ko na lang na may nakaupo na sa aking tabi. Tahimik lamang siya kaya naman hindi ko masyadong pinansin. Nakakaantok ang init ng panahon.

"Am I too late?"

Napadilat ako sa boses na 'yon. Dahan-dahan kong ipinilig ang aking ulo upang masiguro na hindi ako nakakarinig lamang ng mga boses. Napalunok ako ng malalim. Tila may bumara sa aking lalamunan.

"Adrian?"




Dear Mr. Otaku (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon