Part 47

63 12 0
                                    

Passcode


Nakatitig at libang na libang ako sa berdeng-derdeng bundok sa harapan ko. Tanaw rito sa kinauupuan ang ilang hinagdanang palayan na babagong nagkukulay lumot ang dahon, indikasyong ilang linggo pa'y mamumunga na iyon. May mga bahayan na tila posporong nakadikit at patong-patong, magkakasunod at pataas sa bundok. At ang malawak na taniman ng strawberry na pag-aari ng tinutuluyan ko rito sa Baguio.

Malayo sa kabayanan ang lugar na ito ngunit kumpleto naman, may maliit na talipapa kung saan maraming dumadayong mangangalakal at doon namin nabibili lahat ng kailangan namin. Tuwing Huwebes at Linggo lang kumpleto ang tinda roon, kapag ibang araw ay kulang kaya mas magandang itaon sa araw ng kalakal.

Bumuntong hininga ako at nilanghap ang sariwang hangin. Mataas ang lugar kung saan ako nakaupo ngayon. Kubo ito na malapit sa Strawberry plantation ni tita Lucing ang matalik na kaibigan ni tita Beth.

Nang malaman niyang hindi sa Batangas ang punta ko, inalok niyang dito ako tumuloy at may kaibigan raw siya rito.

Unang plano kong sa Batangas bumalik dahil naroon ang puntod nina nanay, kaya lang wala rin naman akong matutuluyan roon at hindi ko alam kung kikita ng malaki kung magtrabaho sa bayan. Isa pa ang kaalamang si Trez na ang may ari ng lote namin roon ay lalo sa aking nagpa-ayaw.

Tatlong taon na makalipas ang lahat ng nangyari pero sariwa pa rin sa akin ang lahat. Tandang tanda ko pa kung paano ako nanginig ng makita ko ang daang tatahakin ko papasok ng Sta. Barbara.

Matarik na daan iyon, bundok na inukit ang gilid upang gawing kalsada at madaan ng mga sasakyan. Bagaman may bakod ang gilid ngunit pakiramdam ko'y isang kabig ko lang sa manibela ay mahuhulog ako sa bangin.

Matingding pakikibaka ang dinanas ko roon. Nanginginig ako at namamanhid, pero hindi ako puwedeng tumigil, may mangilan-ngilang sasakyang sumusulpot at baka magtraffic kapag hindi ako umusad.

Nanginginig pa rin ako, pero may biglang humawak sa manibela at pinatawid ako sa passenger seat.

Gulat man ay sinunod ko siya. Estranghero sa akin ngunit sa gulantang ko sa daang ito'y wala akong nagawa.

Sandali niyang pinag-aralan ang mga pedal at kambiyo noon bago nagsimulang patakbuhin. 

Manual ang Owner ko at lumang disenyo kaya maaaring hindi rin pamilyar ang iba kung iharap sa ganito.

"Saan ang punta mo? Bago ka rito?" mababa ang boses niya.

Nakajacket siya at may nakapatong na polo sa ibabaw na bukas ang butones sa harap. Nakamaong sa pantalon, sapatos at naka-bonnet. Bigla sumulpot sa isipan ko si Trez.

"Miss, saan ang punta mo?" ulit niya sa tanong na hindi ko nasagot.

Natauhan ako. "Ah, sa strawbery plantation."

"Saan doon? Maraming ganoon dito?"

"Kay...kay Tita Lucing."

Bumaling siya sa akin at kumunot ang noo. "Ikaw iyong pamangkin ni tita Beth? Pinsan ni Elize."

Napamaang ako. "Kilala mo?"

"Ako si Ino, nanay ko 'yong kaibigan ni Tita Beth."

Nakahinga ako ng maluwag at kahit basta nalang sumulpot ang isang ito ay hindi naman siya masamang tao, swerte pa at sila talaga ang sadya ko rito.

"Bakit ka nandito? Ayaw mo ba sa Maynila? Mas maganda raw ang kita roon at trabaho."

"Gusto ko ng sariwang hangin."

Los Ricos #2: A Man Once Mine (Memories) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon