Sa loob ng tatlong buwan, nag-focus muna ako sa full time na pagta-trabaho sa gym ni Sam. Hindi ako pumasa sa BPO company kung sa'n nag-apply kami ni Warren. Sa kabutihang palad ay pumasa naman siya. Ako lang talaga ang hindi.
Nung una nga, nag-alala talaga ako na hindi ako nakapasa. Hindi naman ako nag-expect na makakapasa ako at hindi ko na-imagine ang sarili ko na magtrabaho sa call center, pero iba pala ang pressure na magkatrabaho agad para makatulong sa pamilya. Thankfully, kailangan pa rin ni Sam ng katulong sa gym at hinihintay niya lang pala na maka-graduate ako para alukin ng full time na trabaho.
Monday at Tuesday ang rest day ko. Tuwing Wednesday hanggang Friday naman ay alas kwatro ng hapon ang simula ng pagbabantay ko hanggang gabi dahil kapag weekdays ay mas maraming tao sa gym. Tuwing weekends naman ay umaga na ang simula ko.
Bukod sa pamamahala sa gym ni Sam, naging sideline ko naman ang pagde-deliver para kay Ate Eileen. Ang business niya ngayon ay pag resell ng mga damit. Nag-loan siya ng motor, pero ako ang pinag-aral niyang magmaneho. Minsan hinahatid ko rin siya sa trabaho.
Maganda naman ang takbo ng business niya. At least, hindi na namin kailangang humingi ng pera sa kamag-anak lalo na ang panggastos sa bahay. Hindi na rin nahihirapan si Mama sa pang-allowance ni Ella.
Tuwing gabi naman kami kung mag-usap ni Margarette sa pamamagitan ng video call. Ngayon ay nasa Austria siya at masayang nagme-meryenda. Alas dyis na rito samantalang alas kwarto palang sa kung nasa'n siya.
Minsan gusto ko na siyang pauwiin. Ang tagal pala nung apat na buwan. Pakiramdam ko, kapag nagtagal pa siya sa ibang bansa, ma-realize niyang doon na lang tumira. Minsa'y naikuwento pa niya sa'kin dati na gustong tumira ng magulang niya sa New Zealand. Pero ang selfish ko naman kung pagbabawalan ko siya sakaling iyon ang maging pasya niya.
"Anong pasalubong mo sa'kin?" tanong ko. Nakahiga na ako at medyo mabigat na rin ang mata, pero pinipilit kong magising para makausap pa siya nang kaunti.
"Himala yatang naghahanap ka ng pasalubong," sabi niya. "Wala akong pasalubong para sa'yo. Pero ano palang paboritong kulay ni Ella? May gusto akong bilhin para sa kaniya e."
"Naku! 'Wag mo na pagkaabalahan ang isang 'yon," sabi ko.
"Bakit? I haven't really give her anything yet."
"Hindi mo naman kailangang bigyan 'yon ng regalo."
"Kahit na. Birthday gift ko sa kaniya. 'Di ba nitong August ang birthday niya?"
"September na ngayon Margarette. Bakit naman iisipin mo pa 'yung lumipas niyang birthday?"
"Ay bahala ka nga..." pagsuko niya.
Natawa naman ako at kasabay no'n ay napahikab ako.
"Are you tired? You should rest now," malambing niyang sabi.
"Hindi pa nga kita nakakausap nang matagal e. May 20 minutes pa nga lang tayong nag-uusap e."
"You've been busy today. Itulog mo na 'yan at bukas na lang tayo ulit mag-usap."
Wala naman akong nagawa kung hindi ang sumang-ayon na. Sa totoo lang, sobrang inaantok na talaga ako at kapag pinilit ko pa 'to ay makakatulugan ko na lang siya.
"Sige na... matutulog na ako. I love you."
"I love you, too."
"Margarette..."
"Hmmm?"
"'Wag kang mag-enjoy masyado diyan," paalala ko sa kaniya.
"Bakit naman?" nagtataka niyang tanong.
"Baka hindi ka na umuwi rito e."
"Baliw ka, Ezra. As if namang mabubuhay ako rito. I don't even speak the language."
"Sus. Kayang-kaya mo namang pag-aralan 'yon."
"Ezra, you're thinking too much. Just take some rest now."
"Ito na nga matutulog na nga ako. Bye."
"Good night."
Pagka-end ng video call, napatitig lang ako sa kisame hanggang sa unti-unti akong lamunin ng antok habang iniisip siya.
🌹
Sabado ang pinakaabalang araw sa gym dahil mas maraming tao ang pumupunta ngayon gawa ng ito ang madalas na pahinga ng karamihan mula sa trabaho.
Pero ngayong Sabado na ito ay mas naging abala pa kami. May iilang mga babae ang bumisita na ngayon sa gym para silayan ang kambal na si Isaac at Isaiah. Hindi ko naman pinagdududahan na baka gusto lang din nilang mag-exercise talaga, pero obvious din naman na iyong kambal talaga ang pinakadahilan kung bakit sila na-engganyo.
May tatlong linggo pa lang nang magsimula ang kambal. Tatlong beses sila sa isang linggo kung pumunta para mag-weights. Tuwang-tuwa naman sa kanila si Sam gawa ng ang dami nilang na-attract na babae. Sa totoo lang, gwapo naman talaga sila, pero hindi ko maintindihan kung anong big deal.
Maya-maya ay dumating naman si Elmar. Magkakakilala at magkaka-close sila nung kambal, pero nauna lang siyang magsimulang mag-work out kaya naman pamilyar na ako sa kaniya at isa siya sa madalas kong makakuwentuhan gawa ng ka-edaran ko lang din siya. Siya rin ang pinakamaingay na tao palagi sa gym. Tuwing bibisita siya ay imposibleng wala siyang pasalubong na kwento.
"Ezra, may balita pala ako..." simula niya nang makita ako. Oh 'di ba? Kararating lang niya, pero nagsisimula na siyang mag-ingay.
"Balita ko rich kid girlfriend mo," sabi niya na nakakuha ng ilang curious na na tingin mula sa ibang tao naroroon.
Kampante pa siyang lumapit sa kambal at nakipag-fist bump sa kanila. Tapos inulit pa niya ang sinabi niya para ibalita sa kanila.
Napakunot ang noo ko habang seryosong nakatingin sa kaniya. "Anong pinagsasabi mo?"
"Narinig ko sa kapatid ko rich kid daw girlfriend mo e. Nakakapagtravel pa nga raw sa ibang bansa," dagdag pa niya.
Napakamot ako ng ulo sa pagkairita nang maalalang magkaibigan nga pala ang nakababata niyang kapatid na si Emily at si Ella. Ito namang kapatid ko walang preno, napakaingay talaga. Hindi naman niya buhay kung ikuwento sa iba, akala mo ay alam na alam talaga.
"Balita ko may kotse pa. Uy, naka-jackpot ka Ezra ah," mapang-asar niyang sabi. "Anong sikreto mo?"
"Dalhin mo naman dito minsan," singit ni Kuya Mendel.
Ngingiti-ngiti lang ang naging tugon ko. Gusto kong batukan si Elmar dahil ang tsismoso niya masyado.
"Ayaw niyang dalhin oh. Binabakuran masyado," sabi pa ni Elmar.
"Sabihin mo mag-exercise naman siya rito kahit once a week lang. A couple that exercises together lives longer together," sabi naman Kuya Mendel.
"Ohh..." impressed na reaction ni Elmar sa sinabi ni Kuya Mendel. "Gusto ko 'yan, Kuya. A philosopher once said."
"Baliw ka, Elmar," natatawang sabi ni Kuya Mendel.
Hindi ko na sila pinansin at hinayaan na lang ang mga pangungulit nila dahil wala naman nila ako mapipilit. Paminsan-minsa'y nagpapanggap akong may isinusulat para kunwari busy ako. Ayokong makisali sa usapan nila.
![](https://img.wattpad.com/cover/238495024-288-k973004.jpg)
BINABASA MO ANG
Pixie Girl 2
Любовные романыEzra is not the perfect guy. He feels hopeless and a little bit insecure. He always feels like she's too perfect for him. And in the eyes of others, a perfect guy is meant to be with a perfect girl.