throwback

52 4 2
                                        

Ang hirap magkagusto sa maganda, mayaman, matalino. Ika nga ng iba, 'yung taong almost perfect na. Tapos ikaw na may gusto, walang pera at walang patutunguhan sa buhay. Tapos nabubuhay ka pa sa mundo kung saan ikaw ang inaasahang magtaguyod nito: pera at buhay.

Ang mas mahirap pa, kahit pinipigilan ko ang sarili ko na hindi magkagusto sa kaniya, mas lalo akong nagkakagusto sa kaniya. Kahit ayaw kong mapalapit sa kaniya, dinadala pa rin ako ng aking mga paa palapit sa kaniya.

Nakita ko siyang naglalakad papunta sa Gymnasium at ang una kong ginawa ay ang sundan siya. Papunta siya sa office at sinundan ko siya hanggang sa loob. Hindi ko nga alam kung ano, pero hindi man lang niya ako napansin. Ni hindi man lang siya lumingon para tignan kung sino ang kasunod niya pumasok. Wala siyang paki.

Dumiretso agad siya palapit sa prof na naroon. Nag-usap sila saglit. Maya-maya ay abala na siya sa pagsusulat. Pagkatapos may inabot siyang papel do'n sa prof at tinatakan naman ito ng prof. Sinabihan siya na pwede niya na itong bayaran, isang mahinhing tango lang ang sagot niya at umalis na siya.

See? Ito ang hirap kapag masyadong mataas 'yung pinapangarap e...

Imbes na sundan siya palabas, tinignan ko na lang kung ano 'yung sinusulatan niyang papel kanina. Nag-enrol siya ng PE class niya. Psh. Rhythmic Activities pa napili, mukhang 'di naman marunong magsayaw.

"Yes? Anong kailangan mo?" tanong sa'kin nung professor.

"Ma'am, pwede pa ba 'to?"

"Wait—" Kinuha niya 'yung papel tapos may kung ano siyang kinalikot sa computer. "Pwede pa naman dito, pero apat na estudyante na lang pwede. Hanggang Friday pa naman bukas ang enrolment, pero kung gusto mo ng madali-daling PE, i-enrol mo na 'to. Puro mahihirap na 'yung natira rito oh."

Inisa-isa niya ang ibang form at halos puro may takbuhan na ang natirang PE tulad ng Basketball, Volleyball at Baseball.

Napakamot lang ako ng ulo. May PE class na talaga ako, Swimming, pero parang gusto kong mag-enrol sa subject na 'to para maging kaklase siya. Ayos lang din dahil pareho lang naman ito ng araw ng Swimming class ko at hindi naman makakasagabal ang schedule nito sa iba pang klase para sa araw na 'yon. Pero baka magtaka naman mga kaklase ko kung bakit iiba pa ako ng PE class sa kanila.

"Ma'am, sa anong year at section ako madadagdag kapag nag-enrol dito?"

"Ah... sa BPE 2-3."

"Oh..." Tumango-tango ako at napangiti. "Sige po, Ma'am. Pag-isipan ko po muna. Balik ako agad kapag okay na."

"Okay," tugon ng professor, may kasama panghand sign na okay.

Maingay ang buong klase pagbalik ko sa room. Tumabi naman agad ako kay Monique. Sinamaan niya ako ng tingin. Siya ang aming Class President kaya sa kaniya lang ako makakahingi ng pabor kung gusto kong mabago ang PE class namin dahil siya ang nag-aasikaso nito.

"May kailangan ka na naman sa'kin, 'no?" bungad niyang sabi sa akin.

"Pa'no mo nalaman?"

"E, lalapit ka lang naman sa'kin kapag may kailangan ka e."

Natawa ako, pero hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa. "Makipagpalit tayo ng PE class sa ibang section."

"Bakit naman?"

"Ang hassle nung Swimming e."

Natatawa siyang umiling-iling. "Kung tinatamad ka pumasok, Ezra, 'wag ka mag-alala. Kami na mag-attendance para sa'yo kung tinatamad ka pumasok."

Nagtawanan ang ilan kong mga kaklase na nakarinig sa kaniya. Ang isa kong kaklase na si Angelo, nagpahayag naman ng pagsang-ayon hanggang sa ang iba ko pang mga kaklase na ayaw din pala ang Swimming ay nakisali na sa diskusyon.

"Eh, kanino tayo makikipagpalit? Sa Friday na ang last day ng enrolment ng PE class."

"Section 3..." sagot ko.

"Anong PE nila?"

"Rhythmic Activities." Lumingon ako sa iba pa naming mga kaklase, na nagkumpulan na sa harap namin, para humingi ng opinyon. "Okay ba kayo do'n?"

"Ako... okay lang," sagot ni Victoria. Isa sa mga close friend ni Monique.

"Okay lang..." sagot naman ng iba.

Tumango si Monique. "Not bad. Pa'no mo pala nalaman PE nila?"

"Wala, nakita ko lang sa bulletin board sa gym," pagsisinungaling ko.

"Paano kung ayaw nila makipagpalit?"

"Hindi 'yan. Makikipagpalit 'yan. Sigurado akong gusto nila ang Swimming," sabi ko, kinukumbinsi ang sarili at hinihiling na sana ay makipagpalit sila.

"Sige, asikasuhin ko mamaya."

"Okay. Salamat," nakangiti kong sabi.

Gusto ko lang ma-experience ang maging kaklase siya. Kahit ito na lang.

🌹

Matapos ang klase namin ay tumambay ako sa Library para magpalipas ng tatlong oras na vacant time. Pumwesto ako malapit sa bintana kung saan tanaw ang paboritong tambayan ni Margarette. Madalas ako rito umupo para tignan lang siya.

Ewan ko ba. Hindi pa talaga ako nagkagusto sa isang babae na ganito. Tipong gustong-gusto talaga.

Nagkaroon na ako ng girlfriend noong high school, pero dahil lang naman 'yon sa parati kaming inaasar ng mga kaklase namin kaya tinotoo namin. Makalipas ang isang taon, nung pa-graduate na kami ay nakipaghiwalay ako sa kaniya. Una sa lahat, wala akong luho para makipagrelasyon. Pangalawa, gusto ko naman siya, pero hindi ko talaga siya ganoon ka-gusto.

Itong nararamdaman ko para kay Margarette ay iba e. Siguro dahil na rin sa style niya. Maganda siya manamit, tapos maganda pa siya. Siya rin 'yung tipo na kahit walang ginagawa, mapapansin mo. Nakakadagdag pa sa ganda niya 'yung pagiging seryoso niya sa pag-aaral.

Napailing ako sa kaiisip sa kaniya nang eksaktong makita siyang dumating sa tambayan. Ang malas lang dahil mali ang upo niya. Likod niya ang nakikita ko.

Gusto ko siyang lapitan, pero tinatamad ako e. Isa pa, wala naman akong magandang maidudulot para sa kaniya kapag nilapitan ko siya.

🌹

Pagkatapos ng vacant time, isang mabuting balita ang hatid sa akin ni Monique pagpasok sa last subject namin. Pumayag ang section 3 na makipagpalit ng PE class at nakapagpa-pirma na siya sa Prof ng klase na iyon.

"Naku, ngingiti-ngiti na naman si Ezra. Crush mo talaga ako, ano?" pabirong sabi ni Monique.

Mapang-asar na hiyaw naman ang ibinigay ng mga kaibigan niya sa'kin. Pailing-iling akong tumingin sa labas ng room. Sanay naman na ako sa mga pang-aasar nila. Simula first year kami, palagi na akong inaasar ni Monique dahil ang tahimik ko raw. Hindi ko na lang masyado pinapansin. Alam ko namang ginagawa niya lang 'yon para makakuha ng reaksyon mula sa'kin.

Mabilis na lumipas ang oras. Pagsapit ng uwian, pumunta ako sa Parking Area ng campus. Hindi ko nakita ang kotse ni Margarette kaya naisip kong sa gate mag-abang sa paglabas niya. Baka hindi siya nagdrive papasok ngayon.

Napaka-ambisyoso ko talaga para magpapansin sa kaniya. No'ng nakaraang araw na isabay niya ako pauwi, ni hindi man lang ako nagpasalamat. Ano bang mukha ang ihaharap ko sa kaniya ngayon? Ewan ko ba kung saan ako nakakakuha ng lakas ng loob. Sigurado namang hindi rin ako magugustuhan ng magulang niya para sa anak nila.

Makalipas ang isang oras, nagpasya rin akong umuwi na dahil walang Margarette o kahit anino niya. Hay. Ano ba kasing inaasahan ko sa paghihintay at pagbabakasakali na makita siya?

Pixie Girl 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon